Kumpas ng Patpat

236 3 9
                                    

Sabik na sabik siyang nagmamaneho patungo sa mansyon ng kanyang mga magulang. Malayang hinahalikan ng maligamgam ng sikat ng umaga na araw ang kanyang kanang braso na nakalaylay sa bintana ng kanyang sasakyan. Ang paligid ay nakakapanibago kumpara sa lungsod. Napapalibutan ng nagtataasang bungang kahoy ang magkabilang gilid ng kalsada at hitik na hitik ito sa bunga gaya na lamang ng mangga, santol, avocado at saging. Mas presko din ang hangin.

 Halos limang buwan na din ang nakararaan buhat nang huling bisita ni Breyatee sa mga magulang nito. At dahil sa kaarawan ngayon ng kanyang pinakamamahal na ama ay sinamantala niya ang mahalagang petsa para sorpresahin sila.

Ilang oras pa ang nakalipas ay narating na niya ang lugar kung saan nakatirik ang kanilang mansyon.  Natanaw niyang muli ang kanilang malawak na taniman ng kape. Kapansin-pansin na walang trabahador na makikita sa paligid. Ayaw kasi ni Ka Tomas, ang kanyang ama, na may nagtatrabaho sa kanyang rantso sa araw ng kanyang pagsilang. Kaya itinuring na ng mga manggagawa ng Hacienda Tan ang ika-9 ng Setyembre bilang isang ispesyal na holiday para sa kanilang lahat. Sa kabila ng yamang tinatamasa ni Ka Tomas ay nanatili itong mapagkumbaba at maunawain sa kapwa. Kaya ganoon na lamang ang pagmamahal dito ng kanyang mga tauhan. Taliwas si Doña Hermenia sa kanyang mister. Arogante, sosyal at matapobre ang ginang. “Doña” ang nais niyang itawag sa kanya ng mga nasasakupan, salungat naman sa kagustuhan ng kanyang kabiyak.

“Ka Tomas! Ka Tomas! Naririto na ho si Breyatee,” sigaw ni Dalya na may kalakip na pagkalampag sa malaking pinto ng mansyon nang makita ang lila na Lexus ng dalaga sa may di kalayuan.

Nagkukumayog namang lumabas ng bahay si Ka Tomas. Gumuhit ang isang malapad na ngiti sa kanyang maninipis na labi nang makita ang kaisa-isang anak na noo’y bumaba na ng kanyang sasakyan. Tinitigan ng ginoo ang dalaga sa kanyang harapan. Maituturing na replica si Breyatee ng kanyang ina. Namana kasi nito ang mala-porselanang kutis, mapupungay na mga mata, mapupulang mga labi, matangos na ilong at mahaba’t paalun-alon na buhok ng ginang. Maliban sa kanyang pag-uugali. Nagyakapan ang mag-ama. Sumulpot naman maya-maya ang doña at sabik na sabik ding hinagkan sa magkabilang pisngi ang kanyang unica hija ngunit dismayado sa hitsura ng anak.

“What happened to you? Tingnan mo ang mukha mo, you’re ten years older than you look. I told you itigil mo na ang pagtuturo,” mataray na sagot ng ginang.

“Ma naman. Huwag na po natin ‘yang pag-usapan. Tara po, Ma, Pa, mag meryenda muna tayo sa loob. Nagutom po ako sa biyahe eh,” paanyaya ni Breyatee.

Simple lamang ang naging selebrasyon ng kaarawan ni Ka Tomas. Sabay-sabay na pinagsaluhan ng mga mag-anak ng mga nasasakupan ng pamilya Tan ang tatlong pirasong litsong baboy, dalawang malaking kaldero ng tinolang manok, dalawang kawa ng biko, at sariwa at purong sabaw ng buko. Nagkaroon din ng mga espesyal na pagtatanghal ng mga anak ng mga tauhan ni Ka Tomas bilang pasasalamat sa kabusilakan ng puso ng huli.

Dalawang linggo lamang ang pananatili ni Breyatee sa kanilang hasyenda dahil nalalapit na rin ang pasukan. Isang guro sa pampublikong paaralan si Breyatee Tan. Hindi biro ang kanyang pinagdaanan bago siya nakatayo sa harap ng kanyang mga mag-aaral at kumumpas ng kanyang patpat. Naroroon ang panahon na halos itakwil siya ng kanyang sariling ina at ng iba pang malalapit na kaibigan dahil sa karera na kanyang tinahak.

“Bakit mo ba piniling maging maestra, anak?” tanong ni Ka Tomas kay Breyatee nang minsang maabutan siya ng ama na lumuluha sa kanyang silid.

Mangiyak-ngiyak na sinagot ng dalaga ang kanyang papa. “Gusto ko po kasing maging instrumento ako ng Panginoon para sa katuparan ng mga pangarap ng mga batang matuturuan ko, Pa.”

Mabilis na lumipas ang panahon. Namalayan na lamang ni Breyatee na nasa harapan na siya ng kanyang bagong mga estudyante at namamahagi ng papel na kanilang sasagutan.

“Grade Two, makinig. Para mas makilala ko pa kayo, pakisagutan ang mga papel na hawak niyo ngayon. Dapat manggagaling sa puso niyo yung isasagot niyo, ha?” paliwanag ni Breyatee.

Nang matapos ang araw na iyon ay sabik na umuwi sa kanyang condominium si Breyatee upang basahin ang kasagutan ng kanyang mga mag-aaral sa ibinigay niyang gawain kanina sa mga ito. Pagkatapos umuwi galing sa paaralan ay nakasanayan nang gawin ng dalaga na i-review ang mga answer sheets na kanyang pinasasagutan sa kanyang mga estudyante.

Ang aking pangarap ay maging isang..

Mangingisda

Minero

Mountaineer

Mananahi

Jeepney Driver

Itinigil na ni Breyatee ang pagbabasa dahil sa pagkadismaya sa mga naging kasagutan ng kanyang mga mag-aaral.

Ito ang mga pangarap nila? Ayaw nilang maging isang piloto, abogado, chef or whatsoever pang matataas sa lipunan na propesyon? Bakit ko pa sila tuturuan kung ganito lang ang mga mithiin nila?

Kung dati ay masaya ang oras ng pagtuturo ni Breyatee sa kanyang mga estudyante, ngayon hindi na. Nawalan na siya ng gana sa mga ito. Nawalan na siya ng ganang magturo. Tila natapyasan ng malaking bahagi ang kanyang pagkatao. Para na rin siyang na-fired sa pinagtatrabahuan.

Isang hapon ay nilapitan si Breyatee ng kanyang co-teacher nang mapansin siya nitong nakatulala sa kawalan.

“Hoy! Bea. Anong tinutulala-tulala mo dyan? May problema ba?”

Matapos ikumpisal ni Breyatee kay Sandriosa ang ikinababagabag ng kanyang kalooban ay pinayuhan siya nito.

“Alam mo kasi, Bea, mga guro tayo. Tungkulin natin ang turuan at hubugin ang ating mga estudyante para sa kanilang mga pangarap. Hindi para sa mga pangarap natin para sa kanila. Malay mo, gustong maging driver nung isa kasi ganoon din ang kanyang ama. O di kaya’y gustong maging mangingisda ng isa dahil mahusay siyang lumangoy. Hindi naman natin hawak ang mga buhay nila, Bea eh. Pangarap nila yun. At wala tayong magagawa sa desisyon nila. Ang pinakaimportanteng tungkulin natin ay i-guide sila para matapos nila ang karera ng kanilang pangarap.”

Ang mga tinuran na iyon ni Sandriosa ay nagsilbing mainit na tubig na isinaboy sa nagyeyelo nang puso ni Breyatee. Naging guro nga naman siya dahil gusto niyang tulungang maabot ng kanyang mga estudyante ang kanilang mga pangarap, hindi para hadlangan o turuan kung ano ang dapat nilang maging propesyon balang araw.

Magmula noon, pinaghusayan pa ni Breyatee ang pagtuturo. Mas lalo siyang minahal ng kanyang nagiging mga estudyante. Araw noon ng kanyang pagretiro sa kanyang propesyon at kasalukuyan siyang nagaalsa-balutan para manirahan sa hacienda na ipinamana sa kanya ng mga namayapa nang magulang nang biglang tumunog ang buzzer ng kanyang condominium. Pagbukas ng pinto ay bumungad sa kanya ang isang mensaherong bitbit ang isang kahon na may katamtamang laki.

“Good morning, ma’am. Kayo po ba si Bb. Breyatee Tan?” tanong ng mensahero.

Tumango lamang ang ginang. Iniabot sa kanya ang misteryosong kahon at may pinirmahan na papel. Isinara ng ginang ang pinto nang makaalis na ang mensahero. Nagtungo siya sa balkonahe ng kanyang unit at sinuri ang bagay na kanyang hawak. Binuksan ng ginang ang kahon at tumambad sa kanya ang isang pashmena na yari sa seda at naaadornohan ng iba’t-ibang uri ng bulaklak. Mahusay ang pagkakatahi nito dahil napaghalo nito nang maayos ang kulay at klase ng bulaklak. Kalakip ng regalo ang isang maliit na piraso ng papel. Napaiyak na lamang sa kanyang kinatatayuan si Breyatee nang mabasa ang munting liham.

 

Ma’am Tan,

                Hi ma’am. Salamat po sa walang sawang pagpapaalala sa amin na sungkitin ang aming mga pangarap. Isa lamang pong pasasalamat ang pagbibigay ng pashmenang iyan sa inyo, ma’am. Naging dressmaker po ako dahil naniniwala po kayo sa aking kakayahan, sa aming kakayahan. Salamat ulit, ma’am, dahil hindi mo kami sinukuan. Ang batch ’98-’99.

                In behalf of my classmates, we love you, Ma’am Breyatee.

Nagmamahal,

Anonymous

The Last Five Standing (Summer Battle of 2014)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon