"Hayah!" Pansin ko ang panginginig ng kamay ni Amanda habang pinapalo niya ng paulit-ulit ang puting kabayong sinasakyan namin. "Bilisan mo, Beauty. Bilisan mo," halos pabulong na sabi niya pero sapat lang para marinig ko, habang ako naman ay lihim na nagdarasal na sana ay hindi kami maabutan ng mga humahabol sa amin.
Nagdesisyon na kasi kaming magtanan ni Amanda. Matagal na kaming magkasintahan, pero ayaw sa akin ng Papa niya dahil isa lang naman akong hamak na pulis, habang ang pamilya naman nila ay kilala bilang siyang pinaka-mayaman sa lugar namin dito sa San Ildefonso.
Maya-maya lang ay tatlong sunod-sunod na putok ang umagaw sa katahimikan ng gabi.
Kahit kailan, hindi talaga ako malakas sa Diyos. Kasasabi ko pa lang na sana hindi kami maabutan, e.
"Amanda, itigil mo 'yan!" Narinig naming sigaw ng isang pamilyar na boses ng isang lalaki. Sigurado akong ang Papa niya iyon.
"Mahal, nand'yan na sila," hindi maipagkakaila ang kaba sa boses ni Amanda. Kung sabagay, kahit ako rin naman ay kinakabahan, pero ayaw kong ipahalata iyon sa kaniya.
"'Wag kang mag-alala Mahal, ako'ng bahala," ang sabi ko sa kaniya sabay lumingon at nagsimula na ring magpaputok.
Isang itim na SUV at tatlong lalaking nakasakay sa motor ang humahabol sa amin. Hindi nila kami dapat maabutan dahil kapag nangyari iyon ay paniguradong katapusan na naming dalawa. Mabuti na lang at sadyang mabilis ring tumakbo si Beauty, kung kaya't kahit na naka-kotse at motorsiklo ang mga humahabol sa amin ay hindi pa rin nila kami naaabutan.
"Mahal, iliko mo d'yan," utos ko kay Amanda na ang tinutukoy ay ang daang patungo sa kaliwa namin. Sigurado kasi akong mas mahihirapan silang habulin kami sa daan na iyon gawa ng matatayog na punong nakatayo roon.
Agad namang sumunod si Amanda at iniliko si Beauty sa daang tinuro ko, habang ako naman ay patuloy pa rin sa paglingon-lingon at pagpapaputok sa likuran namin.
Noong akala ko ay medyo nakakalayo-layo na kami, ay bigla naman kaming nakarinig muli ng sunod-sunod na putok at kasabay niyon ay ang biglaan ding pagloloko ni Beauty. Nagsimula itong tumalon papunta kung saan-saan na naging dahilan upang mahulog kami parehas ni Amanda. Kasabay ng pagkahulog namin ay bumagsak din ang katawan ni Beauty sa lupa. Doon lang namin napansin na tinamaan pala ito ng bala sa tiyan.
Kahit halatang nasaktan nang dahil sa pagkahulog mula sa likod ng kabayo ay pinilit pa rin ni Amanda na makatayo upang lapitan ito.
"Beauty? D'yos ko, Ricardo, tinamaan s'ya ng bala!" Malakas na sabi niya sa akin habang hinahaplos-haplos ang kabayo, habang ako naman ay pinipilit pa rin ang sarili na makatayo.
Nang tuluyan na akong makabawi mula sa pagkakahulog ay nilapitan ko naman agad si Amanda at hinila patayo.
"Mahal, tara na! Maaabutan na nila tayo!" Ang sabi ko sa kaniya. Natanaw ko na kasi 'yung motorsiklong minamaneho nung isa sa mga humahabol sa amin. Mukhang nakakuha sila ng shortcut na daan para maabutan kami.
"Ric, hindi natin pwedeng iwanan si Beauty rito!" Sigaw niya sa akin habang hinihila ko siya patayo. Hindi nakaligtas sa paningin ko ang pagtulo ng luha niya. Kung sabagay, hindi ko rin naman siya masisisi kung mag-alala siya para kay Beauty dahil paborito niya ito sa lahat ng kabayo nila sa asyenda. Huling regalo kasi ito na natanggap niya mula sa Mama niya bago ito namatay dahil sa sakit na kanser noong dose anyos pa lamang siya.
"Mahal, kailangan na nating umalis! Nand'yan na sila!" Hindi na rin ako mapakali dahil habang lumilipas ang oras ay papalapit naman nang papalapit sa kinaroroonan namin ang mga humahabol sa amin.
Nang mapansin iyon ni Amanda ay wala na rin siyang nagawa kung hindi ang tumayo na lang at sumunod sa akin habang umiiyak. Nagsimula na kaming tumakbo, pero agad ding nanlaki ang mga mata namin sa gulat nang bigla naming makita ang Papa niya na nakatayo sa harap namin.
BINABASA MO ANG
The Last Five Standing (Summer Battle of 2014)
De TodoThis is the Summer Writing Contest of the Year! JOIN NOW! Credits to @magandangbabaeinsideandout for the cover