Three months later...
"EMO ulit habang nakatitig kay Attorney fafa, ateng?" boses na nagpapitlag kay Eira. Si Bartolome ang kumalabit sa kanya. Bartolome-na Barbie ang kailangang itawag o dadanak ang dugo sa buong farm. Unico hijo na nagpapaka-hija ni Bartolome Mahinay Senior, ang pangkalahatang katiwala ni Lola Stefania sa farm. Magkababata sila ni Barbie. Dalawang taon ang tanda nito sa kanya pero kung umarte ay parang sampung taon ang pagitan ng edad nila at anak siya nito. Isa lang si Barbie sa marami niyang mga kaibigan, na karamihan ay mga anak ng mga trabahante sa farm.
Ang dela Veza farm na nasa Nueva Ecija, ay isa lang sa mga naiwang ari-arian ni Lola Stefania. Ekta-ektaryang lupain sa Nueva Ecija at iba pang bahagi ng Central Luzon na nahahahati sa malawak na palayan, poultry farm, manggahan at tubuhan-ang malaking porsiyento ng properties na ngayon ay naiwan na kay Eira bilang nag-iisang tagapagmana ng kanyang abuela. Ang natitirang halos twenty-five percent naman ng properties ay okupado ng mga taong pinagkakatiwalaan ni Lola Stefania na pagsasaka ang ikinabubuhay. Iba't-ibang produkto ng ibinibigay sa abuela niya isang beses sa bawat taon bilang renta sa lupa. Hindi ito nagpapabayad ng pera. Hindi rin nagdidikta ng dami ng produkto, kung ano lang ang maalalang ibigay ng mga magsasaka. Siguro ang kabutihan ni Lola Stefania ang dahilan kaya katapatan rin ang sukli ng mga taong natulungan nito. Kung hindi mga produkto ang dumarating sa kanila ay mga kinatay na manok at baboy-mga alaga rin ng mga magsasakang nagpapalago sa lupang ipinagkatiwala ni Lola Stefania.
Sa pagkamatay ni Lola Stefania ay marami pang ari-arian na hindi alam ni Eira ang binanggit sa kanya ni Atty. Harold Virgil, abogado ng lola niya mula nang nagkaisip siya. Malapit sila ng abogado. Attorney H-handsome ang tawag niya rito mula fourteen years old siya. 'Sweetheart' naman ang ganting endearment sa kanya ng abogado na siya rin ang nagdikta. Tandang-tanda ni Eira na sa mga pagkakataong wala siyang sundo sa School noon ay ang ito ang sumusundo sa kanya.
Nang mag-kolehiyo na sa Maynila si Eira ay si Attorney Virgil parin ang nag-asikaso ng condo unit na tinirhan niya. Tuwing weekend ay binibisita siya nito para i-check kung okay siya. Tutor niya rin ang abogado sa law subject niya noon. Tutok ang bantay sa kanya hanggang nagtapos na siya ng kolehiyo. Business Management ang kurso niya.
Binata si Attorney Virgil. Prince charming na walang princess. Hindi alam ni Eira kung bakit. Crush niya ang abogado mula nang mamulat siya sa kahulugan ng salitang iyon. Noong minsan na nagdi-dinner sila after school dahil sinundo siya nito, pabirong tinanong ni Eira kung gay ba ito kaya walang girlfriend. Kaswal na 'hindi' lang ang sagot ni Attorney Virgil kasunod ang naaaliw na tawa.
Tahimik na tumango lang si Eira pagkatapos nang pag-uusap nila ni Attorney Virgil. Tulala na naman siya-hindi tuloy niya namalayan na bumalik ang abogado at marahang naupo sa tabi niya, maingat siyang niyakap.
Hindi siya umimik, nagsumiksik lang siya sa katawan nito at tahimik na umiyak. Ang pakiramdam na mag-isa na talaga siya ang lalong nagpapabigat sa dibdib ni Eira. "Shhh,"pag-alo nito sa kanya. "Si Lola Stef lang ang umalis. Nandito pa silang lahat. Nandito pa ako-and we love you."
Alam iyon ni Eira. Mahal siya ng lahat katulad ng pagmamahal ng mga ito sa lola niya. Mahal siya ni Attorney Virgil bilang apo ni Lola Stefania.
Hindi siya sumagot. Itinuloy niya ang tahimik na pag-iyak sa dibdib ng abogado. Sa isip ay hinihiling ni Eira na sana iyon na ang huling araw na malulungkot siya. Sana sa susunod na bukas, mabawasan na ang sakit. Sana sa susunod na bukas, maari na uli siyang tumawa gaya ng dati, na wala na siyang bigat na mararamdaman sa dibdib.
Sana nga lang ay ganoon kadali ang lahat.
Kung sana hindi sabay na namatay sa aksidente sa dagat ang Lolo Pamfilo at ang ina niyang si Crishelle noong halos dalawang taon pa lang siya, hindi sana siya mag-isa ngayon...
"Hoy!" hinila ni Barbie ang braso ni Eira kaya napabalik ang tingin niya rito. Gumagala ang isip ng dalaga habang nakatingin siya kina Attorney Virgil at Attorney Guzman. Si Atty Guzman ay nagpakilalang abogado ng mga Banal-mga Banal na kadugo niya. Sinadya siya nito farmhouse para ipaalam na isa siya sa walong apo ni Don Alfonso Banal at pinasusundo siya ng matandang Don.
Mahabang panahon na inakala ni Eira na patay na ang kanyang ama kaya ang pagdating ng balitang iyon ay tinanggap niyang isang pagkakamali lang. Tinawagan niya si Attorney Virgil na wala pang isang oras ay dumating na sa farmhouse. Ang dalawang abogado ang masinsinang nag-usap habang si Barbie naman na itinalaga na ang sarili para aliwin siya ang kausap ni Eira nang sandaling iyon. Si Attorney Virgil ang topic nila at ang bisitang abogado na kausap nito. Nasa itaas sila at pinapanood ang pag-uusap ng mga abogado sa sala.
"Hindi ako kay Attorney H nakatitig, Barbie," sabi niya sa kaibigan. Alam nito na fourteen years old pa lang siya ay crush na niya si Attorney Virgil. "Sa bisita ko."
"Na guwapo rin?"
"He's a lawyer too."
Exaggerated ang pagsinghap ni Barbie. "May kaso ka?" nandidilat na bulalas nito "Ano? Illegal possession of lab? Wala nang lunas 'yon, ateng! Forever mo nang crush 'yan si Attorney Virgil pero hanggang ngayon, hindi ka pa rin maka-score. Sobrang matino naman kasi 'yang si Attorney, isang ligo na lang, puwede na gawan ng rebulto!" Napailing na lang si Eira. Sa ibang pagkakataon ay natawa na siya sa mga sinasabi ni Barbie, hindi nang sandaling iyon na hindi mawala sa isip niya ang balitang tinanggap.
May bago nga ba siyang pamilya? May mga totoo siyang kadugo mula sa panig ng ama niyang inakala nila ng abuela na matagal nang patay? At may pito siyang kapatid...
Napatingin si Eira kay Babrie nang muli siyang kinalabit nito. "Ang seryoso mo ngayon, 'te? Minsan lang mangyari na hindi ka natatawa sa mga hirit ko. May problema ka, 'no?"
Sa kawalan ng mapagsasabihan ay natagpuan ni Eira ang sarili na nagkukuwento kay Barbie.