Mahabang oras ang naging pag-uusap nina Attorney Virgil at Attorney Guzman. Umalis pa ang dalawang abogado na magkasabay nang araw na iyon at hapon na bumalik sa farmhouse. Bumalik lang si Attorney Guzman para sa confirmation niya—na pupunta siya ng Sagada para makilala ang mga bago niyang kapamilya.
Tulad ng maraming estranghero na nakilala ni Eira, kinunan niya ng stolen shot si Attorney Guzman, na nahalata nito kaya bumaling sa kanya na napapangiti—inulit niya ang pagkuha ng picture. Na-capture ng camera ang ngiti ng abogado.
Pagkaalis nito ay masinsinan silang nag-usap ni Attorney Virgil. Gusto niyang makita at makasama ang sinasabi ni Attorney Guzman na mga kadugo niya pero kailangan muna niyang marinig ang opinyon ng abogado. Wala na ang lola niya, sa sitwasyon ni Eira ngayon, ang abogado ang una sa listahan niya ng mga taong pinagkakatiwalaan. Alam niyang hinding-hindi siya nito papayagang umakyat ng Sagada kung hindi sigurado ang impormasyong nalaman nila.
"Susunduin ka nila sa Baguio, sweetheart." ang sinabi ni Attorney Virgil habang magkatabi na sila sa bakuran, tinatanaw ang papalayong sasakyan ni Attorney Guzman. "Don't worry, ihahatid kita sa Sagada."
Kung ganoon, totoo pala ang lahat ng mga nalaman niya. At para personal siyang ihatid ni Attorney Virgil, may inaalala ito. Gusto nitong makita mismo ang sinasabi ni Attorney Guzman na mga bago niyang kapamilya.
"Okay..." mababang sabi niya. Nagpagiya siya sa abogado hanggang sa sofa kung saan sila magkasunod na umupo. "May seven sisters daw ako," sumandal siya sa backrest at tumingala. "More than twenty-years, Attorney H, naniwala akong si Lola Stef lang ang pamilya ko."
"Naniwala tayong lahat," sabi naman ng abogado. "Pareho lang kami ng nalaman ni Lola Stef tungkol sa tunay mong ama."
"Paano ako naging isang Banal? Serafico Magpugay ang name ng Papa ko, alam mo rin 'yon, 'di ba?"
Marahang tumango ang abogado. "Sasagutin kita kapag may konkreto na akong impormasyon."
Mahabang katahimikan ang dumaan sa pagitan nila. Nakatitig lang siya sa itaas habang ang abogado ay diretso naman sa isang bahagi ng dingding ang titig.
"Worried ka ba, Attorney?" tanong ni Eira. Sa tagal niyang nakasama ang abogado ay kilala na niya ito. Nag-aalala si Attorney Virgil, kung hindi ay sigurado siyang kanina pa ito umalis sa tabi niya.
"Isang kilalang pamilya sa Sagada ang mga Banal. Walo kayong magkakapatid na darating sa mansiyon. Iba-ibang pinanggalingan, iba-ibang ugali, iba-ibang intensiyon at dahilan sa pagpunta." Tumigil ang abogado at narinig niyang bumuntong hininga.
Gustong sabihin ni Eira kay Attorney Virgil na huwag mag-alala pero hindi niya nagawa. Siya man ay hindi maiwasang kabahan. More than twenty years na sila lang ni Lola Stef ang naging magkapamilya...
Ngayon, bigla may bago siyang kikilalaning pamilya?
Gusto iyon ni Eira. Gustong-gusto niya pero kailangan rin niyang isipin ang mahigit dalawang dekadang lumipas na wala siyang kahit anong narinig sa mga ito.
Bumaling siya sa abogado. "I'll be fine," sabi niya sa mababang boses. "Babalik ako sa farmhouse na walang galos. Hindi na ako ang baby ni Lola na lagi mong sinasagip sa mga bully sa school at sa mga boys."
"Hindi ka pa handa sa mga ganitong usapin sa pamilya. Napakabilis mong magtiwala. Hindi mo nakikita ang itim na bahagi ng mundo. You're too trusting and—"
"Naive?" agap niya. "And young? And innocent? And—" hindi na niya itinuloy ang mahaba pa sanang idudugtong niya. Nag-exhale na lang siya. Laging naririnig iyon ni Eira mula rito—na ang bata pa niya, na inosente niya, na maganda lang ang nakikita niya sa paligid kaya vulnerable siya sa mga mga bad forces attack—na para bang kung puwede lang ay lagi itong nasa harap niya para kung anuman ang maaring makasakit sa kanya ay tatanggapin muna nito bago hayaang tumagos sa kanya, walang ipinagkaiba sa kung paano siya protektahan ng Lola niya. "Kaya ko na ang sarili ko, Attorney H. Wala na si Lola Stef, kailangan masanay na ako, 'di ba?
Tinitigan lang siya ng abogado.
"Kaya ko na," patuloy ni Eira. "I guess, kaya ko na..." kasunod ang marahang pagngiti. Hindi niya gustong bigyan pa ito ng dagdag na alalahanin. Marami na ang inaalala ni Attorney Virgil, mga responsibilidad na dapat ay sa kanya talaga. "Hindi ako magiging careless, Attorney, promise!"