Part 13

7K 214 9
                                    

NASA silid lang si Eira. Nakahiga siya sa kama at nakatutok ang tingin sa itaas. Hindi niya binuksan ang sulat. Bakit niya kailangang gawin ang proviso kung wala naman siyang interes sa mana?

Ang pag-stay niya sa Sagada ay gagawin niya nang hindi kailangang ikabit sa mana. Gusto niya at nag-eenjoy siya. Wala ring problema ang isang buwang nasa Sagada siya, lalo na ang bonding nila ng mga kapatid—gustong-gusto niya iyon.

Mayamaya ay bumangon siya, itinuon sa side table ang tingin kung saan naroon ang sulat mula kay Lolo Alfonso. Ano kaya ang nais sabihin sa kanya ng abuelo?

Hindi rin napigil ni Eira ang sarili, binuksan niya ang sulat...

At hindi siya makapaniwala sa mga nabasa niya!

Alam ba ni Lolo Alfonso na wala siyang pakialam sa mana kaya nag-iwan ito nang ganoong klase ng instructions at kondisyon? At lalong hindi siya makapaniwalang gagamitin nito ang isang lupang nakasangla rito para mapasunod siya!

Napapailing pa rin na inulit ni Eira ang basa sa sulat, gusto niyang matiyak sa sarili na totoo ang nakikita niya.

Sa aking apo na si Eira,

Ang pagtanggap sa anumang iniwan ni Lolo para sa iyo ay pagtanggap rin sa katotohanang bahagi ka ng Familia Banal. Hindi lamang ito tungkol sa yaman, o sa halaga ng bawat ari-arian na aking iniwan. Ang yaman ay madaling talikuran subalit ang damdaming kalakip kung bakit iniwan ni Lolo ang bahagi ng yaman na iyon ay hindi dapat isawalang bahala na lang.

Ang mga sumusunod ang nais ni Lolo na gawin mo, Eira, aking apo.

1. Manatili ka sa poder ng taong napili ko at mamuhay ng payak. Ang anumang ihain niya ay ipagpasalamat mo nang bukal sa puso. Sa gabi ka lang uuwi sa mansiyon o sa mga araw na may lakad kayo ng mga kapatid mo.

2. Sa loob ng isang buwan, lima hanggang anim na beses kang sasalo sa hapag ng pamilyang napili ko.

3. Maging kaibigan ka ng anak na lalaki ng pamilyang ito. Kailangan mong mapanatili ang binata sa Sagada sa loob ng isang buwan.

4. Kapag nagawa mo ang tatlong nabanggit, isang titulo ng lupa ang ibibigay sa 'yo ng aking abogado na si Atty. Ferrer. Ang titulong ito ay malaya mong maibabalik sa may-ari ng lupa. Ngunit kapag nabigo kang gawin isa man sa mga nasa itaas, ang lupa ay sa ibang kamay na mapupunta.

Sa paggawa mo ng unang utos ay malalaman mo kung gaano kahalaga sa taong nagsangla sa akin ang lupang hindi na niya nagawang mabawi pa bunga ng kagipitan. Kung sa tingin mo ay mas dapat mawala ang lupain na iyon, umalis kana at bumalik sa Nueva Ecija. Alam kong walang halaga ng materyal na bagay ang pipigil sa 'yo sa pag-alis.

Nasasaktan ang Lolo Alfonso na para sa kanyang bunsong apo ay napakadaling iwan na lang ang lugar na aking minahal...

Kung mana lang ang kapalit, tama ang abuelo, hindi mapipigilan ng nilalaman ng sulat na iyon ang pag-alis ni Eira sa Sagada. Wala siyang interes sa yaman na matatanggap niya.

Hindi rin siguro siya maaapektuhan kung ibang pamilya ang tinutukoy ng lolo niya.

Kung naging ibang pamilya. Kung naging ibang tao at kung naging ibang lalaki ang tinutukoy sa sulat.

Ngunit hindi. Ang pamilyang tinutukoy ng abuelo ay ang Pamilya Callanta. Ang taong nagsangla ng lupa rito ay si Pacifico Callanta kaya sa kubo siya nito mananatili. At ang binatang kailangan niyang ma-convince na hindi rin umalis ng Sagada ng isang buwan ay walang iba kundi si Lessandro 'Alex' Callanta.

Mabubuhay ba siya sa gitna ng gulayan?

Kakain ng gulay? Oh, no!

Parang nawawalan si Eira ng lakas.

Ano'ng gagawin niya? Hindi niya maaring sabihin sa iba ang sulat ng abuelo, mahigpit na bilin iyon ni Attorney Ferrer. Kahit raw ang abogado mismo ay hindi alam ang nakapaloob sa sulat, kaya natiyak niyang ang susundin nito ay ang utos na ibinilin ni Lolo Alfonso. Kapag hindi niya nagawa ang unang tatlo, hindi niya makukuha ang titulo ng lupa. Sa ibang tao na iyon ibibigay ng abogado sa utos ni Lolo Alfonso.


EIRA (PREVIEW ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon