Part 14

7.4K 205 7
                                    

KUNG may positibo man na resulta ang naging pasya ni Eira na gawin ang proviso ng mana niya ay ang nakasama niya si Alex at nakilala niya ang pamilya nito.

Akala ni Eira ay namamasyal lang si Alex sa kubo, hindi pala. Doon talaga naglalagi ang lalaki ayon kay Tito Ico. Hindi na raw nakakatagal sa iisang lugar ang pamangkin nito. Palipat-lipat raw ito ng inuuwian na bahay—sa Maynila, sa Baguio, sa bahay ng Mama nito sa Poblacion. At kapag wala sa mga bahay na iyon ang hinahanap nitong katahimikan, sa kubo raw tumutuloy ang lalaki, kung hindi natutulog ay nasa labas at nakatitig sa mga ulap.

Nagpanggap lang pala na tindero sa shop ang magaling na lalaki, pag-aari pala ng Mama nito na bunsong kapatid ni Uncle Ico ang Souvenir shop. Nagbabantay raw sa shop si Alex kapag nababagot sa bahay ng ina. Nagkataong ang lalaki ang naroon nang magawi siya sa shop.

Kuwento pa ni Tito Ico, liscensed broker ang pamangkin nito pero mas nasa negosyong may kinalaman sa sasakyan ang puso. Magaling na salesman daw si Alex mula pa. Buying and selling cars ang mas pinagkakaabalahan nito. May mga negosyo rin daw ito kasosyo ang mga kaibigang mekaniko. Lahat daw ay may kinalaman sa sasakyan.

Tuwang-tuwa si Eira na malaman ang mga dagdag impormasyon tungkol kay Alex. Si Tito Ico naman, ang alam na dahilan kung bakit mula sa mansiyon ay nag-alsa balutan siya at lumipat sa kubo nito—ay si Alex. Kailangan niyang panindigan iyon dahil walang dapat makaalam ng tungkol sa proviso ng mana niya.

Nag-isip siya ng kapani-paniwalang dahilan na hindi siya itataboy ni Tito Ico—si Alex ang naisip niya, tutal ay involved din naman ito sa proviso, bagay na hindi niya maintindihan.

Nag-iinit man ang mukha sa paglalahad ng binuo niyang kuwento ay pinanindigan ni Eira na naroon siya, nagsadya sa kubo sa gitna ng gulayan para makasama si Alex. Idinagdag niyang lungkot na lungkot siya sa mansiyon. Gusto niya ng ibang kapaligiran at sa lugar na iyon ang naisip niya. Binanggit rin niya na gusto niyang mamasyal para aliwin ang sarili pero hindi niya nais mamasyal mag-isa. At kung mamamasyal siyang may kasama, si Alex ang gusto niyang nasa tabi niya.

Matamang nakinig naman sa litanya ni Eira si Tito Ico. Ilang beses niyang nahuli na napangiti ito sa gitna ng pagkukuwento niya pero hindi nagsalita nang kahit ano. Isa lang ang ginawa nito sa buong oras na magkausap sila sa balkonahe—sumisimsim ng mountain tea habang pinagmamasdan siyang naglalahad ng mga dahilan niya.

"One month, Tito," sabi ni Eira pagkatapos ng mahabang paliwanag niya na ulit-ulit lang naman—scripted, isinulat at inaral talaga niya ang mga dahilang iyon para mapaniwala niya ang tiyuhin ni Alex. "After one month, I'll leave this place," dugtong niya. "Hindi naman po siguro magagalit si Alex kung siya ang gusto kong kasama sa mga naiisip kong lakad?" paraan niya iyon para mapanatili si Alex sa Sagada.

"Hindi mo pa nasabi sa kanya, hija?"

Napakagat-labing umiling si Eira. Ang totoo ay kay Tito Ico siya nag-practice ng script. Hindi pa niya napag-iisipan ang sasabihin niya kay Alex kapag nagkaharap sila. Ibibigay niya ang parehong dahilan pero ngayon pa lang ay nag-iinit na ang mukha niya.

"Kung siya talaga ang dahilan kaya gusto mong manatili sa kubo ko, hindi kailangan na lagi kang nandito, hija. Go out. Explore. Isama mo si Andoy. Wala namang ginagawa ang isang iyon kaya walang magiging problema." May warmth ang ngiti sa kanya ni Tito Ico. "Tama lang ang ginagawa mo. Hindi dapat huminto ang mundo ninyo sa pagkawala ni Don Alfonso. Mamasyal kayo, sulitin n'yo ang mga araw na nandito kayong magkakapatid. Kung gusto mong dito muna sa kubo ko, ikaw ang bahala. Mas may komportableng lugar para sa 'yo kung mababagot ka rito, sa bahay ni Anjanet." Mas lumuwang ang ngiti ni Tito Ico. Ina ni Alex ang Anjanet na binanggit nito. "Sabihin mo lang, hija. Pasasamahan kita kay Andoy sa—"

"Okay na po ako rito sa ngayon," putol ni Eira. Hindi siya maaring mawala sa lugar. Kailangan niyang abangan ang hakbang na gagawin ni Atty. Ferrer. "Pero kung okay lang po, kung magla-lunch or dinner kayo ni Lex sa bahay ng Mama niya, puwede pong sumama ako?"

"Oo naman, hija." Si Tito Ico na naaaliw ang ngiti.

"Kahit mga five times or six times lang po," ngiti pa ni Eira. Mas mabilis niyang magawa ang lahat, mas madali niyang makukuha ang titulo.

"Kaya mo ba talaga rito, hija? Simple lang ang pamumuhay ko rito. Sabagay, hindi ka naman magugutom sa kubo kong ito. Marami akong gulay na maihahanda."

Napangiwi si Eira. Sa isip ay nakita niya ang mga Gulay monsters na naghahanda ng pag-atake sa kanya!

"Kaya ko po, pero...pero...meron po bang iba bukod sa gulay?"

"Magpasabi ka lang kung ano ang gusto mo, hija. Pipilitin naming ihanda. Bisita ka namin kaya huwag kang mahihiya."

Maaabala na niya ang mga ito at mapapagastos pa. Hindi tama. Kung magbibigay naman siya ng bayad sa pagkain niya ay nasisiguro niya na hindi tatangapin iyon ni Tito Ico. Gusto nitong naghahanda para sa bisita—at itinuturing siya nitong bisita.

"Nasaan po ba si Alex?"

Hindi pa man nasasagot ni Tito Ico ang tanong niya ay may narinig na silang ingay sa balkonahe—at ilang segundo lang ay nasa pintuan na si Alex, na awtomatikong huminto nang makita siyang kausap ni Tito Ico.


EIRA (PREVIEW ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon