"WALA NA kayong balak magmahal uli, Tito Ico? Masaya po ang ma-in love 'di ba?"
Isang magaang halakhak ang tugon ni Tito Ico sa tanong ni Eira. Napansin niya ang pagkakapareho nito at ni Alex sa ngiti at pagtawa. Papadilim na noon, hindi pa bumabalik sa kubo si Alex, bagay na ipinagpapasalamat ni Eira. Payapa kasi ang puso niya kapag wala sa paligid ang lalaki.
Si Tito Ico na hindi umalis sa kubo nang araw na iyon ang nakasama niya buong maghapon. Naglibot sila sa gulayan kaninang wala na ang araw. Hindi matapos tapos ang kuwento nito tungkol sa lupa at mga pananim. Mula raw nang mamatay ang asawa nito ay ang mga pananim na ang nagligtas rito sa kalungkutan. Naaaliw raw ito sa pag-aalaga sa lahat ng may buhay sa lupain na iyon. Kahit isang libong lugar pa raw ang ilatag sa harap nito ay mas pipiliin ni Tito Ico na manatili sa Sagada at mamuhay ng simple.
Lalo nang naisip ni Eira na tama ang ginawa niyang pananatili sa lugar. Isang tao pala ang nasagip niya mula sa lungkot. Kung mas pinili niyang hayaan na lang ang abuelo na ibigay sa iba ang lupa ay tiyak na malulungkot ng husto si Tito Ico sa pagkawala ng lupang iyon. Kailangan talaga niyang magawa ang nasa sulat ng lolo niya para makuha niya kay Attorney Ferrer ang titulo.
Humaba nang humaba ang kuwentuhan nila hanggang umabot sa kuwento ng pag-ibig ng Lolo Alfonso at lola Celestina niya, ng ama nilang si Alfie Junior at ni Aunt Carrie, ng mga magulang ni Alex hanggang sa umabot ang kuwento nito sa mga love story ng mga kaibigan. Hindi tuloy napigilan ni Eira ang magtanong.
"Madali lang makatagpo ng babae, hija. Pero ang ibigin ang babaeng iyon habang-buhay ay hindi madali," sabi ni Tito Ico na may maliit na ngiti sa mga labi. Pareho silang nasa balkonahe nang sandaling iyon. Nakaupo ito sa tumba-tumba habang siya ay nakasalampak sa sahig sa tabi nito. Pareho nilang pinapanood ang papadilim na paligid. Susunduin siya mayamaya ni Manong Samuel habang si Tito Ico ay idadaan nila sa bahay nina Alex. Magdi-dinner muna sila bago siya pauuwiin ng pamilya Callanta sa mansiyon. Nagawa na ni Eira ang ikalawang utos ng abuelo sa sulat. "Ang asawa ko lang ang nag-iisang babaeng minahal ko nang higit sa aking sarili. Mahirap nang maulit ang isang pag-ibig na espesyal," patuloy na kuwento nito. "Siguro kung nakasama mo nang matagal ang lolo mo, marami rin siyang kuwento tungkol sa pag-ibig."
"Kaibigan n'yo po ba si Lolo Alfonso?"
Hindi sumagot si Tito Ico, napansin niyang huminga lang nang malalim kasunod ang makahulugang pagngiti. "Ang mga dahilang sinabi mo sa akin ay sinabi ko kay Andoy. Nagtaka siya nang husto na dito mo sa kubo mas piniling pumunta gayong marami ka namang ibang maaring gawin para makalimutan ang lungkot." Ang sinabi ni Tito Ico ang nagpabalik ng tingin niya rito. "Alam ko ang totoong dahilan mo kung bakit nasa poder kita ngayon, hija."
Umawang ang mga labi ni Eira. Sinabi ba ni Attorney Ferrer ang tungkol sa kondisyon na kalakip ng mana niya? Pero sa sulat lang iyon...
"Alam kong may kondisyon ang mana mo mula kay Don Alfonso," pagkompirma ni Tito Ico sa kutob niya. "Kailangan mong manatili sa Sagada ng isang buwan para gawin ang nais ng lolo mo—ang manatili sa poder ko. At para mabigyan ako ng kapani-paniwalang rason, ginusto mong makumbinsi si Andoy na manatili sa Sagada para may maituturo kang dahilan ng pagpunta mo sa poder ko. Pero hindi iyon ang talagang dahilan kaya ginagawa mo ang lahat para hindi kita itaboy palabas ng kubo ko sa loob ng isang buwan, tama ba?"
Kung ganoon ay alam pala nito ang tungkol sa proviso sa mana niya—pero ang sulat ng lolo niya ay wala itong ideya?
"Hindi ko binanggit kay Andoy ang tungkol sa alam ko, Eira. Kung kausapin man siya ni Attorney Ferrer, totoong impormasyon ang makukuha ng abogado ng Lolo mo—na hindi ka namin intensiyonal na tinutulungan para mapadali ang pagkuha mo sa mana." Nakatitig lang siya kay Tito Ico habang mabagal na nagkukuwento ito. "Ang hindi ko maintindihan ay kung paano nagawa ni Don Alfonso na mas piliin mong gawin ang nais niya kaysa umalis. Kaibigan ko si Samuel, ganoon rin si Nonita. Marami kang nakuwento sa kanila tungkol sa lola mo. May paraan ako para alamin ang mga gusto kong malaman, hija. Alam kong hindi mo kailangan ang mana mula sa Don mong abuelo."
Ngumiti lang siya sa sinabi nito. Napapakuwento nga siya kina Manong Samuel at Nanay Nonita sa mga pagkakataong ang mga ito ang kasama niya. Tungkol sa lola niya at sa mga mababait nilang trabahante sa farm ang kuwento niya. Nagka-ideya yata ang mga ito sa yamang mayroon ang lola Stef niya.
"Paano n'yo po nalaman ang tungkol sa proviso?"
"Sa lolo mo mismo," tugon ni Tito Ico. "'Yon ang eksaktong sinabi niyang ipapagawa niya sa bunso niyang apo kapag pumanaw na siya. Nang makita kitang inihatid ni Samuel rito, alam ko nang ginawa talaga ng Don ang sinabi niya."
Nakinig lang si Eira sa mga sinasabi nito. Sumunod nitong ikinuwento ang mga nagawa ng Lolo niya sa Sagada, ang mga taong natulungan raw nito kaya kilala ito ng lahat. Sa huli ay itinanong nito ang totoong dahilan niya nang pagsunod sa nais ng abuelo. Hindi talaga nito gustong paniwalaan na mana niya ang dahilan.
Nagpasya siyang magsabi na rin ng totoo.
"Ilang araw na lang naman ang natitira sa isang buwan, Tito Ico," sabi ni Eira. "Puwede ko na sigurong sabihin sainyo ang lahat—pero sa atin lang po, ha?"
"Oo naman, hija." sabi nito at ngumiti.
"May iniwang sulat si Lolo Alfonso," sumunod niyang inilahad ang tungkol sa nilalaman ng sulat at ang bilin ng abuelo na gawin niya. Wala siyang inilihim, sinabi niya lahat ng nakapaloob sa sulat. "Naitanong ko po kay Alex minsan kung nagkaroon ba kayo ng problema sa pera noon, wala akong nakuhang sagot. Parang may iba kasi siyang iniisip no'ng nag-uusap kami." Patuloy niya. "Ang hirap kasing paniwalaan na nagawa n'yong isangla kay Lolo at hayaang mawala ang property na mahal na mahal n'yo."
Hindi inaasahan ni Eira ang reaksiyon ni Tito Ico pagkatapos ng kuwento niya. Malakas ang naging pagtawa nito, hindi niya alam kung ano ang kahulugan ng tawang iyon.
"Ang magaling na si Alfonso!" sabi nito pagkatapos ng ilang segundong pagtawa. "Kung nasaan man siya ngayon at pinapanood tayo, nakasisiguro akong tumatawa rin siya. Wise old man," sabi pa nito at umiling-iling pero hindi pa rin nawawala ang ngiti. "Kinailangan ko lang ng malaking halaga noon, hija. Hindi ko nakuha ang perang inaasahan kong bayad ng taong tinulungan ko—hindi ako binigyan ng sapat na oras ng lolo mo nang makiusap ako, wala akong nagawa kundi hayaang mawala sa akin ang lupa."
"Ganoon n'yo lang kadaling binitiwan ang lupang mahal na mahal n'yo, Tito Ico?" siya naman ang hindi makapaniwala. Base sa pagsasalita nito ay parang hindi man lang pinanghinayangan ang lupa.
"May mga pagkakataon talaga, hija, na nawawalan tayo ng pagpipilian kundi bitiwan ang mga bagay na pinahahalagahan natin."
"Bakit hindi po kayo humingi ng tulong kay Tita Anjanet, o kay Alex? Sa mga kaibigan n'yo?"
"Hindi ko na sila gustong bigyan ng alalahanin, Eira. Nangako naman ang lolo mo na ako parin ang tatao sa lupa hanggang buhay siya. Ang hindi ko inaasahan ay ang ginawa niyang pagpapasa ng desisyon sa 'yo tungkol sa lupa ngayong wala na siya."
"Ano po ang napag-usapan n'yo ni Attorney Ferrer?"
"Sa katapusan ng buwan ko raw malalaman kung maibabalik sa akin ang titulo ng lupa o hindi. Kinumusta ka rin niya. Baka raw nahihirapan ka rito." Bumaling sa kanya si Tito Ico bago umalis sa tumba-tumba. Sa sahig na rin lang ito naupo. "Ang katotohanang nasa poder kita ngayon ay patunay na hindi tuluyang mawawala sa akin ang lupa. Halika ka nga, hija," nakangiting inilahad nito ang mga braso. Walang pag-aalinlangan na lumapit siya at pumaloob sa yakap nito. "Maraming salamat, Eira. Hindi mo ako kilala pero naglaan ka ng oras para tumulong. Napakalaking bagay ang ginawa mong 'yon para sa akin."
Tinugon niya ang yakap ni Tito Ico. "Wala po 'yon. Gusto ko rin namang maging tama ang desisyon ko, iyon ang inaasahan ni Lolo, Tito Ico. Hindi ko siya dapat biguin. At kayo, mahal n'yo ang lupa kaya dapat lang na maibalik sainyo."
Iyon ang tagpong inabutan ni Alex at ng isang babaeng sa tingin niya ay mas bata ng ilang taon sa stepmom niyang si Aunt Carrie. Parehong napako sa kanila ang tingin ng dalawa.