SI ALEX na yata ang pinakamatiyagang tao sa mundo. Hindi makapaniwala si Eira na papatulan nito ang 'laban' niya sa Gulay monsters. Nasa tabi niya ang lalaki sa bawat pagkakataong nagsi-serve si Tito Ico ng fresh-cooked veggies. Ito ang kumakain ng gulay para sa kanya pero mag-iiwan ng huling piraso para siya ang umubos.
Ang unang isang broccoli ay naging dalawa, naging tatlo hanggang naging lima na.
Ang isang subo ng ampalaya con carne ay naging dalawa na.
Ang dating isang tasang sabaw lang ng nilagang baka ay may repolyo na—na dapat niyang kainin rin.
Ang dating tikim lang ng vegetable salad ay naging ilang subo na.
Ang pipino na inilalagay lang ni Alex sa mata niya habang nakahiga siya sa balkonahe at nakaupo ito sa bandang ulunan niya ay kinakain na nila habang nagmamasid sila sa mga ulap.
At ang iba't ibang steamed na gulay na kasama ng special na sawsawan na gawa ni Tito Ico ay nagawa na rin niyang paisa-isang kainin.
Kung dati ay pitong beses pumunta si Manong Samuel para sa 'pagpapatakas' niya sa Gulay Monsters, nang sumunod na linggo ay dalawang araw na lang.
Sa pang-fifteen days ni Eira sa kubo, nagawa na niyang ubusin ang kalahati ng parehong mixed veggies na dating iniyakan niya. Ang kalahati ay si Alex ang kumain gaya ng dati.
"Wala nang worm veggies?" tanong ni Alex pagkatapos ng huling subo niya.
Ngumiti si Eira. "Meron pa pero hindi na aggressive." Inabot nito ang braso niya at hinila siya—pinaupo siya sa isang hita nito. Bago pa nahulaan ni Eira ang gagawin ng lalaki ay nasa side na ng leeg niya ang isang kamay nito, maingat na hinagod-hagod ng hinlalaki ang gitna ng leeg niya na para bang pinapayapa ang mga 'worm veggies' na naroon.
Hinawakan ni Eira ang bisig ni Alex para pigilan ito sa ginagawa, may kakaiba kasi siyang pakiramdam na hindi niya maintindihan tuwing nararamdaman niya ang warmth ng balat nito. "I'm fine," sabi niyang sinadyang umiwas sa mga mata nito. "Okay na. Okay na ako, Lex.."
Sinapo ni Alex ang baba niya, napilitan si Eira na salubungin ang mga mata nito. "Wala nang discomfort dito?" dumaan sa gitna ng leeg niya ang dulo ng hintuturo nito. "Wala na'ng worms?"
"W-Wala na. Wala na talaga."
"Okay," kaswal na humaplos ang palad nito sa pisngi niya bago siya iniwan sa mesa. Tulad ng dati, maghahanda ito ng mountain tea.
Tahimik na silang umiinom ng tea sa balkonahe nang dumating si Tito Ico na binati lang silang dalawa at naging abala na uli sa paligid. Pagkalipas ng ilang oras ay naging bisita nila si Attorney Ferrer.
Si Tito Ico ang hinanap ng abogado. Nag-usap ang dalawa sa labas, ilang minuto iyon. Pagkaalis ng abogado ay sinubukan niyang makakuha nang kahit kaunting clue sa napag-usapan nito at ni Tito Ico pero wala siyang nakuhang kahit ano. Tikom ang bibig ng huli kahit ang mismong pamangkin na nito ang nagtanong.
Kinahapunan noon ay isinama si Eira ni Alex sa bahay ng Mama nito. Ang pang-apat na beses na niyang nag-dinner kasama ang pamilya nito. Nag-pang-abot sila roon ni Joy, na kaagad nagpaalam na aalis na. May lakad pa raw ang babae pero parang siya ang dahilan ng pag-alis. Matalim ang iniwang tingin sa kanya ni Joy nang hindi nakatingin sa kanila si Alex at ang Mama nito.
Hindi na lang pinansin ni Eira ang babae.
Nakilala ni Eira si Mama Anjanet sa unang lunch niya kasalo ang pamilya Callanta—si Tito Ico, Tita Anjanet at Alex. Nalaman niyang tulad niya ay wala rin na kinagisnang ama si Alex. Naging pareho ng ina niyang si Hanna ang sitwasyon ni Tita Anjanet, hindi pinanagutan ng ama ng sanggol na dinadala kaya mag-isang itinaguyod ang anak. Si Tito Ico ang naging father figure sa buhay ni Alex, kaya pala malapit ang mag-tiyuhin.
Mabait at accommodating si Tita Anjanet. Ang ginang ang nagsabi sa kanya ng tungkol sa Shop—pag-aari nito ang souvenir shop. Nakakatuwaan lang daw ni Alex na magbantay kapag walang magawa. Gusto raw ni Mama Anjanet na makitang abala ang nag-iisang anak kaysa nagmumukmok ito—na gawain raw ni Alex nitong nakalipas na isang taon.
Ayon pa sa ginang, ang pag-uwi ni Alex sa Sagada ngayon ang pinakamatagal nitong pananatili sa lugar. May palagay raw si Mama Anjanet na may pumipigil kay Alex na umalis.
At siya iyon.
One month...
Ngumiti lang si Eira bilang tugon sa sinabi ng ginang.
Alam niyang hindi pa siya makakaalis sa kubo ni Tito Ico. May huling dalawang linggo pa ang isang buwan na taning sa kanya ng yumaong abuelo. Kailangan niyang tapusin muna iyon para makuha niya ang titulo kay Attorney Ferrer.
Naisip niya ang mga kapatid. Malapit na ang susunod nilang bonding day. Hindi niya mapigilang ngumiti kapag naiisip niyang laging kasama ng Ate Ailene niya ang tour guide nito habang hinuhulaan naman niya ang development ng love story ni Ate Berry at Attorney Guzman.
Sayang at hindi na siya laging nasa mansiyon, hindi na niya makikita ang mga kaabang-abang na pangyayari sa mga kapatid niya.