HINDI pinansin ni Eira ang narinig niyang busina. Tuloy-tuloy lang siya sa paisa-isang mga hakbang. Papalubog na ang araw nang sandaling iyon. Galing siya sa ospital. Hindi na lang ang ama nila ang naroon, ganoon rin ang kanilang lolo na inatake ilang araw pa lang sila sa Sagada.
Hindi siya makapaniwala na ang bagong pamilya na pinuntahan niya para mapunan ang nararamdaman niyang kakulangan ay tila isa-isang mang-iiwan. Pang-ilang araw na iyon na pabalik-balik siya sa ospital. Pamilyar na pamilyar ang pakiramdam...
Sa huli ay hindi na kinaya ni Eira. Nagbalik lahat sa kanya ang pakiramdam noong si Lola Stefania ang nasa ospital. Hindi na naman siya makahinga kaya kinailangan niyang iwan ang ospital at lumabas. Kay Ate Yumi siya nagpaalam.
Si Manong Samuel na laging handang maghatid at sumundo sa sinuman sa kanilang magkakapatid ang nag-drive para sa kanya. Wala siyang pupuntahan. Gusto lang niyang tingnan ang mga nilalampasan nilang tanawin, gusto niya ng haplos ng hangin, gusto niyang saglit na huminga. Umikot-ikot lang sila.
Pagdating nila sa kalye na maraming naglalakad na mga turista ay hiniling niya kay Manong Samuel na ibaba na lang siya sa tabi ng kalsada. Gusto niyang maglakad. Tumango lang ang driver at sinabing hihintayin ang text o tawag niya para magpasundo. Tahimik siyang tumango. Bago umalis si Manong Samuel ay sinabi muna sa kanya na hindi na raw nito nakikita ang dati niyang ngiti. Malulungkot raw ang Lolo niya kapag tuluyang nawala ang mga ngiti niya. Namasa ang mga mata ni Eira. Tumalikod na siya bago pa makita ni Manong Samuel ang mga luha niya.
Wala siyang ideya kung paano tinatanggap ng mga kapatid niya ang sitwasyong iyon. Sa kanya siguro pinakamabigat, siya ang pinaka-emosyonal dahil sa sitwasyong pinanggalingan niya. Hindi niya maiwasan. Ibinabalik lang ng sitwasyong iyon ang naging sitwasyon niya ilang buwan na ang lumipas.
Ang pinakamasakit na linggo sa buong buhay niya...
Naulit ang busina kasunod ang pag-agapay kay Eira ng isang crystal black na kotse. Hindi na sana niya papansinin kung hindi lang tumabi ang sasakyan para humarang sa mismong dadaanan niya. Nag-angat siya ng mukha—si Alex ang nakita niyang nasa manibela nang bumaba ang tinted na salamin.
"Hi!" pagbati nito, nakangiti.
Pinilit niyang ngumiti bilang tugon sa pagbati nito.
"Ihahatid na kita," sabi nito na tinugon niya nang marahang pag-iling.
"Thanks," pasalamat niya. "Pero mas gusto kong maglakad lang."
Hindi na siya sinagot ni Alex, napansin niyang parang may kinausap ang lalaki sa backseat. Hindi na niya na hinintay ang sagot nito, nilampasan na niya ang kotse.
"Eira, wait!" napalingon siya sa pagtawag. Kabababa lang ni Alex sa sasakyan, halos kasabay nang paglabas ng lalaki sa driver side ang babaeng umibis naman sa backseat at lumipat sa driver seat. Isang chubby na fashionably short ang gupit ng itim na itim na buhok ang babaeng lumipat sa driver seat. Kung kilala lang niya ang babae ay iisipin niyang galit sa kanya dahil inirapan siya. Hindi niya kilala ang babae kaya inisip ni Eira na mali lang siya ng tingin. "Hanggang saan ka maglalakad? Sasamahan na kita." Sumabay na si Alex sa paglalakad niya. Hindi siya sumagot, nagpatuloy lang sa paglalakad. Hindi niya gustong makipag-usap. Gusto niya ng katahimikan. Kahit ngayon lang. Kahit saglit lang...
Hindi na rin umimik si Alex nang hindi sumagot si Eira. Sinabayan lang nito ang tahimik niyang paglalakad. Tahimik na tahimik sila habang naglalakad. Mayamaya ay natanaw niya ang berdeng bundok sa unahan nila...at nang itaas pa niya ang tingin, nakita niya ang kumpol ng abuhing ulap.
Mas naghatid ng lungkot kay Eira ang tanawing iyon.
Gusto niyang umiyak pero pinigil niya ang sarili.