"MINA-MATCHMAKE mo ang mga Ate mo sa mga lalaking tingin mo bagay sa kanila?" ulit ni Alex sa kuwento ni Eira. Nasa passenger seat siya ng kotse nito nang sandaling iyon, paakyat sila sa Kiltepan Peak para panoorin ang sunrise. Nasa lap niya ang isang basket ng strawberry na pasalubong nito sa kanya mula sa Baguio nang nagdaang araw. Buong maghapon niyang hindi nakita si Alex sa kubo, gabi na nang dumating at may dalang basket of fresh strawberries at kung ano-anong sweets para sa kanya. Galing raw ito sa Baguio. Nag-aya raw mamasyal si Joy kaya sinamahan nito.
Una na nilang napag-usapan ang panonood ng sunrise na iuurong na sana ni Eira dahil pagod si Alex pero gusto nitong ituloy iyon.
Madilim pa nang dumating sila sa lugar pero marami na ang taong nag-aabang ng pagsikat ng araw—mga turista mula sa ibang bansa at mga Pilipino na tulad nila, interesado rin sa sunrise.
Sobrang lamig ng paligid. Naka-hooded jacket si Eira at nakaputong sa ulo niya ang hood niyon pero nanunuot pa rin ang lamig. Napansin yata ni Alex na lamig na lamig siya, hinila siya nito palapit sa apoy na napapaligiran ng mga turistang kasabayan nila.
Hindi na nag-react si Eira nang ikulong nito sa malalaking palad ang maliit at nanlalamig niyang kamay.
"Ang lamig mo," pansin ni Alex, matagal na hinawakan ang mga kamay niya bago lumipat sa kanyang likuran. "Nag-ooffer ako ng free hug. 'You want?" bulong ni Alex, na hindi kumilos kung hindi siya sumagot.
"Ang tagal ng free hug na 'yan, ice princess na ako mamaya."
Magaang tumawa si Alex, maingat na kinabig siya pasandal sa sariling katawan. Hindi na niya nagawang mag-react nang maingat na pumaikot sa baywang niya ang mga braso ng lalaki.
Hindi na sila nag-usap. Naging sobrang tahimik na rin si Alex. Napapangiting itinutok na lang ni Eira ang tingin sa Silangan—at habang papasilip ang araw, na-realize niya ang dahilan kung bakit wala nang kaimik-imik ang kasama niya. Naidlip ito sa mga balikat niya!
Tama nga si Eira. Pagod talaga si Alex, kung hindi ay sigurado siyang hindi ito maiidlip nang nakatayo.
Maingat na inilabas ni Eira mula sa bulsa ang kanyang cell phone. Nag-selfie siya kasama ang tulog na si Alex, na nararamdaman niya ang init ng hininga sa gilid ng leeg niya, habang ang mabining sikat ng sumisilip pa lang na araw ay humahalik sa mga balat nila.
Sila na lang ang naiwan sa lugar nang sa wakas ay naramdaman ni Eira na kumilos si Alex.
"Sunset na, oh!" biro niya na tinugon nito nang magaang tawa. "Tutulugan mo lang pala ako?"
"Sorry, princess Eira. Ako na lang ang kakain ng lahat ng veggies na ise-serve ni Uncle bilang bayad."
Nagkaroon ng tunog ang magaan niyang tawa.
"Lex?"
"Yeah?"
"Sa tingin mo ba, magagawang i-let go ni Tito Ico 'yong property niya rito—kasama 'yong gulayan at kubo?"
"Hindi," agad sagot ni Alex. "Maraming magagandang alaala sa kubong 'yon si Auntie Emma. Memories na lang ang pinanghahawakan ni Uncle, 'di niya mapakawalan kaya nga kahit may bahay kami sa Poblacion, mas gusto niyang nasa kubong iyon lagi."
Nabanggit na sa kanya ni Alex na nahulog sa bangin ang kotseng sinasakyan ni Auntie Emma habang pauwi ng Sagada ilang taon na ang lumipas. Namatay ang ginang at ang driver nito.
"May nangyari ba sa finances ng Uncle mo sa mga nakalipas na taon?" hindi napigilan ni Eira na magtanong.
Naramdaman ni Eira na natigilan si Alex sa tanong. Ilang segundong hindi umimik bago niya narinig ang mababang tanong. "Why?"