Part 16

7.2K 219 9
                                    

"HINDI magta-transform ang mixed veggies na 'yan into Gulay monsters, Eira," boses ni Alex mula sa may pintuan ng kubo. Sa tono lang ng lalaki ay nahulaan na niyang nagpipigil ito na pagtawanan siya. Sino nga ba naman ang hindi matatawa sa kanya—alas dos na ng hapon, hindi pa siya nagla-lunch, nakaharap si Eira sa mesa na may naka-serve na kanin at mixed veggies guisado na niluto ni Tito Ico bago umalis ng kubo. May lakad daw ito na importante. Naiwan siyang parang commercial model ng sabon—nakikipagtalo sa kanyang 'konsensiya' habang hawak sa magkabilang kamay ang tinidor.

Inabot na siya ng alas dos ay hindi pa rin niya nagagawang tusukin ang mga gulay!

At dumating si Alex sa mismong sandaling maiiyak na si Eira dahil iniisip niyang maaabutan siya ni Tito Ico sa ganoong sitwasyon—at malalaman ng matanda na hindi talaga niya kinakain ang mga gulay na ilang beses nang inihanda nito. Ang totoo ay binabalot niya iyon—at tinatawagan niya si Manong Samuel, ipinapadala niya sa mansion para ibigay sa mga kasambahay nilang mahilig sa gulay. Bukod sa hindi niya maatim na itapon ang pagkaing niluto ni Tito Ico para sa kanya, tinuruan rin siya ni Lola Stef na huwag magsayang ng pagkain. Ilang araw na siyang nabubuhay lang sa sabaw ng gulay at mga sahog na sea foods.

Kahapon lang natuklasan ni Alex ang lihim ni Eira. Hindi naman siya nito isinumbong kay Tito Ico pero mukhang balak siyang asarin gamit ang impormasyon na nakuha rin nito sa kuwento niya nang pinilit nitong alamin ang 'Alamat ng Gulay Monster' na kahapon lang din niya inilahad rito. Wala na rin kasi siyang pagpipilian. Huling-huli ni Alex ang 'lihim' nila ni Manong Samuel na napapangiti na lang sa pagpapalusot niya ng nilutong gulay.

"Gamitin mo na 'yang mga weapon mo," sabi uli ni Alex, "Saktan mo na ang mga Gulay monsters. Go, princess Eira!" nang-aasar pang sabi ng magaling na lalaki.

Napaungol si Eira nang malakas.

Tumawa si Alex. Pag-angat ni Eira ng tingin ay nangingislap ang mga mata nito sa pagkaaliw sa kanya. Gusto niyang maiyak sa frustration. Walang ideya ang lalaki na halos dalawang oras na ang 'struggle' niya sa harap ng gulay pero tuwing tutusukin niya ang mga gulay ay may mga images siyang nakikita sa isip—na gumagalaw ang mga iyon, nagkakaroon ng kamay at paa, at mga kakatwang mga mata na nakatutok sa kanya. Naiimagine na rin niyang gumagapang ang mga iyon palabas sa plato na parang mga berdeng uod. Gusto na niyang mag-throw up dahil may nakakainis na kiliti na siyang nararamdaman sa lalamunan—resulta ng naisip niyang 'worm veggies'!

"Lex!" singhal ni Eira nang mas tumawa ang lalaki, naaaliw pa na miserable siya!

Tinusok ni Eira ang broccoli, parang nagwala ang 'worm veggies' sa lalamunan niya. Napapikit siya at sunod-sunod ang paglunok. Kung si Attorney Virgil ang kasama niya ay pagtatawanan siya pero pipigilan na ang pagtatangka niyang 'saktan' ang gulay. Ilalayo na ng abogado ang plato habang umiiling at natatawa nang sabay. Bibigyan na siya ng ibang pagkain.

Iba si Lessandro Callanta na hindi pala dapat Callanta ang surname, kundi Sadista. Tingin kasi ni Eira, base sa tawa at ngisi nito ay sobrang satisfaction ang hatid rito na makita siyang miserable sa harap ng vegetable dish.

Inilapit niya sa bibig ang tinidor na may tusok na broccoli—nagwala na ang mga 'worm veggies' sa lalamunan niya. Napahikbi si Eira, hindi niya namalayan na lumuluha na pala siya.

"Eat the villain monster," si Alex na nakangisi pa. Binato niya ng isang tinidor ang loko pero mabilis na nakailag. Halakhak ang tinugon nito sa ginawa niya.

Lumakas ang iyak ni Eira—sa inis na pinagtatawanan pa siya ni Alex at sa nararamdaman niyang weird na kiliti sa lalamunan na epekto ng gulay. Naging parang ulan na ang mga patak ng luha niya. Nanginginig na rin ang kamay niyang may hawak na tinidor na may tusok na broccoli.

Na-miss niya bigla si Attorney Virgil na parang prince na tagasagip niya sa mga gulay moments sa okasyong dinadaluhan nilang magkakasama noong nabubuhay pa si Lola Stef.

"Damn veggie monsters," sabi ni Alex, na-realize yata na hindi siya basta nag-iinarte lang, nanginginig na ang parehong mga kamay niya habang sunod-sunod ang patak ng luha sa mukha. Ayaw niyang umiyak pero halo-halo na ang pakiramdam ni Eira. Naiinis siyang hindi niya malampasan ang weird na takot na iyon, at nami-miss na niya ang mga taong mahal niya na nasa farm house, naisip na rin niya ang bilin ni Lolo Alfonso, ang mawawala kay Tito Ico kapag umalis na lang siya sa gulayan—at marami pa siyang kung ano-anong naisip.

Mabilis na lumapit si Alex sa mesa, hinila ang isang wooden chair at itinabi sa kinauupuan niya. Doon naupo ang lalaki. Kinuha nito ang tinidor na hawak niya at isinubo ang broccoli.

Nang mga sumunod na sandali ay pinapanood na ni Eira si Alex na parang pinarurusahan ang mga gulay sa plato sa pamamagitan ng mariing pagtusok ng tinidor bago nito isusubo iyon at parang galit na ngunguyain. Tahimik na ginawa nito ang paulit-ulit na 'pagpaparusa' sa mga gulay sa plato hanggang isang piraso na lang ng broccoli ang natira sa plato.

"Na-beat ko na ang Green Army," sabi ni Alex pagkatapos bumaling sa kanya. "The last one standing is the B-King—Broccoli king, my lady." Tinusok nito ang nag-iisang broccoli gamit ang malinis na tinidor. Napalunok siya nang ilapit nito iyon sa bibig niya. "Eat the king!" sigaw nito na nagpatawa sa kanya kahit may paisa-isa paring umaalpas na luha. "Kill the king!"

Tatlong ulit yata siyang napalunok bago siya napilit ni Alex na tanggapin ang broccoli—na hindi niya nginuya na mabuti, nilunok niya lang habang mariin siyang nakapikit!

Kaagad iniabot ni Alex ang baso ng tubig sa kanya.

"The Green Kingdom has fallen," sabi ni Alex, may naaaliw na ngiti sa labi, inabot ang mukha niya at tinuyo ang mga natitirang luha. "At nanalo ang iyakin na prinsesa."

Itinago na lang ni Eira sa magaang tawa ang hiya na para siyang musmos na iniiyakan ang pagkain ng gulay.

EIRA (PREVIEW ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon