Si Sky na naabutan ni Eira na nasa sala pa ang sumama sa kanya na maglibot sa labas. Mula sa mansiyon ay inihatid sila ni Manong Samuel sa main road kung saan ay naglakad na lang sila para magmasid-masid sa paligid.
Pero bigla na lang na nawala si Sky matapos makita ang isang lalaki na parang nakilala nito. Basta na lang siya iniwan ng kapatid at hinabol ang lalaking iyon.
Nagpatuloy na lang sa paglalakasd si Eira hanggang dinala siya ng mga paa sa pinaka-sentro ng Sagada. Naglalakad siya sa kalye habang sinisipat ang mga stolen shots ng mga kapatid sa kanyang cellphone.
Ang lamig ng simoy ng hangin pero heto siya, naka-shorts at sleeveless lang!
Hindi naman kasi niya balak lumayo sa mansiyon. Naiwan sa sofa ang jacket niya. Magkukuwentuhan lang sila dapat ni Sky pero iniwan siya nito. Naisip niyang ituloy na lang ang walang direksiyong paglalakad kahit nilalamig na siya.
Hindi alam ni Eira kung anong oras na. Naiwan sa room ang wristwatch niya. Kung tama siya, wala pang alas diyes ng gabi. Marami pa siyang mga turistang nakakasalubong. Naisip niya na i-enjoy na lang ang malamig na gabing iyon...
Paulit-ulit na sumagap ng hangin si Eira bago tumingala sa langit. Naagaw ang atensiyon niya ng isang isang Souvenir shop sa kanan niya. Ang kulay ng T-shirt na shocking yellow ang umagaw sa atensiyon niya at ang naghuhumiyaw na: Weak Chick? Forget Caving. Kiss a handsome instead. At may arrow na nakaturo sa side—na nakita niyang hindi handsome kundi mukhang ermitanyo na balot na balot ang naroon. Matanda na yata kaya nilalamig ang nakaupo sa counter. Pati mukha ay hindi niya makita dahil nakabalot ng gray cloth, na hindi na niya masyadong sinipat pa.
Naaaliw na itinuloy ni Eira ang pagpasok sa Shop. Si Barbie ang naiisip niyang pagbigyan ng T-shirt
"How much po 'yan?" turo ni Eira sa T-shirt, hindi na niya tinapunan ng tingin ang matandang tindero na nilalamig. Napapangiti siya. Ibibigay niya kay Barbie iyon bilang pasalubong. Ipapatong lang naman niya ang T-shirt habang kasama niya si Attorney Virgil—na sisiguraduhin niyang itinuturo ng arrow. Pupuntahan nila si Barbie. Natitiyak ni Eira na titili sa inggit ang kaibigan. Hindi na siya paaalisin sa bahay hanggang hindi niya ibinibigay ang T-shirt na iyon. Weakness ni Barbie ang mga T-shirts na may kung ano-anong nakakatawang print messages.
"Pili ka na lang ng iba," malamig na sabi ng matanda—hindi tunog matanda ang boses? Buong-buo iyon, maganda sa pandinig niya. "Not for sale 'yang yellow, Miss."
"Oh," nawala ang ngiti niya, na-disappoint bigla. "Hindi for sale?" ulit niya. "Kung hindi for sale, bakit—" naputol ang pangungusap nang pagbaling niya sa lalaki sa counter ay nakatayo na ito, wala na ang nakabalot na tela sa katawan at mukha—napatanga si Eira. Unang pagkakataon na napatanga siya sa harap ng isang estranghero. At nakaawang pa ang bibig niya!
"I-Ikaw na lang..." ano'ng sinabi niya? Pakiramdam ni Eira ay saglit na huminto ang brain activity niya kaya nawalan siya ng sasabihin. Never na nangyari iyon sa kanya. Wala siyang pakialam sa mga guwapo. Si Attorney Virgil lang ang guwapong pinapansin niya, wala nang iba. Pero ang lalaking kaharap niya ngayon na kailangan pa niyang tumingala para makita ang mukha—ang perpektong mukha na nagpatunay na may mas guwapo pa palang nilalang sa childhood-to-teenage crush niyang si Attorney Virgil—ay nawalan na siya ng sasabihin.
"Hindi rin ako for sale, Miss."
"H-Ha?" at natampal ni Eira ang sariling noo nang mag-sink in sa isip ang nasabi niya. "Hindi kita bibilhin—I mean..." nagtama ang mga mata nila. Nag-skip ng beat ang puso niya! Oh, no! Bakit may ganoon siyang pakiramdam? Hindi naman ganoon ang heartbeat niya tuwing nagtatama ang mga mata nila ni Attorney Virgil. Kinikilig lang siya. Bakit ang lalaking ito na—ngumiti pa ang kausap niya, literal na napahawak sa dibdib si Eira.