"EIRA?" nasa anyo ni Alex na siya ang huling tao sa lupa na inaasahang makitang naroon at kasama ng tiyuhin. Inaasahan niyang ang susunod na itatanong ng lalaki ay kung ano ang ginagawa niya sa kubo pero iba ang ginawa at sinabi nito—mabilis na lumapit sa kanya at malapitan siyang pinagmasdan na para bang inaasahang may makitang pinsala sa katawan niya. "Are you okay?" banayad na tanong nito, huminto sa mga mata niya ang titig. "Umalis ka raw ng mansiyon at hindi alam ni Carrie kung nasaan ka. Three hours akong nag-drive para hanapin ka sa mga kalye ng Sagada. Naisip kong baka naisip mo na namang maglakad ng walang direksiyon."
Mabilis na nag-excuse si Tito Ico, maghahanda raw ng makakain niya. Hindi na niya ito masyadong napansin dahil kay Alex na nakaluhod sa isang tuhod at nakatingala sa kanya. Ilang segundo siyang nawalan ng sasabihin dahil sa titig nito!
Hinanap siya ni Alex ng three hours?
Oh, please! Behave, my heart!
"Nagpaalam ako kay Ate Yumi," ang tanging nasabi ni Eira. "Nakita akong umalis ni Aunt Carrie, hindi nagtanong kung saan ako pupunta, hindi rin naman ako pinigilan. Nakita niyang may mga gamit akong dala—" napahinto siya nang umangat ang isang kamay ni Alex, hinawi ang mga hibla ng buhok niyang tinatangay ng hangin mula sa bukas na bintana.
"I'm glad you're here," mas mahinang sabi ni Alex bago marahang binawi ang kamay. "Hindi na ako mag-aalala."
Napangiti si Eira, may malinaw na warmth sa mga mata ni Alex. Gusto ba talaga siyang makita ni Alex? Gusto rin siyang kasama? At inaalala siya nito?
'Asa agad, Eira? Mag-aalala talaga siya dahil witness lang naman ang lalaking 'yan ng pinagdadaanan mo! hiyaw ng kontrabidang bahagi ng isip niya.
Naudlot ang sana ay mas pagngiti ni Eira. Tama ang naisip niyang iyon, baka naaawa lang ang lalaki sa kanya. Nag-aalala si Alex dahil sa sitwasyong pinaggalingan niya. At hindi ba nag-drama siya sa tabi nito noong huli silang nagkasama? Nagkuwento siya nang hindi niya dapat ikuwento.
Tumuwid si Eira ng upo, sinadyang iiwas ang mukha sa hawak ni Alex. Ang kailangan niyang isipin ngayon ay ang pakay niya sa lugar.
"Bakit nga pala nandito ka bitbit ang ilang gamit mo? May nangyari sa mansion kaya ka umalis?" tanong ni Alex na nagpabalik sa isip ni Eira sa kasalukuyan.
Napatitig lang siya sa lalaki, mayamaya ay umawang ang bibig para magsalita pero hindi pala siya handa sa sasabihin niya. Hindi niya na maalala ang scripted niyang dahilan kay Tito Ico. Parang nagkaroon ng royal rumble of thoughts sa utak niya—na lalong lumala nang marahang ngumiti si Alex matapos mahuli ang pagkatulala niya!
"Hey," tila pukaw nito. "What? Answer me, princess!" ngiting-ngiti na ang lalaki. Na-realize ni Eira na may epekto talaga sa heartbeat niya ang ngiti ni Alex. Sanay siyang matawag ng 'princess', madalas niyang marinig iyon sa mga business gathering na dinadaluhan nila ng abuela niya noon. Kadalasan ay mga anak ng kumpadre nito ang gumagamit ng ganoong endearment sa kanya pero hindi niya pinapansin. Bakit pagdating kay Alex ay iba ang pakiramdam na hatid sa dibdib niya?
"Ahm," nang-apuhap si Eira ng sasabihin, nadi-distract siya sa bilis ng heartbeat niya! "G-Gusto ko lang muna ng ibang environment. Wala akong maisip na tahimik na lugar na puwede akong mag-stay, eh. Gusto mo naman magmasid sa mga ulap 'di ba? Sasamahan na lang kita—mag-explore raw ako sa lugar sabi ni Tito Ico para hindi ko masyadong maramdaman ang lungkot...ahm, kung 'di ka busy, samahan mo na lang ako while I'm here, okay lang? Mga...one month ako rito, Lex." Saka siya tumungo, hindi niya kayang tingnan ang mga mata nito pagkatapos ng sinabi niya. Para talaga niyang hinihiling na manatili si Alex at huwag umalis sa tabi niya. Ano pa ba ang iisipin ng lalaki kundi gusto niya ito?
Lolo naman kasi, eh!
Ramdam niyang nakatitig sa kanya si Alex, walang kaimik-imik pero parang nang-to-torture naman ang mga mata in a sweet way—kung may ganoon man. Ang lakas na ng kabog sa dibdib ni Eira. Mayamaya ay hindi na niya napigil mag-angat ng tingin.
"Ako?" mababang susog ni Alex. "Gusto mo akong kasama?" titig na titig sa mga mata niya na tanong nito.
May party na sa dibdib ni Eira. Nakakabingi na ang tibok ng puso niya. Hiling niyang sana ay hindi iyon naririnig ni Alex.
"Si...Si Tito Ico talaga ang pinuntahan ko, kaya lang old na siya. Hindi na ready ang katawan niya sa mga adventure na...na—" biglang ikinulong ni Alex sa dalawang palad ang mukha niya. Kahit hindi nakikita ni Eira ang sarili, sigurado siyang namimilog ang mga mata niya nang sandaling iyon sa gulat.
Wala namang ginawa si Alex, tumawa lang habang nakatitig sa mga mata niya—nakaawang naman ang bibig ni Eira, ramdam na ramdam niya ang init ng mga palad ni Alex!
"Tell me," si Alex na mas inilapit ang mukha sa kanya.
Napakurap-kurap siya. "Tell you what?"
"How can I say no to you?" titig na titig sa mga mata niya si Alex. "I'll be your knight. Sasamahan kita kahit saan, princess Eira."
Hindi alam ni Eira kung ang titig nito o ang sinabing iyon ang nag-trigger ng reaksiyon niyang hindi pinag-isipan—bigla na lang niyang niyapos si Alex na napa-'Oh' bago niya narinig ang magaang tawa.
"Thank you!" sabi niya. At isinaboses na ang isang bagay na dapat niyang tiyakin. "Can you stay here for a month, Lex?"
Hindi agad umimik ang lalaki.
Napapikit si Eira. Paano kung umalis ito?
"Lex?"
"One month? Okay, princess."