Part 4

9.5K 243 2
                                    

NAKATITIG si Eira sa pinto ng silid na kinaroroonan ni Don Alfonso Banal Sr, ang kanilang lolo na unang hinanap niya pagkarating sa mansion matapos niyang malaman ang tungkol sa sakit nito. Wala pa sa pitong kapatid ang nakita ni Eira sa mansiyon. Siguro ay nasa kanya-kanyang silid ang mga ito o baka namamasyal sa labas, o baka nauna siyang dumating—hindi siya sigurado.

Hindi muna pumasok sa silid si Eira kung saan itinuloy ng driver ang mga gamit niya. Si Aunt Carrie ang sumalubong sa pagdating nila, ang asawa ng kanyang ama. Maganda ang babae, at tulad ng mga estranghero na nakilala niya, ang ngiti nito ang agad niyang nakita. Nag-usap sila sandali sandali bago niya sinabing gusto niyang makita ang abuelo na maysakit. Susunod niyang dadalawin ang ama na nasa Ospital.

Tatlong kasambahay ang nakita ni Eira sa paligid habang kasabay niya si Aunt Carrie. May natanggap na tawag ang kanyang stepmom kaya nag-utos ito sa isang kasambahay na samahan siya sa silid ni Don Alfonso.

Alam ni Eira ang pakiramdam na may mahal sa buhay na may sakit. Makikita niya naman ang mga kapatid, uunahin niya ang newly-found Lolo nila para makita niya ang talagang kondisyon nito, at susunod niyang pupuntahan ang kanyang ama.

Magiliw na ngumiti kay Eira si Nonita, na puwede raw niyang tawagin kahit sa pangalan lang nito. Hindi siya sanay sa ganoong pagtawag. Ang mga trabahante nila sa farm na kasing-edad nito—sa hula niya ay fifty years old na ay 'Nay' ang nakasanayang niyang itawag dahil halos lahat ng mga iyon ay gusto siyang maging anak.

"Nanay Nonita na lang po ang itatawag ko sainyo," nakangiting sabi niya sa may katandaang babae. Nangislap ang mga mata nito at magiliw ang naging pagngiti. Ito ang binilinan ni Aunt Carrie na sumama sa kanya papunta sa silid ng abuelo.

"Marami kaming nasa paligid lang, Ma'am Eira. Ako na lang ang tawagin mo o lapitan kapag may kailangan ka, ha?"

"Eira na lang po."

Natuwa si Eira sa pagsalubong na iyon. Umaasa siyang sa pagdating niya sa Sagada ay makakatagpo na siya ng bagong pamilya. Kailangang-kailangan niya iyon ngayon.

Naghintay siya saglit. Ipapaalam muna ni Nanay Nonita sa abuelo na nasa labas siya. Hindi raw basta nakikipag-usap ang lolo nila kahit pa sa kanilang mga bagong dating na apo nito, bagay na nagpakunot sa noo niya.

Bakit kaya? Hindi ba dapat ay sabik ito sa kanilang mga bagong dating na apo? Baka abala lang ito sa kung anumang ginagawa o baka mas nais nitong magpahinga dahil sa sakit.

Medyo natagalan si Nanay Nonita kaya nag-alala na si Eira. Baka nagpapahinga ang abuelo, alam niyang kailangan nito iyon. Kung tulog man ito, gusto pa rin niyang pumasok.

"Eira?"

Bigla niyang nilingon si Nanay Nonita na nakangiti sa kanya. "Maganda ang mood ni Seῆor, puwede ka nang pumasok sa loob—" hindi na nito natapos ang sinasabi dahil mabilis na siyang lumayo habang nagpapasalamat.

Excited si Eira na makita ang abuelo pero pagdating niya sa tapat ng pinto ay bigla siyang kinabahan. Siguro dala pa rin ng takot na nasa dibdib niya parin dahil sa naging kondisyon ng Lola Stefania niya. Nag-iwan ng takot sa isip at puso ng dalaga ang nakita niyang kalagayan ang abuela.

Tumingala si Eira sa malawak na itaas ng mansion. Na-realize niya, ni hindi niya tinapunan ng sulyap ang paligid. Mas gusto niya kasing makita ang mga taong nasa loob niyon, hindi ang matigas at malamig na pader na nakapalibot sa kanya.

Maingat niyang itinulak ang pinto—nakapaskil na sa labi niya ang ngiting lagi niyang ibinibigay sa lahat. Ngiting napawi nang magsalubong ang mga mata nila ng matandang panatag na nakaupo sa kama. Sa kanya nakatingin ang matanda—blangko ang buong mukha, walang mababasang emosyon sa mga matang katibayan ng mga panahong lumipas. Tuwid na tuwid pa rin ang upo nito, bakas ang awtoridad kahit walang kaimik-imik. Puti na ang lahat ng buhok pero taglay pa rin ang tila piping lakas na naghatid sa kanya ng pakiramdam na kahit naroon lang ito at tahimik ay hindi ito simpleng matanda lang.

Kusang huminto ang mga paa ni Eira, nabura rin ang ngiti niya. Ilang segundong nagtama lang ang mga mata nila ni Don Alfonso Banal Sr—na kilala niya sa isa pang pangalan—Lolo Jay, dahil ang matanda na inabutan ni Eira sa silid ay walang iba kundi ang matandang dumalaw noon kay Lola Stefania na nagpakilala bilang Lolo Juan.

Kaya pala pakiramdam niya ay napaka-common ng pangalang iyon...

"Lolo Jay..." wala sa loob na usal ni Eira. Hindi tuminag ang matanda sa kinauupuan, nakatutok lang ang mapanuring mga mata sa kanya, para bang binabasa ang reaksiyon niya sa pagkikitang iyon.

Kung hindi siya naging si Eira dela Veza, siguro ay umatras na siya palabas ng silid pagkakita sa blangkong ekspresyon ni Lolo Juan. Kung hindi siya naging si Eira dela Veza, baka mas naging aware siya sa invisible na harang na parang sinasadya nitong iparamdam sa kanya sa pamamagitan ng malamig na anyo, sa tingin na walang bakas ng rekognisyon sa kanya, at sa pagkakakunot ng noo na para bang hindi nito nais na naroon siya sa silid na iyon.

Pero si Eira dela Veza siya—walang nakikitang harang, walang nakikitang distansiya, walang pinaniniwalang disgusto sa pagitan ng magkakapamilya.

Ilang sandali lang ay nakalapit na siya sa puwesto ni Don Alfonso Banal Sr. Nayakap at nahalikan na niya ito sa magkabilang pisngi bago pa man nagkaroon ng reaksiyon sa bigla niyang pagsugod—isang mahina at magaang tawa.

"You're home now my youngest angel," ang narinig ni Eira na ibinulong nito bago niya naramdaman ang tugon sa yakap niya. Napaluha siya nang hindi niya namamalayan.

Inamin ng matanda na plinano nito ang paglapit sa kanya para kilalanin siya. Naaalala raw siya nito bilang masayahing apo na malungkot ang mga mata—ang eksena nila sa coffee shop ang naalala ni Eira sa sinabi nito.


EIRA (PREVIEW ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon