SA TWENTY-SIX years ni Alex sa mundo, hindi pa nangyaring buong-buong nakuha ng isang babae ang atensiyon niya sa maikling panahon. Ang huling seryosong relasyon niya ay ilang dates muna bago nakuha ng ex-girlfriend niyang si Lilette ang buong atensiyon niya. Lumalim lang ang damdamin niya habang tumatagal na magkasama sila.
Iba si Eira dela Veza—Banal. May malakas na hatak ang babae na hindi niya maipaliwanag. Sa unang pagtatama pa lang ng mga mata nila sa shop nang gabing iyon ay iba na kaagad ang pakiramdam niya. Gusto niyang paulit-ulit na titigan ang babae. Gusto niyang panoorin ang bawat kilos nito, pagmasdan ang inosenteng ekspresyon, at titigan ang damdamin sa mga mata.
Nang makita niya ang babae sa kubo ni Uncle Ico ay nagliwanag yata ang mundo. Nagising nang husto ang aantok-antok niyang diwa. Hindi niya napigilang makipagkuwentuhan sa dalaga. Gustong-gusto niya na titigan ang bawat ngiti nito, ang kislap ng mga mata at ang paiba-ibang reaction sa mga sinasabi niya.
Hindi nagustuhan ni Alex ang glow sa mga mata nito nang ikuwento ang 'priceless smile' ng isang Attorney Virgil. Hindi niya alam kung saan galing ang naramdaman niyang disgusto sa pangalan ng abogado. Parang hindi niya gustong binabanggit iyon ni Eira—o baka ang kislap ng mga mata ng babae ang ayaw niyang makita, dahil ibang lalaki ang dahilan noon at hindi siya?
Hindi niya alam. Nalilito siya at hindi niya nais mag-isip.
Hindi lang talaga niya gusto ang tunog ng pangalan ng abogado na iyon.
Naguluhan si Alex sa ganoong pakiramdam. Hindi iyon isang ordinaryong pakiramdam na nawawala lang agad. Iba ang ginigising na pakiramdam ni Eira, mahirap intindihin. Lalong hindi niya rin maipaliwanag ang masidhing pagnanais niyang makasama ang babae. Ipinagpalit niya ang lakad nila ni Joy na ilang linggo nang naka-set, plano ng kaibigan para lang samahan si Eira sa paglalakad sa kalye!
Hindi gawain iyon ng isang Lessandro Callanta. May isang salita siya. Isang salita na sinira niya dahil kay Eira. Ang hirap intindihan ng bago niyang pakiramdam na iyon.
At lalong hindi gawain iyon ng isang Lessandro Callanta na mahigit isang taon nang palipat-lipat ng lugar para takasan ang sitwasyong hindi pa rin niya magawang umalpas hanggang ngayon.
Si Joy naman, sinadya pa siya sa Sagada para makipag-bonding, hayun at itinaboy niya pauwi para samahan si Eira sa walang direksiyong paglalakad sa kalye. Nahalata agad niyang pigil na pigil ni Eira na umiyak sa harap niya. Ibang-iba ang ngiti ng babae kaysa noong huli niyang nakita. Walang ideya si Eira na pigil na pigil rin niya ang sariling huwag itong hilahin at ikulong sa mabigpit na mahigpit na yakap nang sandaling iyon na nagpipilit itong ngumiti para itago ang totoong nararamdaman. Hindi siya makapaniwala na may ganoon siyang weird na pakiramdam. Hindi iyon ang nararamdaman niya sa mga babaeng bagong kakilala.
At nang sandaling iyon, sa lamay ni Don Alfonso Banal ay naroon siya—nakapako na naman ang atensiyon kay Eira kaya wala na siyang inintindi pa sa paligid. Naroon ang babae, tahimik sa upuan nito katabi ang ilan sa mga kapatid, hindi tumitinag at nakapako sa isang direksiyon ang tingin. Metro lang ang pagitan ng puwesto nila. Lihim na nagmamasid si Alex mula pa kanina.
"Eira?" narinig niyang boses ng isang lalaki. Paglingon ni Alex ay kasama ni Carrie Banal ang lalaking una niyang nakita sa isang nakangiting litrato na iniingatan ni Eira sa cellphone nito.
Ibinalik niya kay Eira ang tingin—tumuwid ito nang upo bago lumingon sa tumawag. Kitang-kita niya kung paanong mula sa pagod na blangkong mukha ay nagkaroon ng damdamin ang mga mata ni Eira bago iyon namasa sa luha. Hindi na niya nakitang nalaglag ang mga luha ni Eira, tinawid na ng abogado ang pagitan ng mga ito at mahigpit na niyakap ang babaeng sentro ng atensiyon niya.
Inilayo kaagad ni Alex ang tingin. Hindi niya alam kung bakit pero hindi niya gustong makita kung gaano kahigpit ang yakap ng lalaki kay Eira. May namumuong damdamin sa dibdib niya na hindi niya maintindihan. Parang matigas na bilog na bumubundol sa puso niya. Ang mas mas dumagdag pa sa sama ng pakiramdam niya, mas bata pala ang abogado sa personal. Hindi ito sing-tanda ng naisip niya!
Hindi na umalis sa tabi ni Eira ang abogado sa buong durasyon ng lamay ni Don Alfonso. Hindi na nakalapit pa si Alex sa babae. Ang nagawa na lang niya ay panoorin kung gaano ka-natural sa abogadong iyon na hawakan si Eira, kung gaano kadali na umakbay at hagurin ang likod ng babae, kung gaano kadali na kabigin si Eira sa katawan nito at aluin sa pamamagitan ng mga bulong na ang dalawa lang ang nakakarinig!
Gusto niyang bumuhat ng mga bangko at ibalibag ang mga iyon. Hindi nga lang niya maaring gawin kaya ang tanging nagawa ni Alex ay ilayo ang tingin sa dalawa at ikuyom ang palad.
Mas nagpaigting sa inis ni Alex ang katotohanang nakatulog si Eira sa dibdib ng magaling na abogado!
Eira trusted the man so much and he didn't like it.
Kung ang tiwala ni Eira sa lalaki o ang katotohanang hindi siya nito kinailangan dahil nasa tabi nito ang abogadong iyon ang ikinaiinis niya ay hindi niya alam.
Hindi na bumalik si Alex sa mansion ng mga Banal pagkatapos ng gabing iyon. Nagkulong na lang siya sa kubo ni Uncle Ico. Pinanood niya ang mga ulap. Nakapagtatakang hindi na si Lilette ang iniisip niya. Si Eira na at ang magaling na abogado!
Sa libing na ni Don Alfonso sumunod na nakita ni Alex si Eira—wala na ang abogado sa tabi nito. Mukhang hindi na nahintay ng huli ang libing ng Don.
Gusto niyang saktan ang sarili na mas gusto niyang makitang mag-isa si Eira na nalulungkot kaysa may karamay ito—okay, hindi tama ang ganoong pakiramdam pero puwede naman kasi na iba na lang ang maging karamay ni Eira. Nasa paligid ang mga kapatid nito, hindi kailangan ng babae ang abogadong iyon.
At puwede rin namang siya na lang ang iyakan nito. Handang-handa ang mga balikat niya para kay Eira.