Prologue

21.2K 302 8
                                    

Prologue

"EIRA, hija?"

Mula sa pagtitig sa tanawin ng siyudad sa labas ng glass wall ay lumingon si Eira sa tumawag sa kanya. Nasa coffee shop siya, kaharap ang hot coffee na wala siyang balak inumin. Hindi siya nagkaka-kape pero gusto niyang manatili muna sa lugar na iyon-para sa sandaling katahimikan, ng paligid at ng puso niya.

Hindi siya handa sa nangyari kay Lola Stefania, ang lola niyang seventy-five years old na pero umaasa siyang makakasama pa niya sa susunod pang seventy-five years. Alam ni Eira na pinaniniwala lang niya ang sarili pero iyon ang gusto niyang isipin. Hindi niya nais mag-isip ng mga bagay na maghahatid lang ng negatibong emosyon sa kanyang puso.

"Ang bawat tao, apo, laging may pagpipilian. Sa lahat ng pagpipilian na nakalatag sa harap mo, lagi mong piliin ang positibo gaano man kahirap." Ang pangaral ni Lola Stefania sa kanya na natatandaan ni Eira. "Piliin mo rin lagi na maging masaya."

"Lagi, lola?"

"Lagi. Ang saya ay hindi dumarating lang sa isang tao. Ikaw ang pipili niyon. Ikaw ang lilikha ng mga dahilan para maging masaya ka. Maniwala ka, napakalawak ng mundo para hindi ka makahanap ng isang dahilan para sumaya, apo."

"Kayo pala," lingon ni Eira sa matandang inabutan niya sa pribadong ospital kung saan ay dalawang araw nang comatose si lola Stefania. Ngumiti pa rin siya sa matanda kahit alam niyang kulang sa buhay iyon.

Naalala ni Eira ang nangyari bago ang sitwasyon niya ngayon. Isang ordinaryong araw lang sa farm ang araw na iyon na bigla na lang nag-collapse si Lola Stefania. Next thing she knew, sinasabi na ni Doctor Montez, ang mahigit dekada na na doctor ng lola niya na inaasahan na nito na darating ang sitwasyong iyon. At alam iyon ng lola niya, ayon sa doctor. Nahulaan na ni Eira na hindi lang binanggit sa kanya para wala na siyang isipin. Ganoon lagi ang kanyang lola. Lahat nang maaring makasakit sa kanya, lahat nang maaring magpasama ng loob niya ay inaako na nito-wala nang nakakarating pa sa kanya. Inilaan na talaga ni Lola Stefania ang sarili para protektahan siya. Na-realize ni Eira, kaya pala madalas magbanggit ang abuela ng tungkol sa pag-alis at pagdating ng mga tao sa mundo, na ang una raw ay hindi dapat iniiyakan habang ang huli ay sinasalubong nang may galak sa puso. Ang totoo ay hindi niya masyadong naintindihan iyon. Malalim naman talaga ang mga pangaral ng matanda sa kanya kaya inakala niyang isa lamang iyon sa mga araw na nagdaragdag ito ng life lessons sa isip niya. Hindi naisip ni Eira na tungkol na sa nakatakdang 'pag-alis' nito ang tinutukoy ng matanda.

Hindi handa si Eira na maiwan. Hindi siya magiging handa kailanman na mag-isa pero alam niyang iyon na ang kanyang realidad mga susunod na araw. Ang mga mapagkakatiwalaang tao na ng abuela ang magiging bago niyang pamilya sa mga susunod na araw.

Mula sa ospital ay laging tumatawid si Eira sa coffee shop na iyon para magpalipas ng ilang minuto, para saglit na makatakas sa masakit na realidad na nasa harap na niya ngayon.

Isa sa mga bagong mukha na dalaw ni Lola Stefania ang matanda na ngayon ay sinundan siya sa coffee shop.

"Puwede bang maupo, hija?" banayad na tanong ni Lolo Juan-iyon ang gusto ng matanda na itawag niya rito. Naabutan ni Eira si Lolo Juan na kausap si Doc Montez. Marami namang bagong mukhang dumadalaw sa lola niya kaya tulad ng mga bagong mukhang iyon na binabati niya ng ngiti, ngiti rin ang bati ng dalaga sa matanda.

"Sure po, Lolo Jay."

"Jay?" balik ng matanda.

"As in 'Jar'," sabi ni Eira na mas ngumiti pa. "Masyadong common ang Juan, Lolo. Initial n'yo na lang para may dating. Jay-cute po 'di ba? Tunog bata at tunog guwapo po!" sana lang hindi nahimigan ng matanda na pilit lang niyang pinasisigla ang kanyang tono.

EIRA (PREVIEW ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon