Part 3

9.7K 196 1
                                    

ILANG segundong napatitig si Eira sa paper bag na inabot sa kanya ni Barbie. Weapon daw ang laman ng paper bag ayon sa kaibigan niyang gay na kanina pa exaggerated ang fake na iyak. Kung umarte si Barbie ay parang sa ibang planeta siya pupunta. Sumama pa talaga ito sa kanila ni Attorney Virgil sa Baguio.

"Weapons?" ulit ni Eira. "Para saan, Barbie?"

"Ay, para sa mga kapatid mo. Ramdam kong excited kang ma-meet sila. Excited kang magkaroon ng bagong pamilya kaya gora, teh!"

"Eh, bakit may weapon kang pabaon?" pinipigil niyang mapangisi nang maluwang. Kahit hindi pa niya nakikita ang laman ng paper bag, sigurado siyang pulos kalohokan ang nasa loob niyon, mga kalokohan ni Barbie na nakapagpapatawa lagi sa kanya. Malaking tulong ang presence nito sa tabi niya para maibsan ang lungkot na iniwan nang pagkawala ng mahal niyang abuela.

Inilahad ni Barbie ang mga braso sa ere, nag-ala-ballet dancer na nag-perform on ice, may nginig effects pa. Umikot nang umikot bago huminto sa harap niya. "Lyrics."

"Lyrics ng?" susog ni Eira.

Sa halip na sumagot ay inilahad uli ni Barbie ang mga braso at umikot-ikot habang kinakanta ang Do You Wanna Build A Snowman sa lenguwahe na bago sa kanya pero kakatwa ang tunog kaya napangiti siya. Ilan sa mga salitang narinig niya ay paminsan-minsang ginagamit ni Barbie sa pag-uusap nila, na kailangan niya laging linawin kung ano ang kahulugan.

"Beki version 'yon, ateng! Bet Mo bang Mag-do ng Snowman?" at nag-beautiful eyes ang bading. Nagkaroon ng tunog ang tawa ni Eira.

Hinampas niya sa balikat ang kaibigan na OA namang tumili.

"Ano'ng gagawin ko sa Bet Mo Bang Mag-do ng Snowman?"

"Aba, kailangan mong maghanda!" tumigil na si Barbie sa harap niya. "May pito kang kapatid sa ama. Sigurado, may mabait sa mga iyon pero may bruha rin. Kantahan mo ang mabait at sampalin mo ng yelo ang bruha!" umangat pa ang mga kilay nito.

"Wala namang yelo sa Sagada—"

"Isipin mo, meron!" agap kaagad nito. "Huwag kang magpapa-api, ha? Alam kong hindi mo kayang manakit kaya kapag inagrabyado ka nila, text mo ako. Ako ang sasampal sa bruha para sa 'yo, maliwanag?"

Tinawanan lang niya ito. Hindi siya naniniwalang aapihin siya ng mga half-sisters niya. Magkakapatid sila. Tunay na magkakadugo. Pamilya. Bakit siya aapihin?

Lumipat kay Attorney Virgil ang tingin niya, kausap nito ang driver ng van na sundo nila—si Manong Samuel, nagpakilalang driver ng pamilya Banal. Isa sa mga kapatid niya ang personal na sinundo ni Attorney Guzman, ayon kay Attorney Virgil. Magkakasabay raw ang dating nila ng ilan pang kapatid niya na wala pa sa poder ni Don Alfonso Banal.

Nag-usap pa nang ilang sandali ang dalawa habang siya naman ay nagpaalam na kay Barbie.

Nasa biyahe na sila nang mga sumunod na sandali.

"May sakit si Lolo?" biglang baling ni Eira matapos niyang marinig ang sinabi ni Attorney Virgil, mula raw ang impormasyon kay Attorney Guzman. Isa sa mga dahilan ang kondisyon ng matanda kaya hindi nila dapat patagalin ang pagpunta ng Sagada.

Ramdam na ramdam pa ni Eira ang sakit at lungkot na iniwan ng pagkamatay ni Lola Stefania na pilit lang niyang pinagtatakpan. Pilit niyang ibinabaling sa iba ang atensiyon para hindi siya gaanong malungkot. At ngayon naman, ang inaasahan niyang bagong kapamilya ay may sakit rin? Mang-iiwan rin ba ang newly-found lolo niya?

"S-Sakit? Ano'ng sakit?"

Hindi agad nakapagsalita ang abogado. Sa mga ganoong pagkakataon ay alam agad niya na gusto nitong itago ang impormasyon.

"Attorney H!"

Bumuntong-hininga ito. "Cancer."

Malakas ang naging pagsinghap ni Eira. Sa ikalawang pagkakataon ay mawawalan ba uli siya ng isang kadugo? Ang mas masakit, isang kadugo iyon na hindi man lang niya nakasama.

Natagpuan niya ang sariling nakatutok ang tingin sa tanawing nilalampasan nila, nag-iisip kung bakit kailangang maging ganoon ang kuwento ng buhay niya. Sa huli, pinilit pa rin ni Eira na tingnan ang positive side ng sitwasyon—na makikilala parin niya ang mga bago niyang kapamilya.

Nasa mansiyon na si Eira nang ma-confirm niya kay Aunt Carrie ang sakit ng lolo nilang walo—lung cancer. At ang ama naman nila ay nasa ospital at comatose.

Gusto niyang manghina. Pamilyar na takot at kaba ang lumukob sa puso ni Eira—takot na naramdaman niya noong nasa ospital rin si Lola Stefania.

Gusto niyang magtanong sa kawalan kung bakit hindi pa man nabubuo ang pamilyang dinatnan niya sa Sagada ay may banta agad ng mga kadugong maaring mang-iwan?

Pinilit na lang niyang itutok ang atensiyon sa positibong bahagi ng sitwasyon—na may pito siyang kapatid sa ama.

Isa nga si Eira sa Banal sisters. Apo nga siya ni Don Alfonso Banal Sr. Nahinuha niya na gumamit lang ng ibang pangalan nang lumapit sa ina niya ang kanyang tunay na ama. Walang totoong Serafico 'Spike' Magpugay. Isang kasinungalingan lang ang pangalang iyon. Ang tao sa likod ng pangalang iyon ay si Alfonso Banal Jr.

Nahiling ni Eira na sana ay kasama pa niya ang ina o ang abuela nang sa ganoon ay may mga sasagot sa maraming tanong sa isip niya.

Pero si Attorney Virgil na lang ang kasama niya ngayon na maaring maghanap ng mga sagot para sa kanya. Si Attorney Virgil na kinausap si Aunt Carrie bago umalis ng Sagada.


EIRA (PREVIEW ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon