CHAPTER VI: SI SIR XAVIER (PART 6)

24 1 0
                                    

“Wala kaming litrato kasi maagang namatay ang mga magulang namin. Hindi na natupad ang kagustuhan naming magkasama-sama muli.”

“Magkasama-sama muli?” pati si Charle ay nagkaroon na ng interes.

“Matagal na po namin kayong naging prof pero hanggang ngayon po hindi namin alam ang kwento ng buhay nyo,” mabilis kong tugon pagkatapos magsalita ni Charle.

Ngumiti si Sir. Lumingon sa harapan nya.

At biglang nagsalita sya muli...

“Kompleto ang koleksyon ko ng mga awards at medals magmula grade 1 ako hanggang matapos ng grade 6. May panibagong medalya na naman akong iniuwi sa bahay. Nakangiti akong umuwi kasama ang aking ina at mga kapatid. Nasasabik na akong ipakita kay tatay ang panibagong medalyang madadagdag sa aking koleksyon. Hindi na ako makapaghintay na makarating sa bahay. Gusto ko na noon ang pabilisin ang takbo ng oras.

“Nandito na kami. Mabilis kong binuksan ang pinto ng bahay naming gawa sa pawid at sawali. Masayang masaya kong tinawag si tatay. Pero walang sumalubong sa akin. Tumakbo ako sa kwarto nila habang sila nanay at ang mga kapatid ko ay dumiretso na sa hapagkainan. Nandito lang pala si tatay. Napangiti ako. Natutulog pala. Umupo ako sa tabi nya.

“’Tatay’, niyakap ko sya. ‘Tatay?’ Humigpit ang yakap ko sa kanya. ‘Tatay.’ Nag-uunahang tumulo ang mga luha ko. Pumasok sa kwarto sila nanay. ‘Patay na si Tatay,’ nagluluksa kong ipinahayag. Mabilis na ninakaw ng tadhana sa akin ang mga masasayang sandali ng aking tagumpay. Hindi ko inakalang ang magiging kakambal ng mga tagumpay ko ay pagkakamatay ng tatay.

“Matagal na palang may sakit si tatay. Hindi lang sa amin nagsabi. Nahirapan akong tanggapin ang mga pangyayari. Napakabata ko pa at ng mga kapatid ko para maulila sa isang ama. Parang biglang tumamlay ang buhay ko. ‘Yung pakiramdam na parang halos ayaw mo ng masulyapan ang mga matatamis na mga ngiti na ihahatid ng bawat araw na magigising ka. At ‘yung bawat paggising mo ay nangangahulugang may panibagong kabanata ka na naman na dapat simulan sa sunod na pahina ng buhay mo. At higit sa lahat, nangangahulugang lang ito ng panibagong araw para maramdaman mo ang sakit at maalala kung gaano kapait ang naging nakaraan mo.

“Kaya ayun, ipinamigay kami ni nanay sa mga kamag-anak naming mas nakakaangat sa buhay. Sa madaling salita, nagkahiwalay-hiwalay kaming magkakapatid. Kaya ni nanay na suportahan ang pangangailangan ng bawat isa sa amin. Anim kaming magkakapatid.

“Walang natirang kasama sa bahay si nanay. Pilit ang ngiting huling nasulyapan ko sa kanya bago kami nagkahiwalay-hiwalay. Ang mga mata nya’y nangungusap, tila sinasabing ang pagsasakripisyo ang tanging kasagutan para makapagpatuloy pa kaming magkakapatid sa karera ng mga buhay namin.

“Pumatak ang unang luha. Alam kong luha ‘yun ng pagpaalam at pagsakripisyo. Pumatak ang sunod na luha mula sa kanan nyang mata, luhang sumasagisag ng saya na tama lang ang ginawa nyang desisyon dahil alam nyang giginhawa ang buhay naming magkakapatid sa ganitong paraan. Huling patak, luha ng pangungulila sa kanyang mahal na pamilya at luhang nagpapahiwatig na sumasakit pa rin sa kirot ang mga sugat na dinulot ng pagkamatay ng tatay. Hindi pa lubusang kaya ni nanay na kalimutan ang lahat.”

May naramdamang matinding kirot ang puso ko. Alam ko kung gaaano kalungkot ang mawalay sa mga magulang mo. At alam ko din ang hirap na pagdadaanan mo na dinulot ng pagkawala ng isa sa mga magulang mo. Alam ko ang damdaming nangingibabaw kapag nandun ka na sa pagkakataong kailangan nyong maghiwalay ng pamilya mo. Parang ganito yung pakiramdam na nararamdaman ng isang bata kapag ibinigay ng mga magulang nya ang pinakapaboritong laruan nya sa ibang bata, o higit pa dito ang lebel ng pakiramdam na madadama mo.

************************************************************************************************************

SARAH CHRISTINE BARBADO. http://www.facebook.com/sarahchristine.barbado. https://twitter.com/#!/SarahBarbado. http://misspiggyrabbit.tumblr.com/. 

Heaven Street (On-Going) :)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon