Ikatlong Kabanata
—***—
"HUWAG mo na lang 'yong isipin 'hon, okay?"
Isang linggo na ang nakalipas mula no'ng lumipat sila ng bahay. Isang linggo na rin mula no'ng may nangyaring kakaiba sa mga anak nila. Gustuhin mang kalimutan ni Cecilia ang pangyayaring iyon ay hindi niya magawa. Nag-aalala pa rin siya para sa kanilang kaligtasan, lalung-lalo na sa mga anak nila.
"But we can't deny that there's something wrong. Hindi mo ba nakikita si Ernie? He's been acting strange since that night. Si Kristina, hanggang ngayon ay natatakot pa rin," sagot niya sa kanyang asawa. Kasalukuyan silang nag-uusap sa kusina nang gabing iyon.
Tulog na ang mga bata. Dapat ay pag-uusapan lang nila ang budget at bills nila. Subalit hindi niya naiwasang ungkatin ang nangyari isang linggo na ang nakakalipas.
"'Hon, mga bata lang sila. You know kids, they have wide imaginations."
"Imaginations? Nakita natin kung gaano kagulo ang kwarto nila. At paano mo ipapaliwanag ang rosaryo na hanggang ngayon ay ayaw bitiwan ni Ernie?"
Natahimik ang asawa niya habang hinihilot ang sentido. Alam niyang nag-aalala rin ito at hindi lang ipinapahalata. Pero hindi pwedeng bale-walain na lang nila ang nangyari nang gabing iyon. Hindi pwedeng isipin na lang nila na bunga lang ang mga iyon ng malilikot na imahinasyon ng mga bata.
Oo nga't hindi na naulit ang pangyayaring iyon sa loob ng isang linggo, subalit hindi sila sigurado kung hindi na nga ba mauulit pa iyon sa darating na mga araw. Walang nakakaalam.
"'Hon, mas mabuti siguro kung 'wag mo na lang munang isipin 'yan. Huwag kang magpadala sa takot mo. Tandaan mong bukas ay mag-uumpisa na akong magtrabaho. Kayo na lang ng mga bata ang maiiwan dito sa bahay."
Sa bayan magtatrabaho ang asawa niya. May isang grocery store doon ang tiyuhin nito at ang asawa niya ang naatasang mag-manage niyon. Thirty to forty minutes ang layo niyon mula sa bahay nila. Masaya naman siya dahil maayos ang pasahod roon at malaki ang maitutulong sa pamilya nila. Subalit mas lalo lang siyang natakot dahil sila na lang ng mga bata ang maiiwan sa bahay.
Paano kung... ah, ayaw niyang mag-isip ng kung anu-ano. Kailangan niyang tatagan ang loob.
"Mommy! Daddy!" humihingal na bumaba si Kristina at tumakbo patungo sa kanilang mag-asawa. Kitang-kita ang takot at panic sa mukha nito.
"Kristina, anak, what's wrong?" tanong niya.
"Si Ernie... Mommy, si Ernie!"
Hindi na niya hinintay pang matapos ito sa sasabihin dahil kaagad na siyang tumakbo patungo sa kwarto ng mga bata. Kaagad namang sumunod sa kanya ang asawa niya at si Kristina.
Subalit hindi niya nagawang pumasok agad ng tuluyan sa kwarto. Tila napako ang kanyang mga paa sa pinto. Napahawak siya roon nang makaramdam ng panghihina sa kanyang tuhod. Nanlaki ang kanyang mga mata sa nakita kasabay ng pagtulo ng luha at pagtindig ng balahibo.
"Ernie, anak.... Diyos ko po..."
Nakalutang sa ere ang kanilang anak na nakapikit ang mga mata habang may nakakalat na itim na likido sa bibig at katawan nito. Suot pa rin nito ang rosaryo na ayaw nitong ihiwalay mula ng gabing iyon.
"A-anong... anong nangyari?" gulat na gulat na tanong ng asawa niya. "Kristina, bakit nagkaganito ang kapatid mo? 'Di ba natutulog na kayo kanina?"
"Hindi po ako makatulog. Basta napansin ko na lang na bigla siyang tumayo at pumasok sa cabinet. Gabi-gabi po siyang pumapasok sa cabinet kahit pinipigilan ko siya. Pero kanina, nang lumabas siya sa cabinet, sumusuka na siya ng itim na dugo." Sobrang bilis nitong magsalita, halata ang takot. "Tapos po... tapos... bigla na lang siyang lumutang."