Ikalawang Kabanata
—***—
"MAMA, totoo nga kasi, eh. May nakita akong Madre sa second floor," giit ni Kristina sa Mommy nila nang ihatid sila nito ni Ernie sa kanilang kwarto para matulog.
Malaki ang silid na iyon na may dalawang kama. Nakapagitan sa dalawang kama ang bedside table na may nakapatong na lampshade. Subalit hindi pa nila iyon magagamit dahil wala pang kuryente. Ipinangako naman ng Daddy nila na bukas na bukas ay aayusin na nito ang koneksyon nila ng kuryente upang maging kumportable sila.
Matatagpuan rin sa kwarto nila ang isang antigong cabinet kung saan nakakabit ang isang lumang salamin na may malaking biyak sa gitna na tila tinamaan ng kidlat.
"Kristina, tinatakot mo lang ang sarili mo," sagot ng Mommy nila na kasalukuyang nakaupo sa kama ng kapatid niyang si Ernie. Inaayos nito ang kumot ng kanyang nakababatang kapatid. "Sleep well, okay?" Tumayo na ito at akmang hihipan na ang kandila sa mesa subalit pinigilan niya.
"Mommy, don't!"
Bumuntung-hininga ito, tila nauubusan na ng pasensya.
"Kristina, kanina ka pa, ah. Bakit na naman?"
"This room is scary po. 'Wag n'yo na lang pong patayin ang kandila."
"Scary, Ate?" ulit ni Ernie sa sinabi niya. Tinanguan naman niya ito.
"Kristina, 'pag 'yang kapatid mo ay tuluyang natakot, lagot ka talaga sa'kin. Ang laki-laki mo na para maniwala sa mga multo. Mabuti pa si Ernie."
Hindi na siya nagsalita pa hanggang sa lumabas na ang Mommy nila. Kaagad namang pumikit si Ernie habang siya'y nakaupo lang sa kanyang kama. Ayaw maalis sa isipan niya ang nakitang Madre kanina. Kinikilabutan pa rin siya tuwing naaalala ang imahe nito.
"Ate, you will not sleep?" tanong ni Ernie na bumaling sa kanya.
"I can't sleep pa, eh. Matulog ka na, Ernie. Mamaya na ako."
"Let's play?" masiglang anyaya nito at bumangon pa.
"Ernie, it's too late to play. Matulog ka na lang."
"But I'm not yet sleepy, Ate."
"Magagalit si Mommy 'pag nalaman niyang gising pa tayo."
"We will not make a noise para hindi niya malaman."
Sa murang edad ay sobrang galing ng magsalita ng nakababatang kapatid niya. Tuwing may bisita nga sila sa bahay noon ay tuwang-tuwa ang mga ito kay Ernie. Ang galing daw mag-rason. Ang talas rin daw ng isip nito. Sobrang kulit pa. Pero hindi niya kailangan ang kakulitan nito ngayong natatakot siya.
"Just sleep. Ayokong maglaro," iritadong wika niya.
"Kung ayaw mo, kami na lang ang maglalaro."
Bigla siyang naging alerto sa narinig. Pinagmasdan niya ang kapatid na kasalukuyang nakatitig sa lumang salamin na nasa harap nila. Nakangiti ito na tila may tao sa harap. Nagawa pa nitong kumaway. Bigla siyang napaurong hanggang sa sulok ng kama at binalot ng kumot ang buong katawan.
"Ernie, sino 'yan?"
"Friend natin," balewalang sagot nito.
"Sinong friend? Saan? Tayong dalawa lang naman ang nandito, ah."
Itinuro nito ang salamin.
"She's there, Ate, o. Hi po!"
"E-Ernie..."
![](https://img.wattpad.com/cover/133913294-288-k725699.jpg)