Prologue

2K 50 3
                                    

HINDI mapigilan ni Dr. Anna Fuentes ang makaramdam ng awa sa batang nakaupo sa harap niya. Mag-i-isang taon na niya itong pasyente subalit wala pa rin siyang nakikitang progress dito. Ilang beses na niyag gustong mag-give up. Pero naniniwala siyang may pag-asa pa para dito. Alam niyang gagaling ito sa tulong niya.

Nanggaling sa isang traumatic experience si Kristina nang mamatay ang pamilya nito sa isang trahedya. Si Kristina lang ang naka-survive at hanggang ngayon ay mayro'n pa ring epekto sa bata ang nakaraan nito.

"How are you feeling these days?" maingat niyang tanong. Hindi madaling makipag-usap sa mga pasyente niya dahil lahat sila ay vulnerable. Pero kay Kristina, mas nagiging maingat siya. Para kasi itong isang babasaging baso.

"Okay lang po."

"Palagi ka raw tulala sabi ng mga magulang mo. Gusto mo bang sabihin sa akin kung ano ang iniisip mo?"

"Hindi ko naman po sila mga magulang."

Huminga siya ng malalim.

"They're your parents now," marahang tugon niya. "They legally adopted you because they fell in love with you no'ng una ka nilang nakita. Mahal ka nila at nag-aalala sila sa'yo."

"Hindi po totoo 'yan." Umiling ang bata. "Hindi nila ako mahal. Walang nagmamahal sa'kin."

"Pa'no mo naman nasabi 'yan?" Hindi madalas magpakita ng emosyon ang bata. Isang sorpresa iyon na nakita niyang sumagot ito na punung-puno ng emosyon at intensidad.

"Ako na lang mag-isa dito. Ayoko na dito. Gusto ko ng makasama sina Mommy, Daddy at Ernie. Miss na miss ko na sila. Alam kong nami-miss na rin nila ako. Gusto ko na silang makasama." Naglandas ang luha sa pisngi nito.

Parang nadudurog ang kanyang puso habang nakikita ang pagbe-breakdown ng bata. Kung pwede lang sana niyang angkinin ang sakit na nararamdaman nito. Masyado pa itong bata para sa gano'ng klase ng sakit. Hindi pa nito alam kung paano iha-handle ang gano'n katinding kalungkutan. Masakit para sa kanya na kailangang pagdaanan ni Kristina ang lahat ng iyon sa murang edad.

"Kristina, makinig ka. Hindi gugustuhin ng mga magulang mo na makita kang ganito. I'm sure gusto nilang ipagpatuloy mo ang buhay mo. You have a bright future ahead of you. Ang bata-bata mo pa, marami pang magagandang bagay ang pwedeng mangyari sa'yo. Alam kong hindi naging madali ang pinagdaanan mo, pero ano ba ang gusto mo? Gusto mo bang maging malungkot na lang habang-buhay? O gusto mong bumangon at gamitin ang nakaraan mo to become a stronger person?"

"Gusto kong mamatay."

Natahimik siya at tila hindi alam kung ano ang sasabihin. Napaka-desperado ng tono ng bata na para bang wala ng natitira pang kahit konting pag-asa sa puso nito. Para bang totoo na gusto talaga nitong mamatay. Kita niya ang kamiserablehan sa mga mata nito.

"K-Kristina, please don't say that."

"Ayoko na dito!" Lumakas ang boses nito kasabay ng mas mabilis na pag-agos ng mga luha. "Gusto ko ng matahimik! Pagod na pagod na ako! Pagod na akong makita at marinig siya! Ayoko ng sumunod sa mga utos niya! Ayoko na!"

"Sino'ng tinutukoy mo?" nagtataka niyang tanong.

"Akala ko tapos na... akala ko wala na siya. But I was wrong. She's still here. She never left."

"Sino?"

Biglang nagpatay-sindi ang ilaw sa loob ng clinic. Napatayo ang doktora nang makaramdam ng isang mainit na hanging dumampi sa kanyang batok. Hindi niya alam kung bakit pero parang biglang bumigat ang pakiramdam niya. Iyon ang unang beses na nakaramdam siya ng gano'n.

Binalingan niya si Kristina na sumiksik sa sofa at niyayakap ang sarili. Patuloy lang ito sa pag-iyak, takot na takot. Gusto niyang yakapin ito at sabihing okay lang. Wala itong dapat na ikatakot. Siguradong nagkaro'n lang ng problema sa elektrisidad ng building. Mayamaya lang ay magiging maayos na ulit 'yon. Pero hindi naman niya magawang lapitan ang bata. Para siyang ipinako sa kinatatayuan.

"Nandito siya, doktora..." takot na sabi ni Kristina.

"S-sino ang nandito?"

"Nandito siya! Kasama natin siya ngayon!" Iginala nito ang paningin sa buong silid, bakas pa rin ang takot sa mga mata.

"Sino ba ang sinasabi mong nandito?" Hindi na rin niya napigilang makaramdam ng takot. Ang weird ng nararamdaman niya. Parang may mali. Mas lalo kasing bumibigat ang kanyang pakiramdam at nagtitindigan na rin ang balahibo niya sa buong katawan.

"Sasaktan niya tayo! Kailangan nating umalis!"

Sa sinabi nito'y naging alerto siya. Sa wakas ay nagawa na rin niyang humakbang. Nagtungo siya sa pinto upang lumabas at mai-check kung ano ang nangyayari. Itatanong niya sa taga-maintenance kung bakit nagkakagano'n ang ilaw. Pero ayaw bumukas ng pinto kahit ilang beses niyang sinubukan.

"Fuck," pabulong niyang mura. "Bakit ayaw bumukas nito?"

Umihip ang isang napakalakas na hangin. Hindi niya alam kung saan nanggaling iyon dahil saradung-sarado ang opisina. Pero nagliparan ang mga papel sa mesa. Bumukas rin ang mga drawers at nagliparan ang papel sa loob ng mga iyon. Tumumba rin ang iba pang mga kagamitan sa loob ng opisina. Nahulog rin ang wallclock at ang nakasabit na abstract painting. Sigurado na siyang hindi normal ang nangyayari. Tuluyan na siyang natakot. Mabilis niyang nilapitan si Kristina at niyakap ang bata. Patuloy ito sa pag-iyak. Huminga siya ng malalim at pilit na pinakalma ang sarili. Hindi siya pwedeng magpadala sa takot. Kailangan niyang tapangan ang sarili.

"Our Father whoart in heaven..."

Naputol ang pagdarasal niya nang makarinig ng isang malakas na tawa. Nagmula ang tawa na iyon sa pintuan. Isang anino ang nakita niya roon hanggang sa unti-unti iyong nagkaro'n ng imahe. Nahirapan siyang makita iyon dahil sa patuloy na pagpatay-sindi ng ilaw.

"Nandito na siya, nandito na siya," nagpa-panic na wika ni Kristina, nanginginig sa takot.

Tuluyang namatay ang ilaw. Wala silang makita dahil sa kadiliman. Sobrang tahimik, tanging ang mabibilis na paghinga lang nila ang maririnig. Hindi niya alam kung ga'no sila katagal binalot ng kadiliman. Ilang segundo yata... o baka minuto. Hindi na siya sigurado. Basta ang alam niya, nang muling bumukas ang ilaw, nakita nila na nakatayo sa harap nila ang isang madre. Sobrang maputla ang mukha nito, nanlalalim ang sulok ng mga mata at sobrang bigat kung tumitig. Hindi niya alam kung paano ide-describe ang hitsura nito. Basta ang alam niya, mas gusto na lang niyang mamatay kesa patuloy na makita ang mala-demonyong hitsura ng madre.

Ipinikit niya ang mga mata at muling sinubukan na magdasal. Subalit walang nangyari. Nang muli kasi siyang dumilat, naro'n pa rin ang madre. Ngunit sa pagkakataong iyon ay may hawak na itong rosaryong itim at sinabayan pa siya sa pagdarasal habang tumatawa.

"S-sino ka? Ano'ng kailangan mo?!" tanong niya sa pilit pinatapang na boses.

Isang nakakapangilabot lang na ngisi ang isinagot nito tsaka itinuro si Kristina.

"A-ako ang kailangan niya. Pero ayokong sumama sa kanya. 'Wag n'yo po akong ibibigay sa kanya. Ayoko sa kanya."

"Kilala mo siya? Ano'ng kailangan niya sa'yo, Kristina? Sino siya?"

"Siya si Madre Martina."

Madre MartinaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon