VIII- Dyablo

1.3K 27 5
                                    

Ika-walong Kabanata

—***—

ISANG traydor ang nagpakalat ng balita na nasa kumbento nagtatago si Martina. Nalaman iyon ng isa sa mga katiwala ng simbahan na kaagad nagsumbong sa mga mamamayan. Kaagad naman na nagpulong ang lahat upang planuhin ang pagsugod sa simbahan. Kailangang mamatay si Martina upang matigil na ang kadiliman sa kanilang bayan.

"Totoo bang nasa kumbento si Martina?" tanong ni Angelo sa kanilang katulong.

"Iyon pa ang sabi-sabi ng mga tao sa bayan, senyorito. Isang katiwala sa simbahan ang nagkalat ng balita kaya posibleng totoo nga iyon."

Kakalibing lang ng kanyang ama at halos wala pang gana sa buhay si Angelo. Madalas siyang tulala sapagkat hindi pa rin niya lubos mapaniwalaan ang mga nangyari sa kanilang pamilya. Minsan ay pakiramdam niya, nananaginip lang siya. Isang masamang panaginip. Subalit kahit pagbali-baliktarin niya ang mundo, totoo lahat iyon. At wala siyang maaaring gawin kundi harapin ang katotohanan.

Kailangan niyang makausap si Martina. Kailangan niya ng kasagutan sa lahat ng kanyang tanong. Alam niyang hindi ito magsisinungaling sa kanya.

***

NAGRU-ROSARYO si Martina kasama ang kanyang lolo't lola at si Padre Jose nang gabing iyon. Hinihintay pa rin nila ang pari na mage-exorcist raw sa kanya subalit parang hindi na ito darating. Ang tagal na rin kasi nilang naghihintay. Pero wala naman silang iba pang pwedeng gawin kundi maghintay at magdasal.

Pagkatapos mag-rosaryo ay matutulog na sana sila nang may dumating na isang hindi inaasahang bisita.

"Angelo? Ano'ng ginagawa mo dito?" nagtataka niyang tanong.

"Martina..." Kita ang paghihirap sa mukha ng binata. "Kailangan kitang makausap."

Napalunok siya sa sariling laway at halos hindi makatingin dito. Aamin niyang nami-miss niya ito pero wala na siyang karapatan pa kay Angelo. Pinatay niya ang mga magulang nito. Sinira niya ang buhay ng lalaking pinakamamahal niya.

"Wala na tayong dapat pag-usapan pa. Umalis ka na, Angelo. At pakiusap lang, 'wag mong ipaalam sa iba na nandito ako."

"Huli na. Kumalat na ang balita sa buong bayan na dito ka nagtatago."

"Ano? Pa'no nangyari 'yon?" gulat na tanong ni Padre Jose.

"Isang katiwala po sa simbahan ang nagpakalat ng balita. Sa katunayan, nagpaplano na silang sumugod dito."

"Apo, hindi ka na ligtas dito," nag-aalalang sabi ng kanyang lola. "Kailangan nating umalis. Pumunta tayo sa malayo. Hindi ko alam kung saan. Pero kailangan ka naming maitakas."

"Tutulong ako," determinadong sabi ni Angelo.

"Hindi mo kailangang madamay dito," ani Martina sa malamig na tono. "Isa pa, hindi mo ako dapat tulungan."

"At pa'no mo naman nasabi 'yan?"

"Dahil totoo ang lahat ng sinasabi nila." Matapang niyang sinalubong ang mga mata nito. "Halimaw ako. Demonyo. Isang dyablo. Mamamatay-tao."

"Martina, hindi kita maintindihan."

"May isang demonyo na kumukontrol sa'kin. Pinagsamantalahan niya ang ina ko at ako ang naging bunga n'on. Nasa dugo ko ang kadiliman, Angelo. Isa akong dyablo. At oo, ako ang pumatay kay Adriana. Ako rin ang pumatay sa mga magulang mo at sa iba pang tagabayan."

Madre MartinaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon