NAGISING si Madre Martina sa isang napakalakas na kulog at kidlat. Hindi pa rin pala tumitigil sa pagbuhos ang ulan. Patuloy rin sa malakas na paghampas ang hangin.Dumating na ang bagyo.
Sobrang dilim sa loob ng kanyang silid dahil namatay na ang kandila na sinindihan niya kanina bago matulog. Dahan-dahan siyang tumayo at kinapa ang posporo sa mesang katabi ng kanyang higaan. Kung kailan naman nahanap na niya iyon, tsaka naman iyon nahulog sa sahig.
Lumuhod siya at sinubukang hagilapin muli ang posporo. Iginala niya ang kamay sa sahig hanggang sa...
"Ahh!" Napaupo siya at nahindik nang makaramdam ng tila isang malamig na kamay na humawak sa kanya.
Tumingin siya sa paligid subalit wala siyang makita kundi kadiliman.
Mula nang nag-madre siya ay hindi na siya ginambala pa ng dyablo. Naging tahimik at payapa ang kanyang buhay mula nang maging alagad siya ng Diyos. Mas tumibay rin ang kanyang pananalig. Kaya hindi niya maiwasang makaramdam ng takot ngayon. Nasundan pa rin ba siya ng dyablo? Panandalian lang ba siya nitong tinigilan? Nagbalik na ba ito para muli siyang gambalain?
Martina...
Muli niyang narinig ang pamilyar at nakakapangilabot na bulong na iyon. Nanginig siya sa takot at napayakap sa sarili.
"H-hindi... hindi 'to totoo..."
Mabilis siyang tumayo at hinanap ang pinto. Kaagad niya iyong binuksan at mabilis na lumabas ng kwarto. Madilim ang mahabang pasilyo ng kumbento subalit nakabukas ang mga bintana. Sinasayaw ng hangin ang mga kurtina at nakakapasok ang liwanag na dala ng kidlat.
Nanginginig ang mga tuhod ni Madre Martina pero hindi siya tumigil sa paglalakad. Malalaki ang bawat hakbang niya na parang hinahabol.
Martina...
Tinakpan niya ang mga tenga gamit ang kanyang palad. Pero ayaw pa ring tumigil sa pagbulong ng dyablo. Bulong pa rin iyon ng bulong.
"Tumahimik ka."
Sa pagkakataong iyon ay lakad-takbo na ang ginawa niya hanggang sa makarating sa loob ng simbahan. Mabilis siyang lumuhod sa harap ng altar at nagdasal. Kinuha niya sa kanyang bulsa ang rosaryo na lagi niyang dala hanggang sa pagtulog.
Martina...
Ipinikit niya ang kanyang mga mata at taimtim na nagdasal. Hindi siya pwedeng matakot. Mas lalo lang lalakas ang pwersa ng dyablo 'pag nagpadala siya sa takot. Kailangan niya itong labanan.
Laking gulat niya nang biglang nasira ang hawak niyang rosaryo at nagkalat ang mga piraso niyon sa sahig. Nang idilat niya ang mga mata ay napansin niyang gumagalaw ang mga rebulto sa altar. Lahat ng mga iyon ay lumuluha ng dugo at gumagalaw na tila ba may lindol.
"Tama na. Tumigil ka na!"
"Madre Martina?"
Napalingon siya sa nagsalita sa kanyang likuran. Si Padre Javier, ang bagong pari sa kanilang simbahan. Magkasing-edad lang sila kaya kaagad na naging magkasundo.
"Padre Javier."
Biglang tumigil sa paggalaw ang mga rebulto. Tila nagbalik sa normal ang lahat.
"Ano'ng ginagawa mo dito? Ba't gising ka pa? Malalim na ang gabi, ah."
"Nagdarasal. Hindi kasi ako makatulog."
"Gano'n ba? Kung gayu'n, sasamahan na kita." Kumunot ang noo ng pari nang makita ang mga nagkalat na piraso ng rosaryo sa sahig. "Ano'ng nangyari? Ba't nasira ang rosaryo mo?"
"A-ano... ano kasi..."
Patayin mo siya, Martina. Patayin mo ang paring 'yan!
"Hindi!"
"Ano?" tila nagtaka si Padre Javier.
"Ah, w-wala. Pasensya ka na. Matutulog na ako."
"Ha? Akala ko ba, magdadasal ka?"
"Sa kwarto na lang."
Mabilis niya itong tinalikuran subalit napahinto nang makaramdam ng kakaibang init. Pamilyar sa kanya ang pakiramdam na iyon kaya kaagad na gumapang ang takot sa kanyang sistema. Hindi... hindi maaari.
"Madre Martina, ayos ka lang ba?"
Dahan-dahan siyang ngumiti at hinarap si Padre Javier.
"Oo naman. Maayos na maayos," sagot niya at binigyan ito ng makahulugang ngiti. "Ikaw, Padre Javier, maayos ba ang pakiramdam mo?"
"Anong klaseng tanong 'yan?"
"Naitanong ko lang naman. Kasi kung hindi ka maayos, pwede kitang tulungan."
Naglakad siya palapit dito at hinaplos ang mukha.
"A-ano'ng ginagawa mo, Madre Martina?"
Laking gulat ni Padre Javier nang bigla siyang magsalita sa wikang Latin. Nagmistulang umaapoy rin ang mga mata ng madre kasabay ng pangingitim ng labi. Animo'y nasunog rin ang mukha nito, kumulubot at napuno ng sugat. Napaatras siya sa takot subalit halos hindi siya makagalaw.
"H-halimaw..."
Ngumisi lang ang madre at humalakhak ng napakalakas. Umalingawngaw ang tawa nito sa buong simbahan.
"Hindi lang ako halimaw. Isa akong demonyo."
Tumubo ang sungay sa ulo ng madre at nagkaro'n rin ito ng buntot. Napansin rin niya ang paghaba ng matutulis nitong kuko. Nakakatakot itong pagmasdan. Napasambit siya sa Diyos dahil hindi niya alam kung ano ang gagawin.
"A-ano'ng kailangan mo?"
"Illicitus..."
"A-ano? Hindi kita maintindihan."
Sinunggaban siya nito ng isang mapusok na halik na halos hindi na siya makahinga. Kung saan-saan rin umabot ang kamay ng madre hanggang sa hawakan nito ang kanyang ari.
"Libido..."
"M-Madre Martina..."
Ngumisi ito kasabay ng paglabas ng napakaraming itim na dugo sa bibig.
"Et vindicta."
Nakaramdam si Padre Javier ng isang kakaibang init na nanalaytay sa kanyang katawan. Nanghina siya at napaluhod. Halos hindi na siya makagalaw. Wala na siyang lakas. Sumusuko na siya sa kung ano man ang gusto nitong mangyari.
"Ako si Madre Martina, anak ng isang Incubus. Isa akong makapangyarihang dyablo na maghahasik ng lagim sa mundong 'to. Lahat kayo ay sasambahin si Satanas. Lahat kayo ay dadalhin ko sa init ng impyerno."
Sinakal siya ng madre. Sobrang sakit dahil dumiin ang matutulis nitong kuko sa kanyang leeg. Wala siyang ibang nagawa kundi dumaing at sumigaw dulot ng sakit. Ilang saglit lang ay ibinalibag ni Madre Martina ang kanyang leeg at tuluyan siyang pinutulan ng ulo.
Magaling, Martina. Isa ka ngang tunay na anak ng dilim.
"H-hindi..." Nahihindik na itinapon ni Martina ang ulo ni Padre Javier. Nanginginig ang kanyang duguang kamay. Umiling-iling siya habang umiiyak. "Hindi totoo 'to."
Sana nananaginip lang siya. Sana hindi totoo na nagbalik na naman ang dyablo. Sana hindi totoo na nadungisan na naman ng dugo ang kanyang mga kamay.
Nag-uumpisa pa lang tayo.
"Ayoko! Ayoko!"
Wala ka ng magagawa kundi yakapin ang iyong katauhan.
"Tumigil ka na!"
Iisa lang tayo, Martina.
Ako ay ikaw... ikaw ay ako...