Unang Kabanata
—***—
MAGSISIMULA ang kwento sa bayan ng Imladres del Norte. Isang maliit na bayan na punung-puno ng sari-saring kwento at misteryo. Maliit lang ang populasyon ro'n kaya halos magkakilala ang mga mamamayan. Lahat ng kwento ay pinagsasaluhan ng lahat na parang isang nakakatakam na sumsuman. Bawat eskandalong nangyayari ay pinag-uusapan tuwing umaga.
Sa bayang iyon nakatira ang labing-walong taong gulang na dalagang si Martina.
Sa bayan nila, kung hindi ka kasing-ganda ni Martina, hindi ka tunay na maganda. Si Martina ang naging pamantayan ng kagandahan sa buong Imladres del Norte. Pinupuri siya ng mga matatanda dahil sa kanyang angking ganda. Hinahangaan at pinagnanasaan naman siya ng mga kalalakihan dahil bukod sa magandang mukha ay napakaganda rin ng hubog ng kanyang pangangatawan. Kinaiinggitan at kinaiinisan naman siya ng ibang mga dalaga. Nahihirapan kasi ang mga ito na makahanap ng nobyo dahil halos lahat ng binata sa kanilang bayan ay may gusto sa kanya.
"Napakaganda talaga ni Martina," sabi ng isang binata na nanunood sa Santacruzan ng gabing iyon. "Kailan kaya niya ako mapapansin? Ako na siguro ang pinaka-maswerteng lalaki sa buong mundo 'pag nagkagusto siya sa'kin."
Tumawa lang ang kaibigan nito.
"Umaasa ka talagang magkakagusto siya sa'yo? Imposible. Ni hindi nga niya pinapansin ang mga anak-mayamang binata sa bayan natin, ikaw pa kaya? Huwag ka ng umasa, pare. Masasaktan ka lang."
"Malay mo naman, 'di ba?"
"Gago. Humanap ka ng kauri mo."
"Magka-uri naman kami ni Martina, ah. Pareho lang naman kaming anak-mahirap."
"May pag-asa ka siguro kung kasing-gwapo mo si Sir Angelo."
Itinuro nito ang nag-iisang anak ng kanilang alkalde na si Senyorito Angelo de Bustillo. Kapareha nito si Senyorita Adriana Acosta na siyang gumaganap bilang Reyna Esperanza sa Santacruzan. Ilang minuto na lang ay magsisimula na ang parada kaya lahat ng naro'n ay sabik na sabik na.
Sa kabilang banda, pinipilit ni Martina na pigilan ang sarili na tumingin sa direksyon ni Angelo. Ayaw kasi niyang may makahalata. Pero ang nakakainis, ayaw namang tumigil ng binata sa pagtitig sa kanya. Ano ba ang iniisip nito? Hindi ba't napagkasunduan na nilang hindi magpapahalata 'pag nasa harap sila ng maraming tao? Pa'no kung may makahalata sa kanila? Lihim lang ang kanilang relasyon dahil ayaw nilang pag-usapan ng bayan.
"Apo, ayos ka lang ba?" tanong ng kanyang Lola.
"Opo, 'la. Ayos lang po ako."
Mula pagkabata ay ang lolo't lola na niya ang nagpalaki sa kanya. Sanggol pa siya nang mamatay ang kanyang ina dahil sa isang malubhang sakit. Ang ama naman niya ay matagal ng wala. Hindi raw nito pinanagutan ang kanyang ina. Wala namang problema sa kanya kahit wala na siyang mga magulang. Minahal at inaruga naman siya ng kanyang lolo't lola at itinuring na parang tunay na anak. Masaya siya at kontinto sa buhay.
"Bagay na bagay talaga si Senyorito Angelo at Senyorita Adriana," narinig niyang sabi ng isang dalagita.
"Oo nga. Ang swerte ni Senyorita Adriana, ano? Napaka-gwapo kaya ni Sir Angelo. Kinikilig nga ako tuwing nakakasalubong ko siya, eh."
Itinago na lang niya ang naramdamang selos at sakit sa narinig. Totoo namang bagay talaga ang dalawa. Pero masakit pa rin para sa kanya iyon. Kasalanan ba niya kung tumibok ang puso niya para anak sa Alkalde? Kasalanan rin ba niya kung pareho sila ng nararamdaman? Mahal rin siya ni Angelo hindi lang dahil sa angkin niyang ganda kundi dahil kilala rin nito ang pagkatao niya. Nahulog ito sa kanyang pagkatao at hindi lang sa kanyang pisikal na anyo.
