III- Ikaw ay Ako... Ako ay Ikaw

1.7K 40 4
                                    

Ikatlong Kabanata

—***—

TATLONG araw na ang nakalipas pero hindi pa rin nakikita ni Angelo si Martina. Magkikita sila dapat kagabi sa kampanaryo subalit hindi ito dumating. Iyon ang unang beses na hindi siya sinipot ng nobya kaya hindi niya naiwasang mag-alala. Baka may sakit ito o baka may masamang nangyari. Huwag naman sana.

Pero hindi talaga siya mapakali kaya napagpasyahan niyang dalawin ito sa bahay. Hindi alam ng lolo't lola ni Martina ang tungkol sa relasyon niya kaya nagsinungaling na lang siya sa mga ito at sinabing magkaibigan sila ng dalaga.

"Hindi rin namin alam kung ano ang nangyayari sa apo namin, hijo. Nag-aalala na rin kami sa kanya. Hindi namin makausap ng maayos. Halos hindi na nga rin kumakain, eh. Palaging tulala. Nag-aalala na kami para sa kalusugan niya," sabi ng lola nito na bakas ang takot sa mukha.

"Simula no'ng umuwi sila mula sa party ni mayor, ganya'n na ang apo namin. Hindi namin alam kung ano ang problema. Iyak siya ng iyak pero ayaw naman sabihin kung ano ang nangyari," dagdag ng Lolo nito.

"Nagpunta si Martina sa party ni Papa?"

"Oo, sinamahan niya ang kanyang lola na kinuhang sirbedura para sa party. Pero halos wala na siyang naitulong dahil bigla na lang raw nawala at nang bumalik ay patapos na sila sa trabaho."

Mas lalong nagtaka si Angelo. Kung nagpunta si Martina sa party, bakit hindi man lang siya nito nilapitan? At kung bigla na lang itong nawala, sa'n ito nagpunta? Ano'ng nangyari sa kung saan man ito nagpunta para magkagano'n ito?

"Kakausapin ko po siya."

"Hindi ko alam kung makakausap mo siya ng maayos, hijo. Pero sige, subukan mo. Baka mas kumportable siyang kausapin ang isang kaibigan," sabi ng Lola nito.

Tumango siya at hinawi ang kurtina sa maliit na kwarto ni Martina. Nakaupo ito sa isang maliit na kamang gawa sa kawayan at nakatanaw sa palayan mula sa bintana. Tila napakalayo ng iniisip nito. Nanlalalim rin ang sulok ng mga mata nito na tila ba ilang araw ng walang tulog. Maputla na rin ang balat nito na parang hindi na naiilawan ng araw.

"Martina," tawag niya rito subalit parang wala itong narinig. "Martina, ako 'to. Si Angelo."

Wala pa rin siyang nakuhang sagot. Pero hindi siya nawalan ng pag-asa. Hindi niya pwedeng sukuan ang nobya. Tinabihan niya ito at hinawakan ng mahigpit ang malamig nitong kamay.

"Martina, please talk to me. We're worried. Ano ba ang nangyayari sa'yo?" Biglang tumulo ang luha nito pero hindi pa rin tumitingin sa kanya. Bakas sa mukha ng dalaga ang labis na lungkot at sakit.

"Binaboy niya ako," nanginginig nitong wika.

"A-ano'ng sabi mo?"

"Pinagsamantalahan niya ako. Kinuha niya ang pagka-babae ko. Hayop siya!"

Nagulat siya sa pagtaas ng boses nito. Dahil doon ay pumasok na ang lolo't lola nito sa kwarto nang marinig ang malakas na boses ng kanilang apo.

"Ano'ng nangyayari?" nag-aalalang tanong ng Lolo nito.

"Hindi ko po alam. Bigla na lang po siyang sumigaw."

"Hayup siya! Wala siyang puso! Ilang beses akong nagmakaawa pero hindi siya nakinig! Mas pinakinggan niya ang demonyo!"

"Martina, apo, ano ba talaga ang nangyari sa'yo? Sabihin mo naman sa'min para alam namin kung paano ka tutulungan," umiiyak na pagmamakaawa ng lola nito.

"Wala kayong magagawa! Hindi ninyo ako matutulungan!" Sa pagkakataong iyon ay tumingin na sa kanila si Martina. "Ginahasa ako ng papa mo, Angelo. Ginahasa ako ng walang-puso at manyak na alkalde ng putang-inang bayang ito!"

Madre MartinaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon