Ika-apat na Kabanata
—***—
PINAGMASDAN ni Kristina ang kapatid na si Ernie habang nakahiga ito sa kama. Nakakaawa ang sitwasyon nito. Balot ng pasa ang katawan habang nakagapos ang mga kamay. Wala pa ring emosyon na mababasa sa mukha nito. Tatlong araw ng ganoon ang estado ng nakababata niyang kapatid. Inilipat na rin nila ito sa ibang kwarto dahil hindi nila alam kung kailan na naman ito gagambalain ng masamang espiritu.
"Bakit ka nandito?" tanong ng Mommy niya na karga-karga ang sanggol niyang kapatid.
"Gusto ko lang pong makita si Ernie. I miss him, Mommy."
Malungkot na ngumiti ang kanyang Mommy at bahagyang hinaplos ang kanyang ulo.
"I miss him, too."
"Kailan po siya gagaling?"
Hindi ito nakasagot.
Sa totoo lang, hindi rin alam ni Cecilia ang sagot sa tanong nito. Ni hindi nga siya sigurado kung gagaling pa ba si Ernie. Ayaw niyang mag-isip ng masama subalit tila napakalaki ng problemang kinakaharap nila. Natatakot siya sa mga maaaring mangyari.
"Soon," sa halip ay sagot niya. Ayaw niyang bigyan ng false hopes si Kristina pero gusto niyang manatili ang positivity sa puso at isip ng anak sa kabila ng lahat ng nangyayari. "Very soon, Kristina. You can play together again."
Tumango si Kristina. Kaagad na pinaniwalaan ang sinabi ng Mommy niya. Kaya naman araw-araw niyang dinadalaw ang kapatid upang kausapin ito. Tina-trato niya itong normal. Na parang dati lang na nakakalaro pa niya ito.
"Daddy." Nagmano siya sa kanyang ama nang umuwi ito mula sa trabaho.
"Kumain ka na?"
"Opo."
"Ang Mommy mo?"
"Nasa kwarto po ni Ernie."
"Sige, stay in your room. Pupuntahan ko lang ang Mommy mo."
Sinunod naman niya ang utos nito. Bumalik siya sa kanyang kwarto na dati ay kwarto nilang dalawa ni Ernie. Ngayon ay mag-isa na lang siya doon. Subalit mahigpit na kabilin-bilinan ng Mommy at Daddy niya na hindi siya pwedeng magsara ng pintuan. Hanggang ngayon ay nahihirapan pa rin siyang makatulog sa kwartong iyon. Hindi pa rin siya kumportable sa bagong bahay nila.
Kaagad siyang umupo sa kanyang kama at binalot ng kumot ang kanyang katawan. Hindi rin niya pinatay ang lamp shade na nasa side table.
Sobrang tahimik. Naisip niyang paandarin ang TV. Mula nang magkaroon sila ng kuryente ay pinalagyan ng Daddy nila ng TV ang kwarto upang may pagkalibangan siya at hindi gaanong makapag-isip ng mga nakakatakot na bagay.
Palipat-lipat lang siya ng channel dahil wala siyang makitang magandang programa hanggang sa makakita siya ng isang comedy sitcom. Naisipan niyang iyon na lang ang panoorin upang kahit paano'y makalimutan niya ang mga nakakatakot na bagay sa buhay nila ng kanyang pamilya. Inilapag niya ang remote control sa side table at humilig siya sa bed rest habang nanonood ng TV.
Ilang saglit lang ay parang hinihila na siya ng antok. Ngayon lang iyon nangyari at nagpapasalamat siya dahil makakatulog na rin siya. Subalit lumipad ang antok niya nang biglang may pumatay sa TV. Bigla ring kumidlap-kidlap ang lamp shade kasabay ng marahas na pagsara ng pintuan.
Sumigaw siya at sumiksik sa sulok ng kama. Iginala niya ang tingin sa paligid ng kwarto. Bumukas ang bintana, pumasok ang malakas na hangin kasabay ng tila pagsasayawan ng mga kurtina.
![](https://img.wattpad.com/cover/133913294-288-k725699.jpg)