IV- Gabi ng Paniningil

1.6K 42 10
                                    

Ika-apat na Kabanata

—***—

SINUBUKAN ni Martina na mabuhay ulit ng normal. Pinilit niyang kalimutan ang mga nangyari kahit mahirap. Isang linggo na ang lumipas mula no'ng nakausap niya ang demonyo. Hindi na ito muli pang nagparamdama sa kanya. Pero ayaw niyang magpaka-kampante. Dyablo ang pinag-uusapan dito. Alam niyang hindi pa ito tapos. Ano mang oras ay maaari itong magpakita muli.

"Ayos ka lang ba, apo? Hindi ka ba nabibigatan sa mga dala mo?" tanong ng kanyang lola. Sinamahan niya ito sa pamamalengke ng umagang iyon.

"Hindi po, 'la. Ayos lang po ako."

"Sigurado ka, ah?"

"Opo."

"O, sige, mamili na tayo ng gulay."

Habang naglalakad sa palengke ay hindi nakaligtas sa kanya ang pagtingin ng mga lalaki sa kanyang direksyon. Pinilit niyang ngitian ang mga ito. Sanay na siya sa atensyong nakukuha mula sa mga lalaki dahil noon pa man ay siya na ang tinatawag na pinakamagandang dalaga sa kanilang bayan. Pero minsan ay naaasiwa pa rin siya. Ayaw niyang makakuha ng maraming atensyon. Simpleng babae lang naman kasi siya.

"Alam mo bang magkakaro'n ng maliit na salu-salo sa mansyon nina alkalde mamayang gabi? Doon raw maghahapunan si Senyorita Adriana kasama ang mga magulang nito," narinig niyang sabi ng isang tinderang nadaanan nila.

"Totoo ba 'yan?"

"Oo naman. May kaibigan akong nagtatrabaho sa mansyon. Siya mismo ang nagbalita sa'kin."

"Naku, malamang pag-uusapan na nila ang magiging kasal nina Senyorito Angelo at Senyorita Adriana."

"Kinikilig ako! Bagay na bagay pa naman sila! Siguradong magiging maganda at engrande ang kasal nila."

Humigpit ang hawak ni Martina sa dalang bayong kung saan nakalagay ang mga pinamili nila. Nag-init ang sulok ng kanyang mga mata na tila nagbabadyang lumuha. Subalit pinigilan niya ang sarili. Hindi siya pwedeng umiyak sa palengke. Magmumukha siyang kawawa at tanga.

"Apo, may problema ba?" muling tanong ng kanyang lola nang bigla siyang huminto sa paglalakad.

"W-wala po," sagot niya't muling naglakad. "Tara na po, 'la. Bilisan na natin at baka nagugutom na si lolo."

"O, sige."

Maghihiganti siya.

Hindi sila pwedeng maging masaya. Hindi maaari na siya lang ang miserable. Kailangang magbayad ng alkalde. At hindi lang ito ang sisingilin niya. Buong pamilya nito ang magbabayad.

Walang magiging masaya. Lahat ay madadamay sa galit niya.

***

HINDI mahilig maglagay ng kolorete sa mukha si Martina. Pero sa gabing iyon, sinigurado niyang mas lulutang pa ang kagandahan niya. Muli rin niyang isinuot ang puting bestida na suot niya no'ng ginahasa siya ng alkalde. Nakalugay lang ang kanyang buhok na maigi niyang sinuklay upang maging mas maayos tingnan.

"Saan ka pupunta, apo? Gabi na," tanong ng kanyang lolo nang makita siyang palabas ng bahay.

"Sandali lang po ako, 'lo. Magsisimba lang ako. Babalik rin ako kaagad."

"Hindi ba pwedeng bukas na lang? Gabi na. Baka mapa'no ka pa sa daan."

"Ano naman pong mangyayaring sa'kin, 'lo? Hindi ba't pinaka-mapayapa ang bayan natin? Halos wala ngang krimen na nangyayari dito, eh."

Madre MartinaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon