V- Sugo ng Dyablo

1.5K 41 5
                                    

Ika-limang Kabanata

—***—

ISANG katulong sa mansyon ang nakarinig ng ingay sa loob ng banyo. Nagtaka ito at kumatok subalit walang sumagot. Doon na nagkagulo ang buong mansyon. Kinuha nila ang spare key at binuksan ang banyo upang malaman kung ano ang nangyari. At lahat ay napasinghap at nahindik sa tumambad sa kanila.

Nakahandusay sa sahig si Senyorita Adriana. Naninigas ang maputla nitong katawan, kitang-kita ang mga ugat tsaka nakabukas ang mga mata at bibig. Malayung-malayo ito sa glamurosa at sosyalerang babae na nakilala nila.

"A-ano'ng nangyari?" umiiyak na tanong ni Donya Constancia. "Si Martina... si Martina ang gumawa nito!"

"Mama, pa'no n'yo naman nasabi 'yan? May pruweba ba kayo na siya ang may gawa nito?" ani Angelo na sinubukang ipagtanggol ang nobya.

"Sinundan niya si Adriana sa banyo. Sigurado ako na siya ang may gawa nito."

"Pa'no naman niya magagawa 'to? Mama, imposibleng tao ang may gawa nito."

"Sinasabi mo bang may halimaw sa loob ng mansyon?"

"Ipaubaya na lang natin 'to sa mga pulis. Tatawagan ko sila," ani Angelo at tumalikod. Hindi niya kayang titigan ng matagal ang bangkay ni Adriana.

Dinig na dinig ang malakas na pag-iyak ng mga magulang nito. Samantalang ang papa naman niya ay nakatayo lang na parang tuod. Isang malaking misteryo pa rin sa kanya kung ano ang ginagawa ni Martina sa mansyon. At ano ang nangyari't hinayaan ito ng ama niya na makisalo sa kanila sa hapunan?

Hindi kaya totoo ang sinabi ni Martina? Ginahasa nga kaya ito ng kanyang ama?

Tinanggal niya muna iyon sa isip. May mas malaki pa silang problema na kailangang ayusin at 'yon ay ang pagkamatay ni Adriana.

Sa kabilang banda, nilapitan ni Donya Constancia ang kanyang asawa na tulala sa kinatatayuan. Hinila niya ito patungo sa isang sulok upang kausapin.

"Bakit hindi mo pinaalis si Martina dito?" galit niyang tanong.

"H-huh? B-bakit ko naman siya paaalisin?"

"Nahihibang ka na ba? Hindi mo ba napansin na may kakaiba sa babaeng 'yon?"

"Ano naman ang kakaiba sa kanya? Constancia, isang simpleng dalaga lang siya na hindi makabasag-pinggan. Hindi niya kayang gumawa ng masama."

"Ga'no ka ka-sigurado? Hindi mo pa siya lubusang kilala. Hindi mo alam kung ano ang kayang gawin ng isang katulad niya. Malay natin kung may gusto siya sa anak nating si Angelo at naiinggit siya kay Adriana kaya pinatay niya ito? Hindi ba't posible iyon?"

"Ipaubaya na lang natin sa pulisya ang imbestigasyon. Sa ngayon, 'wag ka munang mag-isip ng kung anu-ano."

"Magsabi ka nga ng totoo, may namamagitan ba sa inyo ng babaeng 'yon?"

"Nahihibang ka na ba? Naririnig mo ba ang sarili mo, Constancia? She's so much younger than me, for God's sake!"

Tinalikuran siya ng asawa dala ng pinaghalong galit at takot. Naiwan siya do'n na sumasakit ang ulo. Kailangan niyang mag-isip ng gagawin kung pa'no sosolusyunan ang problema. Namatay si Adriana sa mansyon kaya damay ang pamilya nila sa isyu.

Umakyat si Donya Constancia sa kanyang kwarto upang doon pakalmahin ang sarili. Pero laking gulat niya nang makita si Martina sa loob ng kanyang kwarto nang pumasok siya roon. Nakaupo ang dalaga sa harap ng kanyang vanity mirror habang sinusuklay ang sariling buhok.

"What the hell are you doing here?" galit niyang tanong dito. Mabilis niyang nilapitan ang babae at hinatak ito patayo. Nabitiwan tuloy nito ang suklay pero wala siyang pakialam. Mahigpit pa rin niyang hawak ang kanang pulso nito. "Sino ka para pumasok sa silid ko nang walang pahintulot? Sino ka ba sa tingin mo, ha?"

Madre MartinaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon