VII- Ang Katotohanan

1.3K 32 4
                                    

Ika-pitong Kabanata

—***—

HALOS hindi makagalaw si Angelo nang makita ang nakabulagtang katawan ng kanyang ama. Dilat ang mga mata nito, nakabukas ang bibig at nakalabas ang dila. Hindi niya alam kung ano ang nangyari o kung sino ang pumatay dito.

Kagabi ay pinuntahan niya ito sa kwarto ngunit nagtaka siya nang hindi ito makita po ro'n. Sabi ng mga gwardiya ay hindi rin naman daw ito lumabas. Kaya inutusan niya ang lahat ng mga katulong na halughugin ang buong mansyon.

Ililibing pa nga lang nila ang kanyang ina sa araw na iyon, 'tapos ngayon naman ay ang ama naman niya ang paglalamayan nila.

Ano ang nangyayari?

Bakit sunud-sunod ang pagkamatay sa kanilang pamilya?

***

KASABAY ng pagkamatay ng alkalde na tinaguriang ama ng Imladres del Norte, kumalat rin ang balita na si Martina raw ang nasa likod ng sunud-sunod na kamatayan sa kanilang bayan. May isang magsasaka raw ang nakakita sa dalaga na nakatayo sa madilim na kalsada. Balot na balot raw ito ng dugo at tila may kinakausap kahit wala namang kasama. Nakita rin daw ng magsasaka na tinubuan ng sungay at buntot si Martina. Nagbago raw ang anyo nito at naging tila isang dyablo.

Nang pumutok ang balita, kaagad na sumugod ang mga tao sa bahay nina Martina. Subalit hindi na raw umuwi ro'n ang dalaga ayon sa lolo't lola nito. Nag-aalala na rin daw sila sa kalagayan ng kanilang apo dahil bigla na lang daw itong naglaho na parang bula.

"Imposible ang mga ibinibintang nila," sabi ng kanyang lola nang pumunta do'n si Angelo isang araw. "Hindi masamang tao ang apo namin."

"Pa'no naman siya magiging dyablo? Alam mo naman, hijo, kung ga'no kabait si Martina. Napakalapit sa Diyos ng batang 'yon," dagdag ng lolo nito.

Hindi nakapagsalita si Angelo dahil hindi na rin niya alam kung ano ang paniniwalaan. Napakahirap ng pinagdadaanan niya. Gulung-gulo na ang kanyang isip. Kung nando'n lang sana si Martina, mas magiging madali ang lahat. Gusto niyang marinig ang paliwanag nito.

***

SINGKWENTA y singko anyos na ang magsasakang si Mang Andres. Pauwi siya no'n mula sa inuman nang makita niya si Martina na nakatayo sa gitna ng madilim na kalsada. Nagtaka siya kung ano ang ginagawa ng dalaga do'n, eh dis oras na ng gabi. Mas lalo siyang nagtaka nang marinig itong sumisigaw at umiiyak.

Dala ng kuryosidad ay nagtago siya sa likod ng malaking puno. Inobserbahan niya ang dalaga na tila may kinakausap kahit wala namang kasama. At tila nawala ang kanyang kalasingan nang makita ng kanyang dalawang mga mata ang pagpapalit nito ng anyo.

Dyablo.

Naging isang dyablo ang pinakamagandang dilag ng kanilang bayan. Nakakapangilabot ang hitsura ng dalaga habang walang-tigil na humahalakhak sa gitna ng dilim.

Kinabukasan ay kumalat ang balita ng pagkamatay ng kanilang alkalde. Pinatay raw ito at hindi pa alam ng pulisya kung sino ang suspek. Kaya naisipan niyang ibalita sa buong bayan ang nasaksihan kagabi. Sa una ay halos hindi naniwala ang mga ito ngunit kalaunan ay nakumbinsi rin niya. Maganda naman kasi ang reputasyon niya sa kanilang bayan.

Isa si Mang Andres sa mga madaling lapitan tuwing may problema ang kanyang mga kapitbahay. Nirerespeto rin siya sa kanilang lugar kaya pinaniwalaan ng mga tao ang sinabi niya.

Madre MartinaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon