I- Ang Misteryosang Madre

9.1K 99 8
                                    

Unang Kabanata

-***-

"SA NGALAN ng ama, ng anak at ng espiritu-santo. Amen."

Pinagmasdan ni Padre Simon Salvador ang magarbong altar ng simbahan ng Santa Anna bago tumayo mula sa mahigit tatlumpong minutong pagkakaluhod. Taimtim niyang ipinagdasal ang mga mamamayan ng kanilang bayan na kasalukuyang sinasalanta ng isang epidemya. Kasalukuyan pang inaalam ng mga dalubhasa kung saan iyon nagmula at kung ano ang lunas. Wala silang magagawa kundi ang maghintay at magdasal.

Magi-isang taon na ang lumipas mula nang mai-destino siya sa nasabing simbahan. Limang taon na siyang pari. Mahirap ang kanyang tungkulin subalit masaya siya na napagsisilbihan niya ang Diyos.

Mula pagkabata ay pagpa-pari na ang kanyang pangarap. Lumaki siya sa isang relihiyusong pamilya kaya hindi na kataka-takang naging aktibo siya sa simbahan mula pa noon. Tuwang-tuwa ang kanyang buong pamilya nang magdesisyon siyang mag-pari. Lahat ng mga ito ay ipinagmamalaki siya. Kaya kahit nang mag-atubili siyang ituloy ang pagpa-pari nang minsan siyang umibig sa isang babae ay itinuloy pa rin niya. Hindi niya kayang biguin ang kanyang relihiyusong pamilya, lalo na ang kanyang mga magulang.

"Padre Simon," Nakasalubong niya habang papalabas ng simbahan si Madre Martina. Tipid itong ngumiti tsaka bumati,"magandang umaga."

"Magandang umaga rin sa iyo, Madre Martina." Bahagya siyang tumango pagkatapos ay nagpatuloy sa paglalakad ang Madre at nilampasan siya.

Bago pa man siya dumating sa kanilang parokya ay naroon na si Madre Martina. Hindi maitatanggi ang angking kagandahan ng nasabing Madre. Napakabata pa nitong tingnan sa edad na trenta y singko. Kaya naman hindi na siya nagulat nang makarinig ng mga balitang pinagnanasaan daw ito ng mga kalalakihan sa bayan sa kabila ng pagiging alagad nito ng Panginoon.

Madre MartinaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon