I-

498 21 18
                                    


MADILIM na pasilyo. Napakahaba niyon na para bang walang katapusan. May naaninag siyang kaunting liwanag sa di-kalayuan subalit imbes na magdala ng pag-asa ay takot ang nararamdaman niya. Apoy. Isang nagbabagang apoy ang kanyang nakikita. Tila gumagalaw iyon. Nanginig siya sa takot subalit pinilit niyang maging matapang. Dahan-dahan siyang umatras habang pinagmamasdan ang paggalaw ng liwanag na dala ng apoy. Nang mapansing pabilis iyon ng pabilis ay saka lang siya lalong na-alarma.

Sa kabila ng panginginig ng kanyang tuhod ay pinilit niyang tumakbo. Tumakbo siya ng mabilis. Tumakbo siya sa abot ng kanyang makakaya. Sa buong buhay niya ay hindi pa siya nakakatakbo ng gano'n kabilis. Literal na tumatakbo siya para iligtas ang kanyang buhay.

Nasa'n ako?

Ano ang ginagawa ko sa lugar na ito?

Ang daming tanong sa kanyang isip subalit wala siyang makuhang kasagutan. Pero hindi na mahalaga iyon. Ang importante ay makaligtas siya. Kailangan pa niyang mabuhay. Kaya kahit ilang beses siyang nadapa dahil sa dilim ng kanyang dinadaanan ay patuloy siyang bumabangon upang kumilos muli.

Napahinto siya nang mapansin na biglang nawala ang apoy na humahabol sa kanya. Habul-habol niya ang kanyang hininga at iginala ang paningin sa paligid. Wala pa rin talaga siyang ibang makita kung hindi walang-hanggang kadiliman. Sobrang lamig ng paligid kaya niyakap niya ang sarili. Napalunok siya at huminga ng malalim upang kalmahin ang sarili.

"Kristina..."

Isang pamilyar na boses ang narinig niyang bumulong sa kanya. Paano ba niya makakalimutan ang halimaw sa likod ng boses na iyon? Ang demonyong sumira sa buhay niya.

"Madre Martina." Pinilit niyang magtunog-matapang sa kabila ng paglukob ng takot sa kanyang sistema. Ayaw niyang maramdaman ng demonyo na natatakot siya. Ayaw niyang isipin nito na may kontrol pa rin ito sa kanya. Lalaban siya. Hindi na siya ang batang si Kristina na kaya nitong takutin at paikutin.

Biglang may nabuong liwanag sa kanyang harapan. Isang nagbabagang apoy na nakapalibot sa demonyong madre. Matagal na mula no'ng huli niya itong nakita. Subalit hindi pa rin nagbabago ang epekto ng hitsura nito sa kanya. Nakakapang hilakbot pa ring tingnan ang naaagnas na mukha ng madre. Nakangisi ito habang may lumalabas na itim na likido sa bibig.

"Kristina..."

"Ano'ng kailangan mo?"

"Ikaw."

"Sinira mo na ang buhay ko. May kulang pa ba? Ano pa ba'ng gusto mo sa'kin? Ano pa ba ang kulang?"

"Akin ka."

"Hindi, Madre Martina. Kahit kailan ay hindi ako magiging iyo. Wala ka ng kontrol sa akin ngayon. Sa ngalan ng Diyos, hindi na ako magagalaw ng isang demonyong katulad mo."

Humalakhak ng sobrang lakas ang madre. Nanindig ang balahibo ni Kristina nang tila lumindol kasabay ng tawa nito.

"Diyos?! Pwe!" Dinurahan siya nito ng itim na dugo at muling humalakhak. "Kristina, ipinagmamalaki mo ba sa akin ang walang kwenta mong Diyos?!"

"Mas makapangyarihan ang Diyos ko sa kahit na sinong demonyo. Hindi mo na ako magagalaw dahil mas malakas na ang pananampalataya ko sa kanya ngayon. Hindi Niya ako pababayaan."

Nagdilim ang ekspresyon ng madre at lumutang palapit sa kanya. Naramdaman niya ang mahigpit na paghawak nito sa kanyang leeg. Nahirapan siyang huminga dahil sa diin ng pagkakasakal nito sa kanya. Nginisihan siya ng madre at dinilaan ang kanyang mukha.

"Akin ka, Kristina. Akin ka lang."

Hinawakan nito ang kanyang dibdib at napansin na lang niya na may suot na siyang itim na kwentas. Isa iyong baliktad na crucifix na tila nagsisimbolo ng kademonyuhan. Lalo siyang natakot at nag-panic. Hindi maaaring manalo ang kadiliman. Kailangan niyang lumaban.

Madre MartinaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon