VI- Alkalde

1.5K 32 4
                                    

Ika-anim na Kabanata

—***—

ILANG araw na nagkulong si Martina sa bahay. Gulung-gulo ang isip niya sa mga nangyari. Hindi pa rin siya makapaniwala na nagawa niyang pumatay ng tao. Oo nga't utos iyon ng dyablo, pero nabahiran pa rin ng dugo ang kanyang mga kamay. Hindi niya matanggap na isa na siyang kriminal.

Alalang-alala pa niya ang pagkahindik sa mukha ni Angelo. Alam niyang hindi ito lubusang naniwala nang sabihin niyang wala siyang kinalaman sa pagkamatay ng ina nito. Ngunit sa kabila n'on, tinulungan pa rin siya nitong makalabas ng mansyon.

Nasa loob siya ng simbahan nang gabing iyon. Taimtim siyang nagdasal upang ihingi ng tawad ang nagawang kasalanan at upang humingi na rin ng tulong.

"Panginoon, hindi po ako masamang tao. Ayokong maging ganito. Hindi ko ginustong pumatay at ayoko ng gawin pa 'yon ulit. Tulungan Niyo po akong labanan ang diyablo. Ayokong maging masama. Nagmamakaawa po ako, Panginoon. Hindi ko na po alam kung ano ang gagawin ko."

Humihikbi siya habang nagdarasal. Isinakto niyang gabi siya pumunta ro'n upang wala ng ibang taong makakakita o makakarinig sa kanya. Gusto niyang mapag-isa sa loob ng simbahan kasama ang Diyos. Kaya naman laking gulat niya nang biglang bumukas ang pintuan ng simbahan. Sobrang lakas ng pagkakabukas n'on na para bang may halong galit. Pumasok sa loob ng simbahan ang isang napakalakas na hangin kasabay ng pagtunog ng kampana ng simbahan.

Binalot siya ng takot. Mabilis siyang tumayo upang tumakbo palayo subalit halos hindi niya maihakbang ang mga paa. Sobrang lakas kasi ng hangin na parang pinipigilan siyang tumakas.

"S-sino ka?! Ano'ng kailangan mo sa'kin?!" Nagtapang-tapangan si Martina. Kung sino man ang nanggagambala sa kanya, hindi nito pwedeng maramdaman na natatakot siya. Mas lalo lang siya nitong tatakutin. Walang masamang mangyayari sa kanya lalo pa't nasa loob siya ng simbahan. Hindi siya papabayaan ng Diyos.

Ang kapal ng mukha mong pumasok sa simbahan. Kriminal ka!

Nanlaki ang kanyang mga mata nang marinig ang pamilyar na boses na iyon ng isang babae. Iginala niya ang paningin sa paligid hanggang sa nakita niya si Adriana na nakatayo sa harap ng altar. Matiim itong nakatitig sa kanya. Nandidilim ang sulok ng mga mata at maputlang-maputla ang tila naaagnas na mukha. Malayo na ito sa glamurosang Adriana na nakilala niya. Ang dalagang kaharap niya ngayon ay sobrang nakakatakot tingnan. Isa na itong kaluluwa na binabalot ng kadiliman. Isang espiritung puno ng poot.

"Adriana... patawarin mo ako," umiiyak niyang wika. "Hindi ko ginusto ang nangyari. Hindi ko sinasadya."

Sinungaling!

Sa pagkakataong iyon ay tinig naman ng isang matandang babae ang narinig niya. Naramdaman niya ang isang malamig na hanging dumampi sa kanyang batok. Nang lumingon siya sa kanyang likod ay nakita niya ang nakakatakot na mukha ng kaluluwa ni Donya Constancia. Sobrang lapit ng mukha nila sa isa't-isa kaya naaamoy niya ang nakasusulasok na amoy nito.

Napaatras siya sa takot subalit nawalan ng balanse kaya napaupo sa sahig.

Demonyo ka, Martina! Pinatay mo kami! Hindi ka nararapat dito sa loob ng simbahan! Hindi ito ang lugar para sa isang demonyong katulad mo! sigaw ni Adriana sa nakakapanghilakbot na boses.

Umalis ka dito, demonyo! Mahiya ka sa Diyos! Mamamatay-tao! dagdag naman ni Donya Constanica na muling pinaglapit ang kanilang mga mukha.

Madre MartinaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon