Chapter One

35.4K 611 53
                                    

"HAAAYYY..." malakas na buntong-hininga ni Zyren habang yakap ang isang throw pillow. Nakatutok ang kanyang mga mata sa telebisyon. "So sweet. Haaayyy uli."

"Hoy!" untag sa kanya ng pinsan niyang si Maira. Nakaupo ito sa carpeted floor at may kung anong sinusulat. Marahil ay may kinalaman iyon sa trabaho nito bilang bookkeeper sa isang accounting firm. "Kanina ka pa bumubuntong-hininga riyan. Baka maubusan ka na niyan ng hangin sa baga."

"Eh, kasi naman, ang ganda-ganda nitong pinapanood kong Koreanovela."

"Sa tingin ko nga. Dahil kaninang umaga mo pa pinapanood 'yan. Magtu-twelve hours ka nang nakatunganga riyan, ah."

"Hindi kasi ako makapaghintay sa TV. Masyadong mabagal. Lagi tuloy akong bitin." Kaya nga nang minsang gumala siya ay talagang sinadya pa niya ang Quiapo para bumili ng pirated DVD copy ng My Girl. "Pero, Maira, ang guwapo talaga ni Julian Seol, 'no? Wala siyang pangit na angle. Perfect ang kanyang face. Haaayyy... Gusto ko rin ng ganyang klase ng lalaki. So masungit yet so sweet."

"Weird ka rin, ano? Kasi, weird din ang taste mo sa lalaki." Ibinalik na nito ang mga mata sa ginagawa. "Kunsabagay, mas cool nga ang mga weird. Hindi sila boring. Lagi kang tatawa dahil para silang clown. Kayo pala."

"Naiinggit ka lang, kasi you're so boring." Tinapik niya ang mga papel na sinusulatan nito. "Wala kang ibang inatupag kundi numbers."

"At least, may boyfriend ako. Eh, ikaw?"

"My spirit and soul are already attached to that special someone of mine."

"Spirit and soul? You mean, kaluluwa na lang siya, gano'n?"

Binatukan niya ito. "Bakit ba masyado kang kontrabida sa buhay ko? Iyang mga numero mo na lang ang asikasuhin mo. Hayaan mo akong mangarap dito."

"Eh, nag-aalala lang naman kasi ako sa 'yo, pinsan. Baka mamaya, sa kakahanap mo ng perfect guy, tumandang dalaga ka. Walang perfect sa mundong ito, 'no."

"Hindi naman perfect ang hinahanap ko, ah." Nilingon niya ang telebisyon at napangiti. "Iyong kagaya lang ni Mr. Seol."

"Kahit sa Korea, wala kang mahuhukay na ganyang tao."

"I'm free to hope. And to dream."

Umiling-iling ito. "Hay, naku, mukhang kailangan mo na ngang magka-boyfriend. Napapraning na kasi ako sa 'yo. Pagdating mo sa Canada, ang unang-una mong gawin ay maghanap ng boyfriend, ha? Para naman tumino-tino ka na."

"Matino naman ako, ah." Bumuntong-hininga uli siya nang i-focus ng camera ang guwapong mukha ng bidang lalaki. Napasigaw siya nang impit nang halikan nito ang bidang babae. "Mr. Julian Seol, anakan mo ako!"

"Zyren Feliciano, you're so gross!" tila nandidiring wika ni Maira.

"Heh! Huwag mong sirain ang concentration ko."

"Ay, ewan!" Iniligpit nito ang mga gamit nito. "Magpakalunod ka riyan sa mga Koreanese mo at ako'y makiki-reconnect na uli sa mundo."

"Anong Koreanese?"

"Eh, di mga mamamayan ng Korea. Katulad ng Japanese, Vietnamese, Chinese, at Singaporeanese."

Binato niya ito ng isang piraso ng potato chips na naging kaulayaw niya sa panonood ng Koreanovela. "Ang corny mo. Sige na, maki-reconnect ka na sa corny ring mundo ninyo."

"Baka gabihin kami ni Jason kaya ikaw na ang bahala kung ano ang gusto mo para sa dinner."

"Gusto ko ng lalaki."

"Gaga!"

Tatawa-tawang itinutok uli niya ang mga mata sa pinapanood.

Mayamaya ay napabuntong-hininga siya. Kailan nga kaya siya magkaka-boyfriend? Mas bata sa kanya nang isang taon si Maira pero nakakailang boyfriends na ito. Samantalang siya, kahit isa ay wala. Sa isip niya ay marami siyang lalaki. At lahat ng mga ito ay sinasamba siya. Pero sa isip lamang niya ang lahat ng iyon.

Ang sabi ni Maira ay abnormal daw siya dahil pulos siya imahinasyon lang. Ano ang magagawa niya? Sa talagang walang dumarating na lalaking nagugustuhan niya. May mga nanligaw rin naman sa kanya pero wala siyang nagustuhan sa mga ito. Ayaw naman niyang pilitin ang kanyang sarili para lamang masabing may boyfriend siya. Idealistic siya. Gusto pa rin niya ng true love at happy ending. Gusto niyang maramdaman ang pakiramdam ng totoong nagmamahal. Gusto niyang maranasan ang mga nararanasan ng mga babae sa mga Koreanovela na napapanood niya. At kapag nagpakabait siya, baka sakaling pati ang pagmamahal ng lalaking iyon ay iregalo na rin sa kanya ni Lord.

In the meantime, maghihintay na muna siya at maghahanap-hanap din ng kanyang naliligaw na Prince Charming. Bata pa naman ang twenty- seven years old. Mayroon pa siyang tatlong taon para tuluyang masabing matandang dalaga siya.

Pumunta kaya siya sa South Korea? Baka may matisod siya roon na guwapo slash mayaman slash slightly troubled man na nangangailangan ng pagmamahal ng isang weirdo na gaya niya.

Napangisi siya sa naisip. Why not, coconut? There's no harm in trying.

"Mr. Seol, here I come!" She paused the DVD player when she felt the cramps on her abdomen. "Lintik na period ito! Istorbo sa pagnanasa ko!"

Nagamit na niya ang huling sanitary napkin niya kanina kaya ngayon ay kailangan pa niyang bumili. Malapit lang naman ang convenience store sa subdivision nila pero istorbo pa rin ang pagtungo roon. Pero hindi na bale. Bibilisan na lamang niya. Ayaw naman niyang matagusan siya.

Maganda at maaliwalas ang subdivision na iyon. Doon siya naligaw—sa bahay ng pinsan niya roon—nang iwan niya ang inuupahang apartment sa Makati nang magbitiw siya sa trabaho. Para nga naman makatipid siya habang inaayos ng kanyang mga magulang sa Canada ang mga papeles niya dahil ipepetisyon na siya ng mga ito. OFWs ang kanyang mga magulang. Hindi pa man siya nagkakaisip noon ay iyon na ang trabaho ng mga ito.

Seven years ago ay kinuha na ng kanyang mga magulang ang dalawang kuya niya. Naiwan siya dahil nag-aaral pa siya. Dapat ay aalis na siya nang magtapos siya sa kolehiyo pero hindi rin natuloy. Nawili kasi siya sa pagtatrabaho bilang supervisor sa food and beverages department ng isang malaking hotel sa Makati.

Pumayag lamang siya ngayon na magpunta sa Canada dahil kinokonsiyensiya na siya ng kanyang mga magulang. Baka raw mamatay na lamang ang mga ito ay hindi pa siya nakakasama ng mga ito. Dahil malambot ang kanyang puso, bumigay naman siya. Ngayon ay hinihintay na lamang niya ang kanyang visa para makaalis siya. Balak niyang kunin si Maira kapag naroon na siya. Pangarap din kasi nitong makapagtrabaho sa ibang bansa.

Napakunot-noo siya nang makita na naman niya ang pinakamalaking bahay sa subdibisyong iyon. Iyon agad ang unang napuna niya nang mapadpad siya sa subdibisyong iyon. Malalaki at magaganda ang ibang mga bahay roon pero hindi tulad ng isang ito ang mga iyon. Exaggerated na kasi ito. Kung mayroong salitang "malapalasyong mansiyon," bagay na bagay na panlarawan iyon sa bahay na iyon. Ang ipinagtataka niya, sa laki niyon ay wala pa siyang makitang ibang tao roon kundi mga unipormadong katulong at mga guwardiya.

"May-ari ng pinakamalaking construction and development firm ang may-ari n'on. Siya rin ang may-ari ng subdivision na ito," sagot ni Maira nang tanungin niya ito tungkol doon.

Sa kabila ng mga nalaman niya, para sa kanya ay hindi dapat ganoon kalaki ang bahay na ipinatayo nito. Hindi kasi iyon bagay sa lugar na iyon. Pakiramdam niya ay minamaliit ng may-ari ng bahay na iyon ang ibang residente roon.

Kaya naman nang mapadaan siya sa mataas na gate niyon ay palihim na pinindot niya ang doorbell, saka siya kumaripas ng takbo. Wala lang. Gusto lamang niyang iganti ang mga residente roon sa mapangmatang may-ari ng malaking bahay.

I Love You, I Love You Not... I Love You A Little, I Love You A Lot (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon