Chapter Sixteen

11.8K 335 28
                                    

HINDI na nakapaghintay si Zyren ng kinabukasan. Nang araw din na pinuntahan siya ni Konrad sa bahay nila ay nagbalik siya sa mansiyon nito. Isasapuso na niya ang kanyang motto na ie-enjoy niya ang bawat minutong kasama niya ito.

Natuwa ang mga katulong nang makita siya.

"'Buti at bumalik ka. Ang lungkot dito no'ng mawala ka, eh."

"Oo nga. Walang maingay."

"At wala kaming tagapagtanggol."

"Sus! Kayo talaga, nawala lang ako nang isang araw, naging madrama na kayo." Nilingon niya ang mayordoma. "Manang Sara, nandito na naman ang pinakamakulit ninyong alaga."

"Oo nga, eh. Maligayang pagbabalik, hija."

"Eh, Zyren, magtatrabaho ka na uli rito kahit hindi ka naman pala totoong katulong?"

"Wala akong trabaho ngayon. Ito lang. Kaya totoo na akong katulong. So, ano'ng agenda natin ngayon?"

"Heto nga, namomroblema kami. Hindi kasi namin alam kung paano namin ibibigay kay Sir ang regalo namin."

"Regalo?"

"Birthday ni Sir Konrad ngayon. Kaya lang, ang lukaret na Yvonne na 'yon, tinangay na naman sa kung saan ang amo natin."

"Gano'n ba? Ise-celebrate ba nila ang birthday ni Konrad?"

"Hindi. Dahil hindi naman nagse-celebrate ng birthday niya si Sir Konrad."

"Bakit?" napakunot-noong tanong niya.

Nagkatinginan ang mga katulong, na tila ba humihingi ng kumpirmasyon sa isa't isa kung sasabihin sa kanya ang alam ng mga ito o hindi.

"Sabihin n'yo na," pangungulit niya. "Ipinagtanggol ko naman kayo kay Yvonne, ah. Hindi pa ba tayo close n'on?"

Kay Manang Sara naman tumingin ang mga katulong.

"Sige, ako na ang magsasabi," wika ni Manang Sara. "Sabay kasing namatay sa isang aksidente ang asawa at anak ni Sir Konrad."

"Ho? Dating may pamilya si Konrad?"

"Oo. Walong taon na ang nakalipas mula nang mangyari ang trahedyang iyon. Pero hanggang ngayon, nagluluksa pa rin siya."

Bumalik sa alaala niya ang reaksiyon ni Konrad nang mahawakan niya ang isang lumang teddy bear sa kuwarto nito. Kaya pala ganoon na lamang ang galit nito sa kanya. He must have thought she was going to throw away the only thing that reminded him of his child. Iyon din marahil ang dahilan kaya mahilig ito sa madilim na silid.

"Kaya tuwing kaarawan niya, nagpupunta siya sa kung saan-saang party para pansamantalang kalimutan ang pait na hatid ng araw na ito."

"Nakakaawa naman pala siya. Kaya naman pala gano'n na lang siya kasungit minsan."

She wanted him to feel better. Iyon agad ang pumasok sa kanyang isip nang malaman niya ang parteng iyon ng pagkatao nito. Handa siyang gawin ang lahat. Kaya lang, paano niya gagawin iyon kung wala naman siyang puwang sa puso nito?

"Nagbago lamang siya mula nang dumating ka rito, Zyren," wika ni Anita. "Mas marami na siyang ipinakitang emosyon kaysa dati na laging seryoso at malungkot."

"Oo nga, 'no?" sang-ayon ni Rosita. "Ngayon ay marunong nang magalit si Sir Konrad. Marunong na rin siyang mang-asar at mainis."

"Parang hindi yata naging maganda ang impluwensiya ko sa kanya, ah. Puro negatibo kasi ang mga sinabi ninyo."

"Hindi," sabi ni Manang Sara. "Ang totoo, mabuti iyon para kay Sir Konrad. Ang ibig sabihin kasi n'on, marunong pa rin siyang makaramdam."

"Kaya kunin mo siya kay Yvonne, Zyren!"

"Oo nga. Kayang-kaya mo siyang agawin sa bruhang iyon. Natutuwa sa iyo si Sir Konrad. Nakita namin kung paano ka niya na-miss nang hindi ka umuwi kahapon."

Na-excite siya sa sinabi ng mga ito. "Talaga? Na-miss niya ako?"

"Oo. Maya't maya niyang itinatanong sa amin kung dumating ka na raw. Tinanong din niya kami kung sino ang nakakaalala ng cell phone number mo."

Lalo siyang kinilig. "Sige, ano pa?"

"Sa tingin namin, may gusto siya sa 'yo."

Nais sana niyang i-indulge ang kanyang sarili sa mga ilusyong iyon ngunit nagpigil siya. Tama na ang nalaman niya mula sa mga ito na hinahanap din pala siya ni Konrad noong mga panahong iniisip niya kung naiisip din siya nito.

"Agawin mo siya kay Yvonne, Zyren. Hindi sila bagay ng babaeng iyon. Ipandi-display lamang niya si Sir Konrad."

"What? Ano'ng palagay niya sa bebeh ko? Figurine?"

May nag-abot sa kanya ng isang sobre. Invitation iyon para sa isang party. "Naiwan 'yan ni Sir kanina. Sa palagay ko, diyan sila pupunta ni Yvonne. Puntahan mo 'yang lugar at kunin mo si Sir kay Yvonne. Ilayo mo siya sa impaktang 'yon."

Sinipat niya ang invitation card. Nakilala niya ang hotel na pagdarausan ng party. Doon siya dating nagtatrabaho.

"Sige. Ako'ng bahala."

Payag siyang mapunta kay Yvonne si Konrad kung talagang mahal nito ang binata. Pero hindi siya papayag na gawin lamang itong accessory ng babaeng iyon. Ipapaintindi niya iyon kay Konrad.

I Love You, I Love You Not... I Love You A Little, I Love You A Lot (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon