Chapter Five

11.9K 360 45
                                    

PINANGARALAN ni Zyren ang kanyang sarili habang nakatayo siya sa labas ng study room kung saan naroon si Konrad.

Bawal ang dumaldal. Bawal ang maingay. Bawal ang pork. Bawal ang hipon. Napangisi siya sa ka-corny-han ng joke niya.

Kumatok na siya sa silid. "Sir Konrad, si Zyren na maganda po ito."

Walang sumagot. Kumatok uli siya at nagsalita subalit nanatiling tahimik. "Hala, ano na ang nangyari sa irog ko?"

Nang mainip ay binuksan na niya ang pinto. Baka abala ito sa panonood kaya hindi siya naririnig nito. Hihingi na lamang siya ng paumanhin dito.

Agad na nakita niya ang dahilan kung bakit hindi sumasagot ang bugnuting sinisinta niya. He was fast asleep on the couch. Nakabukas pa rin ang telebisyon at hawak nito ang remote control. Lumapit siya, maingat na kinuha rito ang remote control, at pinatay ang TV. Mayamaya ay pinagmasdan niya ito. Tinutop niya ng kamay ang kanyang bibig upang hindi siya makagawa ng anumang ingay.

"Ang guwapo mo talaga!" impit na sambit niya. "Para kang natutulog na anghel. Ang kinis ng kutis mo. Ang tangos ng ilong mo. At ang mga labi mo, parang ang sarap-sarap halikan. Hmm!"

Tulog man o gising ay perpekto ito para sa kanyang ekspertong mga mata. Pero alam niyang hindi lamang ang pisikal na anyo nito ang nakakuha ng atensiyon niya. May natural na kabaitan ito sa katawan dahil na rin sa ginawa nitong pagtulong sa kanya noong nakaraang araw nang matagusan siya sa convenience store.

"Bakit kaya hindi mo ako nakilala? Ha? Ako lang naman ang magandang nilalang sa convenience store nang gabing iyon. Madali mong matatandaan ang hitsura ko."

Inilapit niya ang kanyang mukha rito upang mas mapagmasdan niya ang guwapong mukha nito. "Pero mabuti na rin siguro na hindi mo ako natatandaan. Kasi baka hindi ako nakapasok dito kung gano'n nga ang nangyari. Paano ko pa maipapakita sa iyo ang mga good traits ko, 'di ba?"

Sa pakiwari niya ay nalusaw ang kanyang puso nang ngumiti ito. He must be dreaming something good. Or he must be dreaming about her.

"Ang guwapo ng Prince Charming ko!" impit na tili niya. "Naiiyak na ako. Ang suwerte ko. Thank You, Lord."

Napaurong siya nang kumilos ito. Pinilit niyang gawing pormal ang kanyang mukha nang dumilat ito.

"What are you doing here?"

Masungit pa rin ito. Subalit walang makakasira sa kanyang mood kapag ito ang concerned. Kaya nga kahit halos tila bubugahan na siya nito ng apoy ay napapangiti pa rin siya. Ganoon katindi ang epekto nito sa kanya.

"Tatanungin ko lang sana kung puwede ko nang ayusin ang kuwarto mo, Sir. Ang sabi kasi ni Manang Sara—"

Bumangon ito mula sa kinahihigaan nito at lumapit sa kanya. Hindi ito huminto kaya napilitan siyang umatras. Umatras siya nang umatras hanggang sa mapasandal siya sa malamig na pader ng study room. He extended his arm on the side of her head, making the space between them even closer. Wala siyang naramdamang anumang takot ngunit malakas at mabilis ang tibok ng kanyang puso. Nahaluan pa iyon ng kakaibang excitement.

Sa sobrang rambulan ng mga bagong emosyon na iyon sa kanyang sistema, ang tanging nagawa na lamang niya ay mapangiti.

Kung pagsasamantalahan siya, eh, di go! Ngunit malayo sa pagnanasa ang mga sumunod na sinabi nito.

"Alam mo bang pumapatay ako ng mga taong nang-iistorbo sa tulog ko?"

"Ngayon ay alam ko na. Sige, paalam—"

"Hindi rin ako nagpapalagpas ng mga tauhan na hindi marunong gumalang sa kanilang mga amo."

"Magalang po ako."

"Lalong-lalo na 'yong mga taong nagsasalita nang hindi naman pinagsasalita."

Kinagat niya ang ibabang labi upang maiwasan niyang magsalita. Naniniwala kasi siya sa kasabihang "asarin mo na ang lasing, huwag lamang ang bagong gising."

Mukhang na-pacify naman ito dahil tinitigan na lamang siya nito. At kung hindi siya nagkakamali, sa mga labi niya ito nakatingin. Susuntukin ba siya nito sa mga labi? Napapikit siya nang kumilos ito.

"Sir, dahan-dahan lang, ha? Mahina ang tolerance ko sa sakit, eh." She could feel his hot breath against her ear now. "Saka, Sir, sa tiyan mo na lang ako suntukin. Puro bilbil lang naman 'yan. Huwag sa lips. Best asset ko kasi 'yan." Napangiwi pa siya sa anticipation sa maaaring kasapitan ng kanyang kagandahan sa kamay ng kanyang sinisinta.

Ngunit napagod na siya sa paghihintay ay wala pa ring nangyayari sa kanya. Ni pitik sa ilong ay wala siyang naramdaman. Kaya unti-unti siyang dumilat. Wala na sa harap niya si Konrad. Nakabalik na uli ito sa couch na kinahihigaan nito kanina. Nakapatong ang isang braso nito sa noo nito at nakapikit ito. Kailan pa ito nakaalis sa harap niya?

"Linisin mo na ang kuwarto ko," sabi nito nang hindi man lang siya nililingon. Base sa hitsura nito nang mga sandaling iyon, parang walang kakaibang nangyari sa kanila. "Ilapat mo nang dahan-dahan ang pinto."

"Yes, Sir. Eh, Sir—"

"Leave, Zyren."

"Yes, Sir." Dahan-dahang naglakad siya patungo sa pinto upang hindi siya makagawa ng ingay.

Pero hindi pa rin niya naiwasang tanungin ang sarili. Talaga bang nangyari ang eksena kung saan pinagnasaan siya nito? O bunga lamang iyon ng kanyang malikot na imahinasyon?

Gaga! Ilusyon mo lang'yon. Ang lakas mo kasing lumaklak ng kape, anang isang maliit na tinig sa kanyang isip. Baka nga.

Sa kabila niyon, hinayaan pa rin niya ang kanyang sarili na namnamin ang eksenang iyon, ilusyon man iyon o hindi.

I Love You, I Love You Not... I Love You A Little, I Love You A Lot (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon