Chapter Four

13.5K 361 12
                                    

"STAY in ang lahat ng kasambahay rito. Madalas kasi at biglaan kung magkaroon ng mga bisita at okasyon dito ang amo natin. Kaya dapat na lagi kang handa. Kung suweldo ang pag-uusapan, wala kang magiging problema. Malaking magpasuweldo si Sir basta gawin mo lang nang maayos ang trabaho mo."

Habang nagsasalita ang mayordomang si Manang Sara ay panay ang paggala ng mga mata ni Zyren sa maluwang at enggrandeng loob ng malapalasyong mansiyon. Pero wala sa mga antigo at mamahaling kagamitan doon ang atensiyon niya.

Nasaan na kaya ang irog ko?

Nang makausap niya ang maid kanina sa labas ng gate ay mangiyak-ngiyak ito dahil napagalitan daw ito ng amo nito. Inalo niya ito kaya nang magpatulong siya na mag-apply bilang katulong ay agad na pumayag ito. Nagpaalam siya rito, saka umuwi na. Pagdating doon ay nag-empake siya ng mga gamit na dadalhin niya sa mansiyon. Nagulat ang maid nang makita nitong may bitbit siyang traveling bag. Ikinuwento niya ritong tinakasan niya ang kanyang amo na nagmamaltrato sa kanya. Hindi naman na nagtanong ito at tinanggap na lamang ang paliwanag niya.

"Sa mga guest room ang toka mo dahil iyon ang trabahong iniwan ni Aurelia," patuloy ni Manang Sara. "Ibig sabihin, kasama na rin doon ang kuwarto ni Sir Konrad."

Konrad? "Sino hong Konrad?"

"Sir," pagdidiin nito sa salita. "Sir Konrad. Huwag mong kalilimutan iyon. Mahigpit ang amo natin sa rules and regulations niya rito sa loob ng bahay."

"So, si Sir Konrad ho ang amo natin? 'Yong guwapo?"

Lalong sumeryoso ang mukha ni Manang Sara. Naisip niyang kung ngingiti siguro ito nang kaunti ay magiging mabait ang hitsura nito. Ito ang tipo ng lolang lalapitan ng mga bata. Kaso, sa hitsura nito nang mga sandaling iyon, kahit siya na beinte-siyete anyos ay mangingilag dito. Lalo na tiyak ang mga bata. But she looked harmless enough kaya hindi siya gaanong naapektuhan sa paninindak nito.

"Kung nag-a-apply ka lang sa trabahong ito dahil sa amo natin, ang mabuti pa ay huwag mo nang ituloy. Maaari ka nang umalis."

"Ho?" Pinalalayas na siya agad nito gayong hindi pa nga niya nakikita uli ang kanyang irog. Hindi maaari! "Naku, hindi naman ho sa gano'n. Nakita ko lang ho kasi 'yong guwapong lalaki na sakay ng Mercedes-Benz kanina sa labas. Kaya ho tinatanong ko kayo kasi baka ho may iba pang amo rito."

Mukhang bumenta na naman ang alibi niya dahil kuminis na uli ang noo nito.

"Sumunod ka sa akin," sabi nito.

"Saan ho tayo pupunta?"

The older woman grunted. Tila sa pamamagitan niyon ay nais nitong iparating sa kanya na sumunod na lamang siya rito at huwag nang maraming tanong. Kaya sumunod na nga lang siya at baka tuluyan pang mabulilyaso ang plano niyang makilala nang personal ang kanyang kapalaran.

"Lahat ng mga bagong pasok na empleyado ni Sir Konrad ay nagpapakilala sa kanya nang personal."

"Ano ho?" Anak ng pating! Hindi siya prepared. Ni wala siyang lipstick. "Bakit hindi ho ninyo sinabi agad?"

"Dapat ay alam mo na iyon. Hindi ba at nakapagtrabaho ka na rin naman bilang katulong? Meron bang kasambahay na hindi nagpapakilala sa kanyang amo?"

Napangiti siya. "Eh, sabi ko nga ho."

Hindi na ito nagsalita.

Huminto sila sa tapat ng isang saradong pinto. Kinagat-kagat niya ang kanyang mga labi at tinampal-tampal ang kanyang mga pisngi para kahit paano ay magkaroon ng kulay ang kanyang mukha.

I Love You, I Love You Not... I Love You A Little, I Love You A Lot (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon