FF 20

111 5 0
                                    

Christine’s POV:

 

Nasaan ako?

Mariin kong pinagmasdan ang paligid.  Magulo iyon.  Maraming gamit.  Nasa isang kwarto ako.  Paano ako napunta rito?

May mga taong nagsidatingan.  Hindi ko maalala ang mga pangalan nila, pero alam ko sa sarili ko na kilala ko sila.

Isa-isa ko silang pinagmasdan.  Nagkakasiyahan sila.  Sila yung mga naging kaklase ko noong nasa highschool pa lamang ako.  May reunion ba?  Bakit hindi ko matandaan kung paano ako napunta rito?

Napadako ang tingin ko sa pigura ng isang lalaki na kararating lamang.  Kilalang-kilala ko siya, at hindi ako magkakamali roon.  Si Max.

Napadako rin ang tingin nito sa akin.  Ipinagtaka ko ang pagkakakunot ng noo nito.  Tila’y tinititigan ako nito nang may galit.

Lumapit si Max sa akin.  Mahigpit nitong hinawakan ang dalawang braso ko.  Nanlilisik ang mga mata nito.  Pakiramdam ko ay hindi ako makahinga dahil sa nararamdaman ko.

Hindi ako natatakot sa inaasal niya.  Dahil sa paraan nito ng pagtitig ay mas nakitaan ko iyon ng sakit.  Bakit?

 

“Totoo ba?!” tanong nito sa akin.

 

Naguguluhan na talaga ako sa mga nangyayari.  Lumingon ako sa paligid.  Hindi sila nakatingin.  Tila ba’y hindi nila naririnig ang pagsasalita ni Max.

 

Pinukol kong muli ang atensyon ko kay Max.  “A-ano bang pinasasasabi mo diyan?  Hindi ko maintindihan.”

“Totoo ba?!”

 

Unti-unti nang lumalabo ang mga mata ko.  Naguguluhan pa rin ako.  Paulit-ulit niyang itinatanong iyon sa akin.

 

“Ano ba talaga ang ibig mong sabihin, Max?  Hindi ko kasi talaga maintindihan ang sinasabi mo.”

“Totoo ba?!” pag-uulit muli nito.

 

Unti-unti nang kumawala ang mga luha sa aking mata.  Hindi ko alam ang nangyayari, pero nasasaktan ako, dahilan para mapahagulgol na ako nang tuluyan.

Pilit kong inagaw ang braso braso ko sa pagkakahawak ni Max doon.  Nang magtagumpay ako ay tumakbo ako papunta sa sulok ng kwartong iyon.  Doon ko inilabas ang sakit ng nararamdaman ko.  Nakaramdam din ako ng awa para kay Max.  Halo-halo na iyon.  Hindi ko na maintindihan.

May humawak sa balikat ko.  Nilingon ko iyon.  Si Kimmy pala.  Nakatingin ito nang may pagtataka sa akin.

 

“Anong nangyari sa’yo, Thine?  Bakit ka umiiyak?”

Napayakap ako sa kaniya.  Patuloy pa rin ang paghagulgol ko habang nakapikit ang mga mata ko.  “H-hindi ko…alam…Kimmy.  Si…si…Max…masakit…Kimmy.  T-tulungan mo…ako.  Hindi…ko kaya.  Masakit…na.”

“Ssshhh…tama na.  Wala kang kasalanan.”

 

Idinilat ko ang mga mata ko para harapin si Kimmy, ngunit ang sumalubong sa akin ay ang sinag ng araw mula sa labas ng kwarto ko.

Hinahabol ko pa rin ang paghinga ko.  Napahawak ako sa pisngi ko.  Basa iyon.

Hindi ko maintindihan ang pakiramdam ko.  Patuloy parin ang paghagulgol ko.

Tila ba totoo ang panaginip na iyon.

 

***

 

Pumunta ako ng computer shop malapit sa amin.  Buti naabutan kong online si Kimmy kaya nagmessage ako sa kaniya.  Kailangan ko ng makakausap ngayon.  Hindi ko makalimutan ang panaginip na iyon.

Naghintay ako, pero hindi siya nagreply.  Baka busy iyon.  Sa susunod na araw nalang.

Nagbasa nalang ako ng messages.  At siyempre, meron na namang galing kay Migz.

 

You missed a call from Migz…

 

Pwede na palang tumawag sa facebook ngayon?  Bakit hindi ako na-inform?  Lagi pa naman akong walang load sa cellphone.  Pwede naman pala.

 

Christine Chua:  ??

 

Hindi ko alam ang sasabihin ko e.  Iyan nalang.  Bahala siya diyan.  Tse.

 

********************

 

Pat

Facebook FlirtingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon