"Ang daya naman eh...wala namang ganyang word." Reklamo niya habang naglalaro sila ng scrabble. Limang buwan na matapos silang maging magkaibigan, 4th year high school na sila ngayon, katulad ng dati magkakakaklase pa rin sila. Madalas itong pumunta sa bahay nila, minsan kasama sina Fred at Maja, minsan naman mag-isa lang ito. Katulad nalang ngayon, mag-isa itong pumunta sa kanila, may pinuntahan daw kasing family reunion yung dalawa. Sabado ngayon kaya walang pasok, naisipan nilang mag-laro ng scrabble, wala kasi silang maisip na ibang magandang gawin.
"anong wala? Meron...tingnan mo pa sa dictionary." Sagot ni Gerald sa kanya.
"o sige nga kung talagang meron, anong ibig sabihin niyan?" tanong niya dito.
"hmmm...ano..." sabi nito habang ang mga mata'y nakatingin sa taas. "ano...hmmm...ewan nakalimutan ko na basta merong word na ganyan." Patuloy nito. Napatingin naman siya sa pinto ng may magsalita.
"Good afternoon sweetheart..." ang daddy niya.
"oh...hi Dad!!!" lumapit siya sa ama saka humalik sa pisngi nito.
"tito, good afternoon po..." bati naman ni Gerald dito saka nakipagkamay.
"kaya pala nasa gate palang ako dinig ko na ang boses nitong si Sarah, yun pala andito ka..." sabi nito kay Gerald. "asan mommy mo?" tanong sa kanya ng ama saka umupo sa sofa.
"Nasa kitchen po, gumagawa ng meryenda kasama si ate." Umupo siya sa sofa katapat ng daddy niya tumabi naman sa kanya si Gerald. "kasi naman Dad, ang daya-daya, ang hilig mag-imbento..." sumbong niya sa ama.
"Sus, di mo lang matanggap na talo ka." Sabi sa kanya ni Gerald sabay pisil ng ilong niya.
"ehem...nandito ang tatay baka nakakalimutan." Ang daddy niya.
"Ay sorry po tito..." nahihiyang paumanhin nito sa daddy niya sabay takip ng throw pillow sa mukha. Napangiti naman si Sarah ng makitang namumula ang mukha ng binata.
"Siyanga pala Dad, bakit ang aga niyo? 3:00 palang ahh..." tanong niya sa ama.
""Na miss ko mommy niyo eh..." sabi nito ng nakangiti.
"Ayieee...si daddy cheesy..." tukso niya sa ama.
"asus...ikaw nga diyan eh..." sabi sa kanya ng ama, napakunot noo naman siya "Anong ako?" tanong niya sa sarili. Nakita niyang tumingin ang daddy niya kay Gerald. "Matanong nga kita iho, nanliligaw ka ba sa anak ko?" derechong tanong nito sa binata, nakita niya kung pano namula ang mukha at tenga nito. Maging siya ay namula sa tinanong ng ama.
"Dad!!!" saway niya dito ngunit hindi siya nito pinansin.
"Baka akala mo hindi ko napapansin ang mga titig mo sa anak ko, kung natutunaw lang siguro yan, matagal na yang natunaw. Akala mo rin hindi ko napapansin na madalas kang pumunta dito. Natutuwa rin naman ako sa ginagawa mo, sabi ko nga sa mga yan kung may manliligaw man sa kanila gusto ko dito sa loob ng bahay. Ayaw ko silang makita sa kung saan saang kanto diyan na nakikipagligawan. Hindi na rin naman sila bumabata, alam kong darating ang panahon na magkaka asawa at magkaka anak ang mga yan. Darating ang panahon na hindi nalang ako ang lalake sa buhay nila. Gusto kong malaman mo na Masaya ako sa kung ano mang meron kayo nitong anak ko, ipangako mo lang na aalagaan at hindi mo sasaktan itong prinsesa ko. Ayaw kong makitang umiiyak yan, o kahit na sino man sa kanilang dalawa ng ate niya. Ano iho? Maipapangako mo ba na aalagaan mo tong prinsesa ko? Maipapangako mo ba na siya lang ang mamahalin mo at wala ng iba? Aba kailangan kong makasigurado na walang kaagaw tong anak ko. Sa itsura mong yan, tiyak na maraming babae ang umaali-aligid sayo." Mahabang sabi ng daddy niya dito. Tahimik lang naman itong nakikinig.
"Don't worry tito promise aalagaan ko po ang prinsesa ninyo..." sabi nito sa daddy niya sabay taas ng kanang kamay na animoy nanunumpa.
"Tumigil nga kayong dalawa..." saway niya sa mga ito. Kanina pa siya namumula sa mga pinagsasasabi ng daddy niya. "ano ka ba Dad, ni hindi nga nanliligaw sakin tong si Gerald kung makapagbilin naman kayo daig ko pa ang mag-aasawa. Hello, Dad, remember? 15 pa lang po ako...eto namang si Gerald may pa promise promise na nalalaman." Sabi niya.