CHAPTER ONE

22.2K 252 6
                                    


"THANK you," nakangiting wika ni Andrea sa saleslady pagkatapos nitong iabot sa kanya ang isang kahon ng special cake na in-order niya. Masaya siyang lumabas ng Casey Café bitbit ang cake, saka sumakay sa kotse. Excited na siyang makita ang reaksiyon ng taong pagbibigyan niya ng cake. Alam niyang matutuwa ito.

Sinipat ni Andrea ang wristwatch. Four-thirty PM pa lang. Maaabutan pa niya ang lalaki sa university. Huminga siya nang malalim para kontrolin ang kasabikan sa dibdib, saka pinaandar ang kotse.

Pagdating sa destinasyon, maingat na ipinarada ni Andrea ang kotse sa parking lot ng Benedictus University, ang eskuwelahang pinasukan niya noong college at kung saan nakilala niya ang taong pinakamamahal niya ngayon.

Sinipat niya ang sarili sa rearview mirror, inayos ang maayos nang bangs; nag-apply ng kaunting lipstick, saka bumaba ng kotse, bitbit ang kahon ng cake.

Pakanta-kanta siya habang naglalakad sa corridor papunta sa opisina ng lalaking kanyang sinisinta. Sa tapat ng isang pinto, huminga siya nang malalim bago pinihit ang seradura.

"Happy birthday!" masayang bati ni Andrea pagbukas niya ng pinto at nakataas pa ang kahon ng cake. Pero agad na napalis ang ngiti niya nang makita ang lalaki na may kausap sa cell phone.

Saglit lang na tumingin ito sa kanya bago muling ibinaling ang atensiyon sa kausap. "Yes, pauwi na ako... okay, 'bye." Itinago nito ang cell phone sa bulsa, saka muling itinuloy ang ginagawang pagliligpit sa mga gamit na nasa mesa.

Nilapitan niya ang lalaki. "U-uuwi ka?"

Tiningnan siya nito, saka nginitian. "Kailangan kong umuwi nang maaga. Hinihintay ako ng asawa ko," sabi nito habang patuloy na inililigpit ang mga gamit.

"P-pero... Hindi ba..." Nagbuga siya ng hangin. "Erik, ang akala ko ba, may usapan tayo na lalabas tayo ngayong gabi?"

Tumigil si Erik sa ginagawa at pinagmasdan siya. "Hindi ba't sinabi ko na sa 'yong hindi puwede dahil sasamahan ko ang asawa ko?"

"P-pero..." Yumuko si Andrea at nagbuga ng hangin. "Nagpa-reserve pa naman ako sa isang fancy restaurant para sa birthday mo. Pinaghandaan ko talaga 'to. Bumili pa nga ako ng cake, o," sabi niya, saka inilapag ang cake sa mesa. Nag-init ang sulok ng kanyang mga mata. "Sige. Pumunta ka na sa asawa mo. Ako na lang mag-isa ang pupunta sa restaurant. Mag-isa ko na lang na ise-celebrate ang birthday mo." Saka nakayukong naglakad na patungo sa pinto.

Iyon ang masakit sa pag-ibig. Basta na lang naramdaman ni Andrea na mahal niya si Erik, na umiibig siya sa isang pamilyadong lalaki na ngayon ay eksaktong apatnapu't walong taong gulang na. At pitong taon nang sinisinta niya si Erik. Pitong taon na siyang umaasa at nagdarasal na sana ay mahalin din siya nito.

Pitong taon na ang nakalilipas nang magpunta si Andrea sa Pilipinas para makipagsapalarang mag-isa. Napapagod na kasi siyang sumunod nang sumunod palagi sa kagustuhan ng mommy niya na may-ari ng isang fashion company sa France. Gusto niyang mabuhay sa sariling mga paa. Kaya nagpunta siya sa bayang pinanggalingan ng kanyang ina, ang Pilipinas. Bumili siya ng isang townhouse unit at nag-aral ng Mass Communication sa Benedictus University.

Isang bagong mundo ang Pilipinas para kay Andrea. Wala siyang kaibigan, walang kakilala. Iniwasan siya ng ilang kaklase niya dahil hindi siya marunong magsalita ng Filipino at dahil sa masagwang accent niya ng English.

Umiiyak siya sa isang sulok ng garden ng school nila nang isang lalaki ang nag-abot ng puting panyo sa kanya. Si Sir Erik. Ito ang instructor niya sa Foreign Language at isang PhD graduate sa UCLA. Dahil may kaalaman sa French, madali silang nagkaintindihan ng lalaki. Si Sir Erik ang naging unang kaibigan niya. Sinasamahan siyang kumain ng lunch at tinuturuan sa ilang lessons.

A CHILDHOOD PROMISE (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon