CHAPTER NINE

6.1K 131 6
                                    

TULALA pa rin si Andrea kinabukasan pagpasok sa trabaho. Iniisip pa rin niya ang sitwasyon. Paano niya sasabihin kay Misael na hindi niya nakausap ang ina at ang masaklap pa ay bumalik na ito sa France? At hindi rin sinabi sa kanya ng ina kung kailan ito babalik.

Naiinis na kinamot niya ng dalawang kamay ang ulo. "Waaah! Paano na?!"

Napapiksi si Andrea nang biglang may sumulpot na baunan sa harap niya. Nang tingalain niya ang may-ari ng brasong nakahawak pa rin sa baunan ay muntik na siyang malaglag sa upuan nang makita ang maaliwalas at nakangiting mukha ni Misael na nakatingin sa kanya.

Kumurap-kurap siya para siguruhing hindi siya namamalikmata lang. Nang tumingin siya sa paligid ay nakatulala ang mga katrabaho niya kay Misael. Kaya pala tahimik ang mga ito na hindi pangkaraniwang nangyayari, lalo na kapag lunch break.

"Hi," bati ni Misael at bahagya pang kumaway nang bitiwan ang baunan.

Tuloy ay parang gusto niyang tanungin ang mahabaging langit kung anong kabutihan ang nagawa niya para biyayaan siya ng isang anghel. Pero parang gusto rin niyang lamunin ng lupa nang maalalang may atraso siya rito.

Iwinasiwas ng binata ang palad sa harap niya.

Napakurap siya.

Nakahinga nang maluwag si Misael. "Hay! I'm glad you're still there. Ang akala ko, nag-astral projection ka na," sabi nito saka ngumiti.

"A-ano'ng ginagawa mo rito?" tanong niya.

"I'm here to tell you some good news." Bakas na bakas ang kaligayahan sa mukha nito.

Napakunot-noo siya. "Anong good news?" Hindi kaya napapayag na ni Misael ang kanyang ina? Pero malabo iyon dahil umalis ang mommy niya. At alam niyang hindi pa nakakapag-usap ang dalawa.

"I'll tell you later. Anyway, I cooked some seafood this morning. Dinalhan na kita, baka lang gusto mong tikman ang luto ko." Iniangat pa ni Misael ang baunan sa harap niya. "Mas masarap ito kaysa doon sa mga pagkain sa restaurant na kinakainan mo."

"H-ha?" Masaya sana si Andrea na makita ang binata kung hindi lang may dapat siyang iwasan dito. "P-pasensiya ka na, Misael, pero may kasabay kasi akong kakain, eh," aniya, saka tumayo. Kailangan niyang makalayo muna kay Misael at makaisip ng diskarte para sabihing hindi niya natupad ang pangako niya.

Nagtatakang tumingin si Misael sa kanya.

"H-hindi ba, Lina, sabay ta—" Nang lingunin niya ang katrabaho ay palabas na ito ng department nila, kasama ang iba pa na tila walang pakialam sa kanya. Tuloy ay sila lang ni Misael ang naiwan.

"You were saying?" kuha ni Misael sa atensiyon niya. Hinila nito ang swivel chair ni Margarette at umupo roon saka nagsimulang maghain sa mesa. "Ako mismo ang nagluto nito."

Tuloy ay walang nagawa si Andrea kundi ang mapaupo na lang at pagmasdan si Misael sa ginagawa.

"Hindi mo ba nagustuhan 'tong luto ko? I thought you liked seafoods," wika ni Misael. Nakapagbalat na ito ng hipon sa baunan na inilaan nito para kainan niya.

Napakurap si Andrea at napatingin sa binata. Parang disappointed ito. Umiling siya. "Hindi. Mukha ngang masarap 'yang niluto mo, eh."

Tumango si Misael. "Sige na, kumain ka na." Inabutan pa siya nito ng kutsara't tinidor.

"Ahm, Misael..."

"Hmm?"

"M-may sasabihin sana ako sa 'yo," sabi niya. Kailangan na siguro niyang sabihin ang tungkol sa pag-alis ng mommy niya para hindi na ito umasa pa kahit ang kapalit niyon ay ang credibility niya. Tiyak na iisipin nitong wala siyang isang salita. Hay!

Pero nang bumaling si Misael sa kanya at makita ang masayang mukha ng binata ay bigla siyang na-guilty. Alam niyang malulungkot at madi-disappoint si Misael kapag nalaman nito ang masamang balita. Hindi yata niya magagawang sirain ang maaliwalas na araw nito, lalo na sa isang guwapong gaya ni Misael.

"Ano 'yong sasabihin mo?" tanong ni Misael.

"A-ah, ano kasi... 'Y-yong tungkol sa sinabi ko sa 'yo, na kakausapin ko si Mommy tungkol sa... sa investment sa company n'yo..."

"Hmm?" Tumingin ito sa kanya na parang inuudyukan siyang magpatuloy habang ngumunguya ito.

Hay! Bakit ba ang cute mo habang ngumunguya ka?

Hoy! Nawala ka na sa sarili mo. Sabihin mo na!

Biglang napapiksi si Andrea. "K-kasi ano... si Mommy kasi, hindi ko siya nakausap kahapon. Maaga kasi siyang natulog. N-napagod siya sa biyahe kahapon. Sabi niya sa akin, mamaya na lang daw k-kami mag-usap pag-uwi ko. D-doon daw ako sa bahay niya umuwi mamaya," nakaiwas ang tinging sabi niya.

Nang sinubukan niyang sulyapan si Misael ay nakatitig lang ito sa kanya na animo pinag-aaralan siya. Tuloy ay mabilis uli siyang nag-iwas ng tingin.

Naramdaman pa niyang may malamig na pawis na tumulo sa sentido niya. Sana lang ay huwag nitong malaman na nagsisinungaling siya. Sana ay hindi pa nito alam na nakaalis na ang mommy niya.

Pagkalipas ng mahabang sandali ay tumango si Misael, saka yumuko sa pagkain. "Kung gano'n, ako na lang ang kakausap sa kanya mamaya—"

"Huwag!" mabilis na pigil niya.

Nagtatakang iniangat nito ang tingin sa kanya.

"Ahm, a-ano kasi... S-sinabi kasi niya sa akin na ayaw muna niyang m-may makausap na kahit sino ngayon. Actually, sinabi niya sa akin na sabihin sa 'yo na huwag mo siyang puntahan. Ako na lang ang kakausap sa kanya on your behalf." Shit! Sa halip na bawasan ang kasalanan, nadagdagan pa!

Kumunot ang noo ni Misael at may kung anong emosyon sa mukha nito na tila may nagtatalo sa isip; pagkatapos ay ngumiti. "Gano'n ba? Sige. Ikaw na ang bahalang makipag-usap sa kanya. Siguro nga masyado na rin siyang nakukulitan sa akin. Halos araw-araw ko kasi siyang tinatawagan at pinupuntahan mula nang bumalik ako rito sa Pilipinas."

Nakahinga siya nang maluwag. Ang akala niya ay mabubuking na siya nito. Kung ganoon, hindi pa pala talaga nakakausap ni Misael ang kanyang ina mula nang umalis ito sa botanical garden kahapon. At hindi pa rin nasasabi rito ng kanyang ina na nakaalis na ito.

"Kumain ka na. Lalamig na 'tong pagkain," sabi nito.

"Ahm, Misael, ano nga pala uli 'yong sasabihin mo sa aking good news?" pag-iiba niya ng usapan habang sinisimulan nang kumain.

Natigilan si Misael at tila napaisip. Pagkatapos ay tumingin sa kanya at ngumiwi. "Nakalimutan ko na, eh," nagkakamot sa ulong sabi nito.

"Ha? Eh, kanina lang ang saya-saya mo. At 'di ba, 'yon nga ang dahilan kaya nandito ka?" nagtatakang tanong niya.

"Ah, oo nga. Kaya lang... kaya lang, mula nang sinabi mo sa akin na hindi mo pa nakakausap ang mom mo, biglang nawala sa isip ko."

Bigla siyang nakaramdam ng guilt. Ganoon talaga siguro kahalaga ang pagpirma ng kanyang ina sa investment kaya kapag iyon ang napapag-usapan ay nawawala na sa isip nito ang ibang bagay.

"Huwag kang mag-alala, mamaya, sisiguruhin kong makakausap ko na si Mommy para sa 'yo," paniniguro niya.

Ngumiti ito. "Talaga? Sige salamat. O, kanin pa?" alok nito na nilagyan pa ng kanin sa kinakainan niya.


A/N:
Sa tingin nyo, ano kaya yung dapat na sasabihin ni Misael?

<<A liar vs a liar>>

A CHILDHOOD PROMISE (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon