CHAPTER ELEVEN

5.8K 118 8
                                    

"BAKA naman yumaman ka na niyan sa kaka-overtime mo."

Nginitian lang ni Andrea si Lina.

"Eya, huwag kang masyadong pagabi, ha?" paalala ni Margarette sa kanya saka hinagip ang bag nito.

"Yup. Tatapusin ko lang 'to. Pagagalitan na ako ni Ma'am Edith kapag hindi ko pa natapos 'to, eh," sabi niya. Isa-isa nang nagpaalam sa kanya ang mga katrabaho hanggang sa siya na lang ang naiwan sa opisina.

Napabuga ng hangin si Andrea, saka muling ibinalik ang atensiyon sa monitor ng computer. Halos nakakapangalahati na siya sa article. Sinabihan siya ng kanilang editor-in-chief na dapat niyang maipasa ang article sa araw ding iyon. At dahil nga may ibang article pa siyang inunang asikasuhin ay ngayon lang niya iyon napagtuunan ng pansin.

Ipinagpasalamat na lang ni Andrea na hindi siya pinuntahan ni Misael habang work hours. At least, hindi siya nahirapang pagtaguan ang binata o umisip na naman ng ipapalusot.

Panandalian kasing nawala sa isip niya ang tungkol kay Misael dahil nga tutok siya sa trabaho. At dahil doon, hindi rin niya nagawang tawagan ang mommy niya. Umaasa lang siya na sa susunod na magkita sila ni Misael ay hindi muna siya nito tanungin tungkol sa mommy niya dahil sigurado siyang hindi na niya magagawang magsinungaling.

Nang muli siyang sumulyap sa orasan na nakapatong sa mesa ay alas-otso na ng gabi. Lalo niyang binilisan ang pagta-type.

"AH! NATAPOS din!" bulalas ni Andrea habang nag-iinat. Nang sumulyap siya sa orasan ay past eleven PM na. "Shit! Ang bilis ng oras! Kailangan ko nang magmadali. Baka wala na akong masakyan," anas niya saka pinatay ang computer pagkatapos i-send ang article sa e-mail address ng editor-in-chief nila. Nag-commute lang siya nang araw na iyon dahil coding ang kotse niya.

Mabilis niyang iniayos ang mga gamit saka lumabas ng department. Hindi na umaandar ang elevator kaya naghagdan na lang siya.

Hinihilot ni Andrea ang kanyang batok habang naglalakad sa lobby. Binati pa siya ng night-shift guard na nakatoka roon.

Pababa na siya ng hagdan sa labas ng building nang may napansin siyang kotse na nakahinto sa tapat ng building nila. Babale-walain sana niya iyon pero nakita niya ang lalaking nakasandal sa hood ng kotse at nakahalukipkip.

"S-Sael?"

Tumingin ang binata sa kanya at agad na lumapit nang makita siya. "Hi!"

"Ano'ng ginagawa mo rito?" nagtatakang tanong ni Andrea kahit may duda na siya sa isasagot nito.

"Hinihintay ka. Ang sabi nina Margarette, nagpaiwan ka pa raw kaya hinintay na kita."

"Y-you mean, kanina ka pa nandito?" Kanina pang alas-singko umalis sina Margarette.

Parang nahihiyang hinimas ni Misael ang gilid ng leeg nito. "Hindi na ako umakyat dahil baka maabala kita sa trabaho mo." Pinagmasdan siya nito. "Mukhang pagod na pagod ka. Ihahatid na kita." Inalalayan pa siya nito pasakay sa kotse.

Pagsakay ni Misael sa driver's seat ay may kinuha itong kung ano sa backseat saka iniabot sa kanya.

"A-ano 'to?" nagtatakang tanong niya.

"Angel doll."

"Oo, alam kong angel doll 'to, pero para saan—"

"That's me."

"Ha?"

Humarap si Misael sa kanya saka ipinatong ang kamay sa headrest ng upuan niya. Tuloy ay nagmukhang nakaakbay ito sa kanya. "I was busy the whole day so I wasn't there to be with you. Ang sabi ni Margarette sa akin, masyado ka raw tutok sa trabaho mo kaya nakalimutan mo nang mag-lunch kanina."

Napangisi si Andrea. "Guilty as charged," amin niya.

Pumalatak ito at umiling-iling. "Mabuti na lang pala, naipaghanda kita ng breakfast kanina."

"Salamat nga pala sa breakfast. Ang sarap."

Nginitian siya nito. "Mabuti naman at nagustuhan mo. Anyway, ang angel na 'yan ang magiging kapalit ko kapag wala ako. Bring it anywhere you go so you would always think of me. Gusto kong palagi mo akong naaalala. Gusto kong palagi mo akong naiisip," sabi nito na nakatitig sa kanya, seryosong-seryoso ang anyo.

"Sael..."

"I want you to think of me every minute, every hour, every day. I want you to think of just me, wala nang iba. Kasi... kasi ikaw lang din ang nasa isip ko mula pagkagising ko sa umaga hanggang sa pagtulog ko."

Napalunok siya. "Sael..."

Hinaplos ni Misael ang buhok niya. "You must be so tired. Kumain muna tayo, 'tapos, ihahatid na kita sa bahay n'yo para makapagpahinga ka na."

"Oh, that. Do'n mo na lang ako ihatid sa bahay ko."

Kumunot ang noo nito.

"Pinabalik na ako ni Mommy sa bahay ko," sabi niya.

Ngumiti si Misael. "All right." Ini-recline nito ang upuan niya. "'Ayan, para mas kumportable ka," sabi nito saka pinaandar na ang makina ng sasakyan.

Bago nito mapaandar ang kotse ay dumukwang siya at hinagkan ito sa pisngi. "Thank you," bulong niya sa tapat ng tainga nito. Humiga siya at humarap sa bintana, yakap ang angel doll, saka pumikit siya.

Pinakiramdaman niya si Misael. Ilang sandali pa ang lumipas bago nito napaandar ang kotse. Naramdaman pa niya ang magaang haplos nito sa buhok niya bago nag-accelerate.

Hay! Kung ganoon ka-sweet si Misael, paano pa ba niya gugustuhing aminin ang totoo?

A CHILDHOOD PROMISE (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon