"ARE YOU sure about this, Sael? Puwede bang ipagpaliban na lang muna natin 'to?" tanong ni Andrea kay Misael nang ihinto nito ang sasakyan sa tapat ng bahay nito.
Isang linggo na silang mag-boyfriend at hindi pa rin nagbabago ang binata. Sa katunayan, mas naging malambing pa ito kaysa dati at halos mas madalas silang magkasama.
Kinuha ni Misael ang kamay niya at ginagap iyon. "My parents are expecting you. Matagal ko na rin namang gustong ipakilala ka sa kanila. Don't worry, nando'n naman ako. Hindi ka nag-iisa do'n, okay?" Dinala nito ang kamay niya sa mga labi nito.
Napatango na lang si Andrea. That was one thing she admired about her boyfriend. Kaya nitong alisin ang alinlangan at kaba niya sa malambing na salita lang nito. At tila ang bawat sinasabi ni Misael ay kaya nitong panindigan kaya ganoon na lang ang tiwala niya rito.
Hinagkan siya ni Misael sa sentido bago ito bumaba ng sasakyan at ipinagbukas siya ng pinto. They were having dinner with his parents. Iyon ang unang pagkakataong makikilala ni Andrea ang mga magulang ng binata.
"Nasaan si Mama?" tanong ni Misael sa kasambahay na sumalubong sa kanila pagpasok nila sa front door.
"Nasa kusina po."
Tumango lang si Misael at iginiya siya sa komedor.
Pasimpleng pinagmasdan ni Andrea ang kabahayan. Hindi malaki iyon na gaya ng bahay nila sa Paris. Pero mukhang sagana iyon sa pagmamahal at mukhang alagang-alaga ng mga may-ari.
Sa bahay kasi nila sa Paris, nag-iisang anak siya. Ang daddy niya ay isang chef samantalang ang mommy niya ay isang businesswoman. Mas madalas na kasama niya sa bahay ang ama dahil palaging nasa business trip o kaya ay sa branches ng Andrea Clothing, Inc. ang kanyang ina.
Ang daddy niya ang palaging nag-aayos ng bahay at nagbibigay-buhay roon pero tila nawalan na rin iyon ng buhay nang mamatay sa isang plane crash ang kanyang ama nang minsang pupunta sana ito sa Turkey para sa isang malaking event.
Masuwerte si Misael dahil buo pa ang pamilya nito.
"Mama!" salubong ng binata sa babaeng nakaharap sa oven.
Nanatiling nakatayo si Andrea sa tabi ng mesa habang pinapanood kung paano salubungin ni Misael ang ina nito. Pansin na pansin kung gaano nito kamahal ang ina
Lumingon sa kanya ang mama ng binata.
"'Ma, this is Andrea, my girlfriend. Andrea, she's my mom," pakilala ni Misael na nananatiling nakaakbay sa ina.
Bahagya siyang yumukod. "'Nice to meet you po," magalang na bati niya.
"It's nice to finally meet you," masayang bati naman ng ginang.
Ikinagulat ni Andrea nang bigla siya nitong yakapin at nakipagbeso-beso sa kanya. Nang sumulyap siya kay Misael ay nakangiti ito at tumango na parang nagsasabing okay lang ang lahat.
Naging panatag ang loob niya kaya gumanti siya ng yakap sa ginang. Mayamaya ay kumalas ito sa kanya at pinaupo siya.
"Naku, mabuti naman at dinala ka na rin dito ng anak ko. Matagal na kitang gustong makilala dahil panay ang kuwento niya sa akin ng tungkol sa 'yo. At tama siya, napakaganda mo nga," sabi agad ng ginang.
"Maraming salamat po," nahihiyang sabi niya.
Saka ito nagsimulang magkuwento habang ang kasambahay ay naghahain na para sa kanila. Umupo sa tabi niya si Misael.
Natutuwang pinagmasdan niya ang mama ng binata. Para itong mommy niya. Marahil, kung makikilala ito ng mommy niya, tiyak na magkakasundo ang dalawa. Sa unang tingin pa lang, mukhang parehong madaldal ang mga ito.
"Nasaan nga pala si Papa?" tanong ni Misael.
Mukhang napipilitan lang na nilingon ng ginang ang binata dahil tila ayaw nitong paawat sa pagkukuwento sa kanya. "Parating na rin iyon. Alam kasi niyang dadalhin mo ngayon ang girlfriend mo. O, nandiyan na pala siya."
"Pasensiya na, na-late ako. Ang traffic kasi."
Parang napako sa kinauupuan si Andrea nang marinig ang pamilyar na tinig na iyon. At tinawag niya ang lahat ng santo para huwag lang ito ang taong huling gusto niyang makita sa pagkakataong iyon.
"Mahal, mabuti at dumating ka na. Nandito ang girlfriend ni Misael."
Hindi niya magawang makakilos agad hanggang sa ang ama ni Misael ay naupo sa kabisera. "Mabuti naman at—"
Noon na siya napatingin sa lalaki nang matigilan ito. At kitang-kita niya ang gulat na anyo ni Erik habang nakatingin sa kanya.
"Dad, she's my girlfriend, Andrea. Mon miel, he's my dad, Professor Erik Ramirez," pakilala ni Misael na nasa tabi niya.
It took all her strength to move every inch of her muscle. "'N-nice to meet you, Sir," sa wakas ay nasabi ni Andrea at bahagyang-bahagya lang na yumukod.
Parang hindi pa rin nakakahumang tumango lang si Erik. "Me, too."
"Professor siya sa Benedictus University. O, hindi ba, miel, do'n ka rin nag-college? Hindi mo ba siya nakikita ro'n?"
Pilit niyang ipinaling ang ulo kay Misael na masayang nakatingin sa kanya at naghihintay ng sagot.
Si Misael ang batang pilit niyang inagawan ng ama. Ang household na iyon ang pitong taong sinikap niyang sirain. Pakiramdam niya, nais na niyang bumuka na ang lupa at lamunin na lang siya kaysa tingnan pa si Misael sa mga mata.
Ang masayang aura nito, ang mabuting puso, ang tapat na pagkatao.
Ano ang gagawin ni Misael kapag nalaman nitong siya ang estudyanteng nagbibigay ng mamahaling regalo sa ama nito? Siya ang pinagdudahang mistress ng ama nito? Alam niyang magagalit si Misael sa kanya. Iiwan siya. Kasusuklaman. Ganoon ang nakita niya sa mga mata ni Misael noong nagkuwento ito sa kanya sa Antipolo.
Makakaya kaya niya iyon? Kaya ba niyang mawala si Misael sa kanya?
"Mon miel, are you all right? May sakit ka ba?" tanong ni Misael.
Agad siyang napatayo. "S-sorry, but I have to go," paalam niya saka mabilis na umalis. Sabihan na siyang bastos pero hindi yata niya kayang makasalo sa hapunan ang asawa't anak ni Erik.
"Andrea!" habol ni Misael.
Nasa garahe na siya at palabas ng gate nang maramdaman niya ang kamay nito sa braso niya.
"What's wrong? May problema ba?" Pilit siyang iniharap ni Misael pero hindi niya magawang tumingin nang deretso.
Nakayuko lang siyang umiling habang tuluyan nang naglandas ang mga luha.
"Andrea, please tell me, ano ba'ng problema? May sakit ka ba?" Iniangat nito ang baba niya kaya hindi na niya nagawang itago ang mga luha. Bumakas ang labis na pag-aalala sa mukha nito. "Mon miel, bakit ka umiiyak? Ano ba'ng problema? May nagawa ba akong mali? Tell me, please. Nag-aalala na ako sa 'yo." Pinahid ni Misael ang mga luha niyang hindi maubos, pagkatapos ay niyakap siya nang mahigpit.
Ginantihan niya ito ng mas mahigpit na yakap. Hindi niya makakaya ang galit sa mukha ni Misael kapag nalaman nito kung ano siya sa buhay ng ama nito. Ilang beses din siyang nagtagumpay na huwag pauwiin si Erik kapag may okasyon sa bahay. Ilang beses siyang nagsakit-sakitan at nagdrama kapag anniversary nito at ng asawa at kapag birthday ni Misael.
Kumalas ang binata sa kanya at tiningnan siya. "Ihahatid na kita. Magpapaalam lang ako kina Mama. Sorry, kasalanan ko 'to. Hindi na kasi kita dapat pinilit na harapin sina Mama kung hindi ka pa handa."
Hindi sumagot si Andrea.
"Wait for me here, okay?" Hindi na siya nito hinintay na sumagot at tumakbo na papasok sa bahay.
Pinahid niya ang mga luha. And like guilt was eating her whole, natagpuan na lang niya ang sariling naglalakad palayo sa bahay nina Misael na hindi nagpapaalam.
BINABASA MO ANG
A CHILDHOOD PROMISE (COMPLETED)
Romance"I want you to think of me every minute, every hour, every day. I want you to think of just me, wala nang iba. Kasi... kasi ikaw lang din ang nasa isip ko mula pagkagising ko sa umaga hanggang sa pagtulog ko." Pitong taon nang umiibig si Andrea sa c...