NANG gabing iyon, tinawagan ni Andrea ang mommy niya pero panay lang ang ring ng cell phone nito. Sinubukan niya itong tawagan sa opisina pero hindi rin sinasagot.
Tinawagan niya si Timothy pero sinabi ng lalaki na nasa business meeting daw ang mommy. Hindi na niya sinabi kay Timothy ang pakay. Talking business with Timothy was not a good idea.
Isa kasi si Timothy sa nag-e-encourage sa kanya na pag-aralan na ang pasikot-sikot ng kompanya. At kapag nakasilip ito ng kaunting pag-asa na interesado siya sa kompanya ay tiyak na sasabihin lang nito iyon sa mommy niya at magsisimula na naman ang dalawa na kulitin siya. Matindi pa naman ang impluwensiya nito sa mommy niya.
Si Timothy pa mismo ang nagprisintang magiging mentor niya kung sakaling hawakan na niya ang kompanya.
Ibinilin niya sa lalaki na hihintayin na lang niya ang tawag ng ina.
Pero namuti na ang mga mata ni Andrea ay wala pa rin siyang natatanggap na tawag o kahit missed call man lang. Halos hindi nga siya nakatulog nang maayos sa kakahintay sa tawag nito.
Bago pumasok sa opisina kinabukasan ay sinubukan ni Andrea na tawagan pa rin ang mommy niya. Masuwerte siyang sinagot na nito ang tawag.
"Mom, I'm glad you picked up. Sinabi ba sa 'yo ni Timothy na tumawag ako?" bungad niya. Mabuti at gising pa ito. Alas-siyete pa lang ng umaga at ala-una ng madaling-araw sa Paris.
"Yup, he did. Tatawagan sana kita kanina but I was so busy at the office I forgot to return your call. Kauuwi ko lang. Bakit? May problema ba?"
"Opo, Mom. Ano kasi—" Hindi niya naituloy ang sasabihin dahil may kumausap sa kanyang ina mula sa background. Nabosesan niyang si Timothy iyon.
"Darling, forgive me but I have to go. One of my clients is on the other line and he wants to speak with me. I bet it's urgent. Tatawagan kita after that, okay? 'Love you." Pagkatapos ay nawala na ang mommy niya sa kabilang linya.
Natulala na lang siya. Tulad ng dati, mahirap na namang ma-contact ang kanyang ina. Napabuntong-hininga na lang siya.
NATIGILAN si Andrea nang may mapansing kakaiba sa mesa niya. Nagtatakang napatingin siya sa isang mug na may takip at isang asul na baunan. Mayroon ding isang tangkay ng pulang rosas.
"Sino'ng may-ari nito?" tanong niya kay Margarette.
Inalis ng katrabaho ang headphone at nag-angat ng tingin sa kanya. "Iniwan ng isang guwapong lalaki. 'Yong nagdala ng lunch mo kahapon," sagot nito.
"Si Misael?"
Lumapit na sa mesa niya sina Lina at AJ. "Hindi mo man lang sinabi sa aming may boyfriend ka na pala, Eya," wika ni Lina sa kanya.
"Ha? Boyfriend?"
"Oo kaya. Si Misael. At ang guwapo, ha!" ani AJ.
"Hindi ko boyfriend si Misael," tanggi niya. Pero parang mas gusto pa niyang hayaan na lang ang mga ito sa maling akala ng mga ito.
"Hindi boyfriend? Eh, ano 'yon? Kapitbahay? Ang aga kaya niya rito kanina. Tinanong pa niya sa amin kung nasaan 'yong pantry. Ang akala namin, kung ano na'ng gagawin. 'Yon pala ipagtitimpla ka lang ng kape. Sinabi namin na bumili na lang siya sa Starbucks dahil bumibili ka lang naman talaga ro'n. Ayaw niya. Mas gusto raw niyang ipagtimpla ka. Ang sweet, 'no?" kuwento ni Lina na sinang-ayunan ni AJ.
"Pero paano nakapasok si Misael dito?" tanong niya.
"Ah, 'yon nga pala. Hindi mo rin nasabi sa amin na kakilala pala ni Misael ang may-ari ng Chaste? Big-time pala 'yong boyfriend mo, Eya," sagot ni Lina.
"Sabi na, eh. Napapaisip na rin ako. Bakit ka magtitiyagang landiin si Chad, eh, may guwapong boyfriend kang gaya ni Misael?" sabad ni Arra na nasa likuran lang niya ang mesa. Malakas ang boses nito na tila may pinariringgan.
Parang na-gets naman nina Lina, AJ at Margarette ang ibig sabihin ni Arra—nagtinginan ang mga ito kay Lizzy na apat na mesa ang layo sa kanya.
Mula nang ipagtanggol siya ni Misael sa dalaga ay hindi na siya muling ginulo pa ni Lizzy at hindi na rin lumapit pa sa kanya si Chad.
Tila naramdaman ni Lizzy na pinagtitinginan ito kaya bumaling ito sa gawi nila. "Kaysa nagtsitsismisan kayo riyan, bakit hindi na lang kaya kayo magtrabaho?" Nakataas pa ang isang kilay nito.
Bahagyang nagtawanan sina AJ at Lina pero nagkanya-kanya na ring balik sa upuan.
Pagkaupo ni Andrea ay sinitsitan siya ni Lina na agad niyang nilingon. "Kung may kapatid na lalaki si Misael, ipakilala mo sa akin, ha?" sabi nito, saka humagikgik.
Napailing na lang siya.
"May note nga pala siyang iniwan diyan, Eya. Basahin mo na lang," saad ni Margarette.
Umupo siya sa swivel chair niya, saka dinampot ang sticky note na nakadikit sa mug.
I'm very much willing to wake up early every morning and cook just to make sure you're having your breakfast. Please, drink the coffee. I made it myself. Mas masarap 'yan kaysa sa Starbucks na binibili mo.—Sael
Inalis ni Andrea ang takip ng mug at napangiti siya nang makita niyang may design pa na hugis-puso ang cappuccino na ayon na rin sa mga katrabaho niya ay ito mismo ang gumawa.
Nang buksan niya ang baunan ay mainit na Hainanese rice ang sumalubong sa kanya, may kasamang egg rolls at fish fillet.
Magana niyang kinain ang inihanda ni Misael para sa kanya. Alam niyang ginagawa lang iyon ng binata dahil sa ipinangako niya. Tuloy ay parang ayaw na niyang sabihin kay Misael ang totoo. Baka kasi bigla itong magbago. Sigurado naman kasi siyang kung hindi siya nangako kay Misael, hindi nito gagawin ang mga bagay na iyon.
Sana ay pagbigyan siya ni Lord na mag-enjoy muna sa atensiyong ibinibigay ng anghel niya. Ngayon lang kasi may nagparamdam uli sa kanya na may nagmamahal sa kanya mula nang mawala ang daddy niya.
Nagmamahal?
Siguro nga, kung nasa ibang sitwasyon sila, iisipin niyang mahal nga siya ni Misael kaya ginagawa nito ang mga iyon sa kanya.
Ang sarap palang mahalin.
BINABASA MO ANG
A CHILDHOOD PROMISE (COMPLETED)
Romance"I want you to think of me every minute, every hour, every day. I want you to think of just me, wala nang iba. Kasi... kasi ikaw lang din ang nasa isip ko mula pagkagising ko sa umaga hanggang sa pagtulog ko." Pitong taon nang umiibig si Andrea sa c...