"MOM, I'M ready—" Natigil sa pagbaba ng hagdan si Andrea kasabay ng biglang pagbilis ng tibok ng kanyang puso nang makita ang taong nakaupo sa sofa sa sala ng rest house ng kanyang ina. Napag-usapan nilang mag-ina na pumunta sa isang botanical garden sa Laguna sa araw na iyon.
Wala sana siyang balak na pagbigyan ang ina dahil rest day niya at nakaugalian na niyang matulog maghapon, pero sinabi ng mommy niya na mula nang dumating ito ay hindi pa sila nagkakaroon ng bonding moments dahil abala ito sa mga inaasikaso sa negosyo kahit nasa Pilipinas habang siya ay abala sa trabaho. Feeling guilty, she submitted to her mom. Napag-usapan nilang siya ang magmamaneho ng sasakyang gagamitin nila.
Pero kung pupunta sila sa isang botanical garden sa Laguna, ano ang ginagawa ni Misael sa bahay nila? May appointment ba ito sa mommy niya?
Mula nang araw na nag-usap sila sa sasakyan nito isang linggo na ang nakalilipas ay hindi na muling nagpakita si Misael sa kanya. Dapat ay ikatuwa iyon ni Andrea, pero hindi niya alam kung bakit nadidismaya siya tuwing umaasang makikita si Misael pero hindi niya nakikita. Para kasing nakasanayan na niyang nakikita ang binata tuwing umaga at parang ang gaan-gaan ng pakiramdam niya.
Napaderetso ng tayo si Andrea nang lumingon si Misael sa gawi niya. Na-conscious siya at sumikdo ang dibdib nang tumayo ang binata at hagurin siya ng tingin. Sana ay hindi siya namalikmata lang nang makita niya ang paghanga sa mga mata nito.
"Bon jour," pormal at magalang na bati ni Misael sa kanya na bahagya pang yumukod.
Bakit ba mukhang prinsipe ito sa paningin niya kahit simpleng puting long-sleeved polo na pinatungan ng black coat, maong pants, at silver sneakers lang ang suot nito? Smart, casual, and sexy.
Pinili niyang tarayan ang binata. "Ano'ng ginagawa mo rito?" nandidilat na tanong niya habang pilit na pinakakalma ang dibdib.
"Are you all dressed?" tanong ng mommy ni Andrea na sumulpot mula sa kusina. Habang nag-aayos siya kanina ay nagpaalam itong iinom lang ng tubig. Bumaling ito kay Misael. "Misael, I'm glad you're already here."
"Bon jour, Madam," nakangiting bati ni Misael.
"Ano'ng ginagawa niya rito, Mom?" prangkang tanong niya.
Naninitang tiningnan siya ng ina. "Well, tumawag siya sa akin kaninang umaga at gusto niya akong makausap tungkol sa business ng tito niya. He said it was urgent so I just asked him to come with us since my time is precious."
So, business pala ang ipinunta ni Misael. Bakit tila nakadama siya ng pagkadismaya?
"Kung gano'n, kayo na lang ang umalis. Hindi na lang ako sasama," sabi niyang humalukipkip pa.
Apologetic na tumingin ang kanyang ina kay Misael. "Misael, will you excuse us for a moment?"
"Sure, sure. I'll wait for you outside," wika ng binata saka lumabas ng bahay.
"Kailangan mo ba talagang maging rude sa harap niya?" sita ng mommy niya.
"Sinabi ko na sa 'yong huwag mong isasali ang business sa family affairs mo, 'di ba?"
Ipinangako nitong sa araw na iyon ay siya lang ang aasikasuhin ng ina at wala nang iba, kahit si Misael pa iyon. Pero dahil nga nabanggit na niya ang pangalan ni Misael ay doon na nagsimulang magkuwento ang mommy niya tungkol sa binata. Sa gusto at sa gusto niya, tuloy ay marami siyang nalaman tungkol sa guwapong arkitekto.
BINABASA MO ANG
A CHILDHOOD PROMISE (COMPLETED)
Romance"I want you to think of me every minute, every hour, every day. I want you to think of just me, wala nang iba. Kasi... kasi ikaw lang din ang nasa isip ko mula pagkagising ko sa umaga hanggang sa pagtulog ko." Pitong taon nang umiibig si Andrea sa c...