NAGULAT si Andrea nang makita niya si Misael sa labas ng bahay paglabas niya. Guwapong-guwapo ito sa suot na pink short-sleeved polo shirt, maong cargo shorts, at Vans sneakers habang nakasandal sa hood ng top-down Silver Porsche.
Dumeretso ng tayo si Misael nang makita siya at nakangiting kumaway. "Bon jour!" bati nito nang makalapit siya.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" gulat na tanong ni Andrea. Linggo noon at wala siyang pasok sa trabaho.
"Binibisita ka," sagot ng binata, saka iniabot sa kanya ang dalang pulang rosas na tinanggap naman niya.
"Hindi kaya maubos ang red roses sa flower shop na binibilhan mo?" komento ni Andrea habang inaamoy ang bulaklak. Nakasanayan na niyang makatanggap ng pulang rosas mula kay Misael araw-araw. Tuwing umaga ay may naaabutan siyang pulang rosas sa mesa sa opisina, kasama ng almusal na ito mismo ang naghanda.
"Actually, I was planning to make a garden of red roses instead. But I don't know yet where to put my garden. Maybe in our future house?" sagot ni Misael, saka ngumiti nang matamis.
Sanay na rin siya sa mga pasaring ng binata. Iyon nga lang, tinatawanan na lang niya iyon. Ayaw niyang bigyan ng kahulugan ang mga banat nito dahil baka tuluyan nang umasa ang kanyang puso.
Mag-iisang buwan na mula nang makilala niya si Misael.
Ipinagpapasalamat na lang ni Andrea na hindi pa nagtatanong si Misael tungkol sa kanyang ina. Kung minsan ay naiisip niyang baka alam na ng binata na wala na sa Pilipinas ang mommy niya. Pero bakit hindi sinasabi ni Misael sa kanya? Saka bakit nananatili pa rin ito sa bansa gayong ang sinadya talaga nito ay ang kanyang ina? Hindi naman niya magawang tanungin si Misael dahil baka mabuking lang siyang nagsisinungaling.
Kaya lang, sa kabila ng kaligayahang nararamdaman ni Andrea sa buong araw na kasama si Misael, hindi pa rin niya mapigilang makonsiyensiya sa gabi tuwing naiisip na nagsisinungaling lang siya sa binata. Gabi-gabi ay tinatawagan niya ang ina. Kung hindi sinasagot ang tawag ay si Timothy ang sumasagot at sinasabing busy o tulog na ang mommy niya. Kung minsan ay hindi siya nakaka-connect dahil patay ang cell phone ng ina.
Dala ng usig ng konsiyensiya, ilang beses niyang sinubukang aminin kay Misael ang totoo pero palagi siyang pinangungunahan ng takot—takot na baka magalit ang binata at takot na mawala ito sa kanya na alam niyang mangyayari din naman balang-araw.
Pero habang lumilipas ang mga araw na hindi niya sinasabi ang totoo ay lalo lang lumalaki ang kasalanan niya. Kaya kailangan na niyang sabihin kay Misael ang totoo bago pa umabot sa puntong kasuklaman siya nito.
"Mukhang may lakad ka," puna ni Misael nang hagurin siya ng tingin.
Niyuko ni Andrea ang sarili. Nakasuot siya ng white puff-sleeved top, skinny jeans, at stilettos. "Ah, oo. Pupunta ako sa Antipolo."
Lumungkot ang mukha ng binata. "Ah, gano'n ba?"
Bigla tuloy siyang na-guilty. Hindi niya alam kung bakit. "Bakit? May problema ba?"
"Yayayain sana kitang lumabas. May nakita kasi akong magandang lugar sa Cavite." Mayamaya ay nag-angat ito ng tingin sa kanya at ngumiti. "Maybe we can do that some other time," sabi nito saka ngumiti uli.
Parang gustong ikansela ni Andrea ang lakad at samahan na lang ang binata.
"Anyway, since hindi naman ako puwedeng pumunta sa Cavite mag-isa, would you mind if I... you know, tag along? Or if you like—"
BINABASA MO ANG
A CHILDHOOD PROMISE (COMPLETED)
Romance"I want you to think of me every minute, every hour, every day. I want you to think of just me, wala nang iba. Kasi... kasi ikaw lang din ang nasa isip ko mula pagkagising ko sa umaga hanggang sa pagtulog ko." Pitong taon nang umiibig si Andrea sa c...