MAAGANG umalis ng rest house si Andrea. Siniguro lang niyang nakaalis na ang mommy niya bago siya umalis. Six AM pa lang ay nasa biyahe na siya papunta sa Chaste. Sa nakalipas na limang araw mula nang mag-dinner siya kasama ang ina at ang architect ay ganoon na palagi ang oras ng alis niya ng bahay. Kinabukasan pagkatapos ng dinner ay totoo nga ang sinabi ng mommy niya tungkol sa pagsabay niya sa kotse ni Misael. Naabutan niya ang binata na naghihintay sa labas ng rest house nila. Hindi niya ito pinansin at nagtuloy-tuloy siyang pumunta sa sakayan ng bus. Ipinagpasalamat niyang hindi na ito sumunod pa.
Napabuga ng hangin si Andrea bago muling ipinagpatuloy ang paglalakad. May kalayuan iyon mula sa bus stop na binabaan niya. Hindi siya nag-taxi sa simpleng dahilan na gusto niyang ubusin ang oras sa biyahe dahil ayaw niyang dumating sa opisina nang maaga.
Halos malapit na siya sa building nila nang may tumawag sa pangalan niya. Nang lingunin niya ang pinanggagaling ng boses ay nakita niya si Chad na patakbong lumapit sa kanya. Pinigilan niya ang sariling itirik ang mga mata.
Isa si Chad sa mga minalas na mabasted nang magtangkang manligaw sa kanya noong bagong pasok siya sa trabaho.
"Bon joor, Madamwasel!" bati ni Chad sa kanya.
Iyan ang isa sa mga dahilan kung bakit binasted niya ang binata. Magpapasikat lang ito sa kanya, palpak pa. "I bet you meant 'Bon jour, Mademoiselle,'" sabi niya. "Bon jour, Monsieur," ganting-bati niya.
Nginisihan siya ni Chad. "Comment ales-vus?"
Naitirik niya ang mga mata. "Alam mo, Chad, puwede mo naman akong kausapin sa Tagalog. I can speak Tagalog fluently." Dahil kapag hindi ka pa tumigil sa mali-maling pagsasalita mo ng French, baka kung ano pa'ng magawa ko sa 'yo.
Hindi siya makapaniwalang nag-graduate si Chad ng cum laude sa isang sikat na university, at ngayon ay isa sa mga senior graphic artists at event organizers ng Chaste Magazine gayong ang tingin niya sa binata ay isang "dumb asshole." Sorry for the term.
Tila napahiya si Chad. "Bakit ang aga mo yata? Hindi mo ba dala ang sasakyan mo?" tanong nitong luminga-linga.
"M-may—"
Natigilan si Andrea nang may ma-realize. Telling him personal matters was not a good idea. Baka isipin pa nito, binibigyan na niya ito ng pag-asa.
"Nasira kasi ang sasakyan ko. Ayokong abutan ng rush hour kaya inagahan ko. Sige, ha? May gagawin pa ako," paalam niya saka mabilis na naglakad papasok sa lobby. Mabuti na lang at wala pang gumagamit ng elevator. Nang pindutin niya ang arrow up button ay agad na bumukas ang pinto. Mabilis na isinara niya ang pinto nang makitang humahabol si Chad. Nakahinga siya nang maluwag nang hindi ito nakaabot.
Bukod sa kakulitan ni Chad, isa pa sa iniiwasan niya ay ang makita siya ni Lizzy, ang obsessed girlfriend ng binata na hindi niya alam kung bakit lahat ng babaeng nakakausap ni Chad ay nais nitong patayin sa matatalim na titig, lalo na sa kanya.
Pagdating sa floor ng department nila ay wala pang katao-tao. Agad dumeretso si Andrea sa mesa niya at sinimulan nang magtrabaho. Unti-unting nagdatingan ang mga katrabaho niya hanggang sa hindi niya napansin ang oras at lunch time na.
"Eya, tara na," yaya ni Margarette.
"Sige, mauna ka na," sabi niya. Tinapos muna niya ang article na isinusulat bago pinatay ang monitor at tinungo ang elevator.
Paglabas sa lobby ay napahinto siya sa paglalakad nang makita ang taong inaasahan na niyang makita.
Tumindig si Misael nang mapatingin sa gawi niya saka ngumiti.
Nagkunwari siyang hindi nakita ang binata. Nagtuloy-tuloy siya palabas ng building.
Hindi iyon ang unang pagkakataong nakita niya si Misael tuwing bababa siya para mag-lunch. Tulad ng pagpunta nito sa bahay nila tuwing umaga, limang araw na rin niyang naaabutan si Misael sa lobby tuwing lunch break nila. Maski tuwing uuwi siya ay nakikita rin niya itong naghihintay sa kanya sa labas ng entrance ng building o maski sa parking lot kung saan nakaparada ang kotse niya pero hindi pa rin niya ito pinapansin.
Pumasok si Andrea sa restaurant na nakaugalian na niyang kainan nang mag-isa. Pagkatapos makuha ng waiter ang order niyang seafood ay umokupa siya ng isang mesa. At doon lang niya napansing nakasunod pa rin pala sa kanya si Misael. Nakaupo ito sa mesang di-kalayuan sa kanya at may isang basong tubig na sa mesa nito. Nakatingin ito sa kanya.
May kakulitan talaga ang isang ito.
Nagkunwari siyang hindi nakikita si Misael at sinimulan na siyang kumain. Mayamaya ay may napansin siyang lumapit sa mesa niya. Nang mag-angat siya ng tingin ay nakita niya si Lizzy na may dalang baso ng iced tea. Bago pa siya makapag-react ay ibinuhos na nito sa ulo niya ang iced tea.
"Sa susunod na lalandiin mo ang boyfriend ko, hindi lang 'yan ang aabutin mo," wika ni Lizzy.
Nanigas si Andrea sa kinauupuan at gulat na niyuko ang sarili. Hindi nakaligtas sa pandinig niya ang mga singhap ng mga taong nakasaksi sa kahihiyang tinamo niya, pati ang bulung-bulungan ng mga ito.
Hindi pa siya nakakahuma nang may isa na namang lumapit sa mesa niya.
"Not so fast, young lady."
Napaigtad siya sa nagsalita. Kilala niya ang boses na iyon.
Nang mag-angat ng tingin si Andra ay nakita niya si Misael na hawak na ang braso ni Lizzy na gulat na nakatingin sa binata. Matalim ang tinging ipinupukol ni Misael sa katrabaho niya. Iyon ang unang pagkakataong tila galit ang nakikita niya sa mga mata ng binata. Tuloy ay parang gusto na rin niyang matakot. Mukhang papatulan kasi ni Misael si Lizzy kahit babae pa ito.
"Who gave you the right to do that to my miel?" tanong ni Misael na parang punyal ang bawat salitang binibitawan.
Si Lizzy ay mukhang nagugulumihanang nakatuon pa rin ang atensiyon kay Misael.
"Palalampasin kita ngayon, pero makita ko pang gawin mo uli 'to sa Andrea ko, ako na ang makakalaban mo. Papatulan kita kahit babae ka pa," dugtong ni Misael saka hinubad ang suot na coat at ibinalabal sa kanya.
Wala nang nagawa si Andrea nang hilahin siya ni Misael patayo at iginiya palabas ng restaurant.
Bakit parang kiniliti ang puso niya sa kaisipang ipinagtatanggol siya ng binata?
BINABASA MO ANG
A CHILDHOOD PROMISE (COMPLETED)
Romance"I want you to think of me every minute, every hour, every day. I want you to think of just me, wala nang iba. Kasi... kasi ikaw lang din ang nasa isip ko mula pagkagising ko sa umaga hanggang sa pagtulog ko." Pitong taon nang umiibig si Andrea sa c...