SUNOD-SUNOD na tunog ng doorbell ang narinig ni Andrea kaya siya nagising. Pero wala pa siyang balak bumangon. Linggo naman, wala siyang pasok sa Chaste Magazine, ang kompanyang pinagtatrabahuhan niya bilang columnist. Kung sino man ang magaling na nang-iistorbo sa pahinga niya, bahala ito. Wala siyang balak na pagbuksan ito ng gate. Isa pa, wala rin naman siyang inaasahang bisita.
Huminto ang pagtunog ng doorbell na ipinagpasalamat niya. Pero mayamaya ay tumunog uli iyon, mas mahaba at mas malakas.
Mariing itinakip ni Andrea sa mga tainga ang mga unan pero hindi naman soundproof ang mga iyon. Naiinis na bumangon siya at lumapit sa intercom na nasa front door para i-congratulate ang buwisit na sumira sa pagtulog niya.
Pero nanlaki ang mga mata niya at tila binuhusan ng kape para magising nang makita sa monitor ang taong hindi niya inaasahang makita.
"Mom?"
Iyon ang unang pagkakataong magkikita silang mag-ina mula nang dumating siya sa Pilipinas. Hindi na niya ipagtataka na alam ng mommy niya kung saan siya nakatira. Minsan na kasing pinuntahan siya ng loyalistang sekretarya nitong si Timothy.
"Gusto mo ba talagang mapudpod ang daliri ko sa kakapindot ng doorbell mo?" sita ng mommy niya.
"W-what are you doing here?"
"Paying you a visit, I guess. Bakit ba hindi mo ako pagbuksan ng pinto at nang makapag-usap tayo nang harapan? Are you with someone kaya ayaw mo akong papasukin?"
"N-no, I mean. Right away." Pinindot ni Andrea ang remote control ng gate at kusang bumukas iyon habang mabilis na hinagilap niya ang mga tsinelas. Sinamsam din niya ang ilang mga damit na nakakalat sa sala, saka basta na lang itinapon sa loob ng silid.
Magulo pa ang bahay. Mamaya pa darating ang inuupahan niyang housekeeper na tuwing Linggo lang pumupunta. Ito ang naglalaba ng mga damit niya at naglilinis ng buong bahay.
Pumasok ang mommy ni Andrea na ipinagbukas pa ng pinto ng isang lalaking nakaunipormeng pang-chauffeur.
"Hintayin mo na lang ako sa sasakyan," utos nito sa lalaking sumunod naman agad. Pinagpag muna ng ina ang sofa bago umupo.
"Hindi mo yata kasama si Timothy," pansin ni Andrea.
Maagang naulila si Timothy. Ang alam niya, dose anyos pa lang ito ay halos parte na ito ng kanyang pamilya. Mas matanda ito nang pitong taon sa kanya. Sa kabila ng halos pagiging kuya nito sa kanya ay nanatili ang pagiging aloof nito sa kanya at itinuturing pa rin siya nitong amo.
Si Timothy ang sumuporta at tumulong sa kanyang ina noong nagsisimula pa lang ito sa negosyo. Unquestionable ang loyalty nito sa kanyang ina at bukod sa pagiging executive secretary ng kanyang ina ay ito na rin ang tumatayong operations manager sa lahat ng branches ng fashion boutique ng kanyang ina sa France.
"Naiwan siya sa Paris. Siya muna ang pinamahala ko sa kompanya habang wala pa ako," sagot ng mommy niya.
"So, what are you doing here, Mom? Kailan ka pa dumating? Bakit hindi ka nagpasabi sa akin?"
"Why do I need to tell you? Dahil ba may itinatago ka na ayaw mong matuklasan ko?"
"W-wala. Ano naman ang itatago ko? G-gusto ko lang malaman para sana ay nasundo kita sa airport," pagsisinungaling niya.
"Hindi ka nagparamdam for the past three years. I let you go on your way when you told me you wanted to try your luck here in the Philippines. Sinabi mong babalik ka pagkalipas ng dalawang taon. Kung hindi lang dahil sa business ko, matagal na kitang pinuntahan dito."
Napairap si Andrea. "I'm so busy like you are. Pero mabuti po at nakapunta kayo rito. Aren't you busy with your business?" tanong niya na may diin sa huling salita. Palagi na lang idinadahilan ng mommy niya ang negosyo nito kaya raw may mga bagay na hindi magawa.
"Are you implying something?" nakataas ang isang kilay na tanong ng mommy niya.
"I meant nothing, my dear mother."
"So, kumusta naman ang buhay mo rito?" Inilibot nito ang tingin sa buong bahay niya. Parang hindi pa nakontento, tumayo ito at naglakad sa buong sala. Isa ito sa mga matataas na tao sa France. Wala siyang maisip na hindi kayang gawin ng ina, bukod sa hindi nito kayang bumuhay ng patay.
At siyempre, hindi nito alam ang tungkol kay Erik. And to hell would she tell her mom about him. Alam niyang kapag nalaman ng ina ang tungkol sa bagay na iyon ay gagawin nito ang lahat para magkalayo sila ni Erik.
"Really, Mother? Nagpunta ka rito para lang kumustahin ako? Well, you see now, I'm healthy, I'm rich, I'm happy. Wala ka nang dapat ipag-alala pa," sabi niya.
Tumingin ito sa kanya. "May boyfriend ka ba?"
"P-po?"
Umupo uli ang mommy niya sa sofa at ipinatong ang kaliwang hita sa kanang hita nito. "You chose to stay here in the Philippines when you have a better life in Paris. Hindi ka magtatagal dito nang matagal para lang may patunayan ka. I know you very well. Hindi ka sanay nang nahihirapan. Hindi ka tatagal dito nang walang dahilan."
"I don't know what you're talking about," pagkakaila ni Andrea.
May kinuha itong isang brown envelope mula sa bag at inihagis sa center table.
Umupo siya sa single-seater at kinuha ang envelop. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang mga pictures ang laman n'on, but no ordinary pictures.
"I didn't stay a month here in the Philippines and wasted my time doing nothing, my dear daughter."
"Bakit ka ba talaga nandito, Mommy?" malamig na tanong niya, saka padaskol na inihagis sa center table ang mga pictures nila ni Erik na magkasama. Panay stolen shots ang mga iyon. Hindi niya inasahang uupa ang kanyang ina ng private investigator para imbestigahan siya. Of course, her mom would do such thing. Naging pabaya lang siya at hindi inisip na warning na pala ang ilang pagkakataong tumatawag si Timothy sa kanya.
Ilang beses nang nag-iiwan ng message si Timothy sa answering machine niya, telling her to call her mom. Pero hindi niya sinusunod.
Tatlong taon na ang nakalilipas mula nang tumigil siyang tumawag sa France. Ni hindi nga rin siya umuuwi kahit ilang beses nang nagsabi si Timothy na pinapauwi na siya ng ina. At kahit pinuntahan na siya ni Timothy sa bahay ay pinagtaguan lang niya ito.
Ano pa ba ang silbi ng pagtawag niya sa ina o pagbabalik niya sa France? Hindi rin naman nito mapapansin ang presensiya niya dahil palaging busy sa negosyo at halos hindi sila nagkikita kahit sa iisang bubong lang sila nakatira.
Mula nang dumating si Andrea sa Pilipinas ay mabibilang lang sa daliri ang mga pagkakataong nakausap niya ang ina sa telepono. Madalas ay nagmamadali pa ito dahil may business meeting pa at kung ano pang gagawin.
Tuwing tatawag naman siya ay palaging operator ang sumasagot, o kaya ring lang nang ring ang cell phone ng mommy niya, o kung hindi man ay si Timothy ang sumasagot.
Napapagod na si Andrea. Kaya mula noon ay huminto na siyang magparamdam sa ina. Pero si Timothy naman ang panay ang pangungulit sa kanya.
Pero nitong huling dalawang buwan ay huminto na si Timothy sa pagtawag sa kanya. Ipinagpasalamat niya iyon pero hindi niya inakalang may niluluto na palang plano ang kanyang ina.
Kilala ni Andrea ang mommy. Since she held the title "Reine de la Élite," she wouldn't allow anything that will scar her credibility. Maski siya ay binibihisan nito ng diyamante para lang ipakita sa mundo ng mga ipokrito na walang kahit sino ang maaaring pumalit sa trono nito.
"Layuan mo ang professor na 'yan," matigas na utos ng mommy niya.
BINABASA MO ANG
A CHILDHOOD PROMISE (COMPLETED)
Romance"I want you to think of me every minute, every hour, every day. I want you to think of just me, wala nang iba. Kasi... kasi ikaw lang din ang nasa isip ko mula pagkagising ko sa umaga hanggang sa pagtulog ko." Pitong taon nang umiibig si Andrea sa c...