Chapter 21

9.2K 190 3
                                    

Chapter 21

Hindi ako nakapagsalita at nanatili ang paningin sa taong nasa harapan ko ngayon. Hindi ako makapaniwalang narito siya sa harap ko, hindi ko lubos maisip na magagawa niya ito. Paano siyang nakapasok dito? Bakit niya ginagawa ito? Talaga bang wala na siyang gagawing matino sa buhay niya? Nagkausap na kami noong nakaraan, pero ano na naman ito? Ano pa bang gusto niya? Nila? Hindi na niya ako nirespeto!

Kung may natitira manlang sanang pagmamahal sa kanya, hindi niya ito gagawin. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit may mga taong kahit na alam nilang mali ay gagawin pa rin at susubukin, na wala na silang pakialam kung ikapahamak man nila ito basta maisakatuparan nila ang pinaplano nila ay masaya na sila.

Sa puntong iyon ng buhay ko, napagtanto ko na hindi lahat ng tao sa tabi o paligid mo ay pu'pwede mong pagkatiwalaan, na hindi lahat ay ganoon din ang turing sa 'yo, ang iba ay nagpapakitang tao lang para maisagawa ang ninanais nila. Pero ang masakit sa lahat ay iyong nahuli mo mismo sa akto, harap harapang ginagawa.

Pakiramdam ko ay naubusan ako ng lakas. Hindi ako makapaniwala, hindi ko makumbinsi ang sarili ko na magagawa ito ng sarili kong kaibigan sa akin, hindi ko na alam...

Sa sandaling iyon, gusto ko siyang tanungin, gusto kong kwestyunin miski ang sarili ko, kung saan ako nagkulang, kung hindi ba ako naging mabuti sa kanya para magawa niya ito sa akin? Bakit sa dinami rami ng tao ay siya pa? Paanong...

"Keshia..." tawag niyang muli sa pangalan ko.

Bigla akong natauhan. Mabilis kong pinahiran ang luha ko sa mukha at hinarap siya. "Bakit?"

Iyon lang ang tanging lumabas sa bibig ko. Bakit? Paano mong nagawa ito sa akin Angela? Bakit ikaw pa na kaibigan ko at isa sa pinagkakatiwalaan ko ang gumawa nito sa akin?

Binitawan niya ang hawak niyang bag na batid kong pinaglalagyan ng mga nakuha niyang gamit ni Calix. Humakbang siya palapit sa akin. "Kesh, magpapaliwanag ako."

Umatras ako, ang paningin ay hindi manlang inalis sa kanya. "Ano pang ipapaliwanag mo?" walang kasing lamig ang boses ko nang oras na iyon.

Natigilan siya at napayuko. Hindi siya nagsalita at paulit ulit lang na umiiling.

"Kung hindi mo 'ko mabibigyan ng sapat na dahilan, tatawag ako ng pulis—" Hindi ko na natapos ang dapat sana'y sasabihin nang bigla siyang magsalita.

"Kesh, no please!" medyo napalakas ang pagkakasabi niya no'n kaya nagulat ako. Nang magtamang muli ang mata namin ay 'ayun na ang mga luha niya.

"I want you to tell me why Angela, paano mong nagawa ito sa akin?" nanginginig na ako sa galit sa kinatatayuan ko. Naiyukom ko ang kamao.

Muli siyang umiling. Napatakip pa siya sa kanyang bibig habang umiiyak. Ilang segundo siyang nanatiling ganoon kaya hinayaan ko muna.

Binalot kami ng katahimikan.

"Hindi ko sinasadya," aniya sabay sulyap doon sa bag na dala niya kanina.

Gusto kong matawa ng sarkastiko sa harap niya, hindi niya raw sinasadya? Baka nga kung hindi pa ako dumating ay nakuha na niya ang lahat ng ito e...

Hindi ako nagsalita at pinanatili ang tingin sa kanya.

"Wala na akong maisip na paraan, nagkaroon ako ng utang at hindi ako tinitigilan ng mga taong 'yon kaya wala na akong choice—" Hindi ko siya hinayaang matapos, humakbang ako palapit at ginawaran siya ng isang malakas na sampal.

"How dare you! Sa penthouse pa mismo ng lalaking mahal ko! You can just ask me for money! Pahihiramin naman kita, bakit kailangang umabot sa ganito?"

Responsibility To Oath (Fixed Series #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon