Kampana

18 3 0
                                    

A spoken word poetry dedicated to my best friend. Highly inspired by the movie "Kita Kita" which is a must for all fellow tear-jerkers out there.

~•~•~•~

"Kampana"

Sa ilalim ng kampana kung saan tayo'y tinadhana na magkita. Muli ako ay nandirito, nag-iisa at tila ba'y tulala. Habang hinihintay na tumila ang malakas na ulan, ako'y nagbilang mula isa hanggang sampu, inaalala ang panahong magkasama tayong dalawa.

Isa. Isang ngiti mo pa lamang sa aking direksyon ay nahulog na ang loob ko. Nahulog hindi dahil sa gwapo ka, kundi dahil sa mensahe saiyong mga mata na tila sinasabing "magiging akin ka".

Dalawa. Nagkita tayong dalawa sa simbahan. Sa ilalim ng tumutunog na kampana na tila ba'y tayo ay tinadhana na magkita. Oo, tinatadhana tayo magkita, pero hindi mag-ibigan.

Tatlo. Tatlong salita ang iyong binitawan na naging dahilan ng aking kasiyahan. Tatlong salitang palaging nagbibigay ng ngiti sa aking mga labi. Sabi mo "I love you", sa Tagalog "Mahal kita". Walang makakatumbas sa sayang aking naramdaman ng sinabi mo ito ng walang alinlangan.

Apat. Apat na beses sa isang araw natin sinasabi ang mga salitang "mahal kita". Na tila ba'y hindi makukumpleto ang ating araw ng hindi natin 'toh sinsabi sa isa't-isa. Pero ngayon, ang nasasabi ko ay "Ayoko na". Oo mahal pa rin kita, pero hindi ito tama kung ikaw lang ang nagmamahal.

Lima. Limang hagdan ang aking tinatahak upang marating ang ating tagpuan. Kung saan tayo'y unang nagkita, at kung saan pinapangarap kong mararating natin pag tayo'y matanda na. Ngunit ang pangarap na ito ay mistulang bituin, kay hirap abutin at mananatili lamang sa langit.

Anim. Anim na beses kitang nasilayan ngunit ika'y lumayo at lumisan. Na para bang hindi mo ko sinuyo. Na para bang hindi mo ko kilala o gusto. Na para bang, na para bang wala akong halaga dyan sa puso mo. Na hindi ako ang sinasabihan mo dati ng "mahal ko".

Pito. Pitong araw akong umiiyak ng dahil sayo. Pitong araw ako nagdadalamhati dahil sa paglisan mo. Pitong araw ako nagsayang ng oras kakahintay sayo. Kakahintay sa paghingi mo ng pasensya at sa iyong pagsuyo.

Walo. Magwa-walong buwan na sana tayo, alam mo ba 'yon? O ako lang yung nagbibilang kung gaano katagal ang ating relasyon? Teka, relasyon nga ba ang matatawag doon? O isang pagsasama na nilikha ng aking imahinasyon?

Siyam. Siyam na beses tumunog ang kampana kung saan sa ilalim nito tayo'y nagkita. At sabay ng pagtunog nito ay ang paggising ko sa katotohanan na ako ay pinaasa at niloko mo lamang.

Sampu. Mas masakit sa sampung sampal ang hinagpis na dinarama ng aking puso. Ako'y mistulang tanga dahil mahal pa rin kita, kahit ako'y iniwan mo na. Mistulang tanga dahil masakit pa rin sa aking damdamin na ika'y lumisan na. Na hanggang ngayon, umaasa pa rin ako na ika'y babalik sa aking piling. At ako bilang tanga, tatanggapin ka ng walang pag-aalinlangan.

Isa, dalawa, tatlo, umaasa pa rin ako. Kahit paulit-ulit akong magbilang, umaasa pa rin ako. Na ang lumisan na mahal ko ay babalik. Babalik sa aking piling at hindi na muling aalis. Na ang pagmamahal na pinaparamdam mo saakin ay mananatili.

~•~•~•~

The Thoughts of a Girl with a Pen and Paper: A Literary CompilationWhere stories live. Discover now