"Hi Maggie!" Masiglang bati kay Maggie ng dalawang babaeng napagbuksan niya ng pinto. Sina Jane at Cha-Cha iyon.
"A-anong ginagawa ninyo dito? Paano ninyo nalaman ang bahay ko?" Takang tanong niya sa dalawang babae. "Sorry, pasok pala kayo." Binuksan niya ng tuluyan ang pinto para makapasok ang dalawang babae.
"Hindi naman kami magtatagal," wika ni Jane na pumasok kasunod ni Cha-Cha.
"Oo, hindi tayo magtatagal." Segunda naman ni Cha-Cha.
"Tayo? Upo kayo," muwestra niya sa kahoy na sofa.
Umupo si Cha-Chat at Jane bago sumagot si Jane. "Ipinasusundo ka ni Yael. Gusto ka niyang makausap."
Hindi siya nakasagot doon, hindi niya inaasahang iyon ang sadya sa kaniya ng dalawang babae. "B-Bakit?"
Nagkibit-balikat si Cha-Cha. "Malalaman mo kapag sumama ka sa amin. Sige na, magbihis ka na, hihintayin ka namin dito." Nakangiting wika nito.
Umiling siya at hindi siya umalis sa kinakatayuan. "Bakit hindi siya ang naririto kung gusto niya akong kausapin?" Ilang araw pa lang nalilibing ang kuya niya kaya wala pa siyang lakas ng loob na harapin si Yael at ihingi ng tawad dito ang kapatid.
Tumayo si Jane at nilapitan siya. Nagulat siya ng yakapin siya ni Jane sandali bago ito lumayo sa kaniya. "Please, Maggie. Indulge us. Gusto ni Yael na magkausap kayo tungkol sa inyong dalawa."
"A-alam ba ninyo ang nangyari?" Mahina niyang tanong. Hindi niya alam kung nasabi na ni Yael sa mga kaibigan nito ang natuklasan nito tungkol kay Patrick.
Nakakaunawang tumango si Cha-Cha na katulad ni Jane ay nilapitan din siya at sandali siyang niyakap. "Nasabi ni Yael. At ngayon ay gusto niyang magkausap kayo. Please, sumama ka sa amin, Maggie. Kung ano't anuman, mas mabuting maayos ang lahat sa inyong dalawa kung magkakahiwalay man kayo."
Hindi siya sumagot pero lalo siyang nasaktan sa narinig. Alam naman niyang hindi na siya tatanggapin ni Yael at maghihiwalay din sila, bakit kailangan pa niyang marinig iyon mula sa mismong bibig ng lalaki? Hindi naman siya masokista para ilapit pa ang sarili sa bagay o tao na alam niyang makakasakit sa kaniya.
"I think, mali ang nasabi ko," wika ni Cha-Cha. "Pero Maggie, bigyan mo naman ng benefit of the doubt si Yael. Sa totoo lang, hindi naman namin alam ang desisyon niya. Humingi lang siya ng tulong na sunduin ka. Paano kung hindi naman pala siya makikipaghiwalay sa 'yo? Hahayaan mo bang palampasin ang pagkakataon na magka-ayos kayo ni Yael?"
Pinagnilay-nilayan niya ang sinabi ng babae. May punto naman ito. Isa pa, hindi ba at kailangan rin naman niyang harapin si Yael dahil kailangan niyang ihingi ng tawad si Patrick? Kailan pa nga ba ang magandang panahon kung hindi ngayon? Dahil kung pagbabasehan niya na maging handa siya, alam niyang baka hindi na iyon mangyayari. Hindi yata magiging handang harapin si Yael sa sarili niyang desisyon. Kung anuman ang gustong sabihin ni Yael ngayon, dapat lang niyang pakinggan ang lalaki. He deserved that after everything Patrick had done to him and his family.
Malalim siyang napabuntunghininga. "Okay, sasama ako."
"Great!" Wika ni Jane.
Inilibot niya ang paningin sa loob ng may kalakihang amphitheater. Doon siya dinala nina Jane at Cha-Cha. At nagulat pa siyang madatnan doon ang mga barkada ni Yael. Kumpleto ang mga ito, pati na ang mga asawa at mga anak. Pero bukod sa mga ito ay walang ibang tao sa maliwanag na lugar. "A-anong ginagawa ninyo rito?" Hindi niya mapigilang maitanong iyon.
BINABASA MO ANG
RANDY's Sweetheart 05: Destiny
RomanceAvailable now in e-book and soon to be on print (12-11-17): https://preciouspagesebookstore.com.ph/Product/Info/4319/RANDY%E2%80%99s-Sweetheart-Series-5;-Destiny---RSS00005 This is the fifth and final book of RANDY's Sweetheart Series. This is about...